top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 18, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hinarap ng malupitang pag-atake ni #7 Belai Abunabot ng Qatar ang dobleng depensa nila #99 Daniel Chitigol at #1 Bela Bartha ng Romania sa kasagsagan ng kanilang laro sa   FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. Tinalo ng Qatar sa 4 sets ang Romania 20-25, 25-23, 25-20, 25-22 (Reymundo Nillama)


Laro ngayong Huwebes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Iran  

      

Sumasakay sa hindi pa naaabot na alon, handang dalhin ng Alas Pilipinas ang kanilang bagong-tuklas na porma sa napakahalagang laban ngayong Huwebes laban sa Iran sa huling araw ng elimination ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Isang ginintuang tiket patungong knockout playoffs sa Martes sa parehong palaruan.

      

Sariwa pa ang makapigil-hiningang 29-27, 23-25, 25-21 at 25-21 tagumpay ng Alas sa Ehipto na kampeon ng Aprika.  Dahil sa higanteng resulta, umakyat ang mga Pinoy ng 11 baytang sa FIVB World Ranking sa ika-77. 

      

Tulad ng Pilipinas, galing ang Iran sa inspiradong 23-25, 25-20, 25-23 at 25-16 panalo sa Tunisia.  Tabla sa 1-1 panalo-talo ang apat na koponan sa Pool A kaya literal na naging knockout pati rin ang laban ng Tunisia at Ehipto.

       

Kailangan nang mamayani muli sina kapitan Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales.  Importante rin ang magiging kontribusyon sa depensa nina Kim Malabunga at Lloyd Josafat sa mas matangkad na Iranian. 

      

Maaaring bumili ng tiket sa www.philippineswch2025.com o pumila sa takilya.  Malaking bagay na mapuno ang MOA para matulungang makasulat ang Alas ng bagong kasaysayan. 

      

Samantala, winalis ng Bulgaria ang Pool E matapos bugbugin ang kulelat na Chile – 25-17, 25-12 at 25-12.  Tiyak na numero uno na ang mga Bulgarian kahit anong mangyari sa huling laro ng Alemanya (1-1) at Slovenia (1-1) at hihintayin ang magiging pangalawa mula Pool D. 

     

Kahit hinulog ang unang dalawang set, nagising ang Portugal at nanaig sa Colombia – 23-25, 21-25, 25-20, 25-21 at 15-11.  Pansamantalang umakyat ng pangalawa ang Portugal sa Pool D habang tinatapos ang laro ng Cuba at Amerika. 

      

Sa Araneta Coliseum, wagi ang Qatar sa Romania – 20-25, 25-23, 25-20 at 25-22.  Nanaig ang Turkiye sa Canada – 25-21, 25-16 at 27-25.  


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 17, 2025



Bryan Baginas

Photo : Matinding pagpakawala ng spike ang binitiwan ni #15 Marck Espejo ng Alas Pilipinas na di napigilan sa  depensa ni #18 Ahmed Shafir Said ng Egypt sa kasagsagan ng kanilang aksyon sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Mall of Asia Arena, Pasay City kahapon. (Reymundo Nillama)


Laro sa Huwebes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Iran 

       

Buhay na buhay pa rin ang kampanya ng Alas Pilipinas at itinala ang makasaysayang panalo laban sa Ehipto – 29-27, 23-25, 25-21 at 25-20, 3-1 – sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa puno at maingay na MOA Arena kagabi.  


Hindi nag-aksaya ng panahon ang mga Pinoy at tinulungan ang sarili para sa unang tagumpay sa higanteng torneo. Malaking bagay ang pagkuha sa unang set kung saan binura ang 24-23 lamang ng Ehipto sa mga atake nina Bryan Bagunas, Kim Malabunga at Leo Ordiales. Hindi naipagpatuloy ng Alas ang enerhiya at pinamigay ang pangalawang set subalit naging mas mabangis matapos nito. 

      

Bumida muli si Bagunas na may 25 puntos mula 23 atake subalit ngayon ay may sapat na tulong ni Ordiales na may 21. Nag-ambag ng 13 ni Marck Espejo. Nanguna sa Ehipto si Seif Abed na may 15. Nagbagsak ng 14 si 6’11” higante Hamada.

      

Alam ng Alas na hindi nila hawak ang kanilang buong kapalaran at nakatanggap ng “tulong” buhat sa mga Iranian na binigo ang Tunisia sa naunang laro – 23-25, 25-20, 25-23 at 25-16 – at pantay na ang apat na koponan sa Pool A sa 1-1 panalo-talo.  Ang Pilipinas-Iran at Ehipto-Tunisia ay magsisilbi nang mga knockout game. 

      

Bumida para sa Iran si Poriya Hossein na may 21 mula sa 18 atake habang may 18 si kapitan Morteza Sharifi. Sumuporta sina Ali Hajipour na may 14 at Mohammad Valizadeh na may 12 at sila ang babantayan ng Alas. 

     

Samantala, umakyat sa ikalawang panalo ang Brazil kontra Czechia – 25-11, 25-22 at 25-18 – para mapabilang sa playoffs. Dalawa na rin ang panalo ng Argentina at isama na ang Timog Korea sa kanilang biktima -25-22, 23-25, 25-21 at 25-18. Pinabuti ng Ukraine ang pag-asa matapos daigin ang Algeria – 25-17, 25-12 at 25-11.  Samantala, ginulat ng Finland ang Pransiya – 25-19, 17-25, 29-27, 21-25 at 15-9.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 16, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hinadlangan ng todo sa depensa ni #33 Fynnian Lionel McCarthy ng Canada ang tangkang atake ni #5 Tatsunori Otsuka ng Japan makaraang biguin sa 3 sets straight ng Canada ang Japan 25-20, 25-23 25-22 sa kanilang mahigpit na tagisan sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. (Reymundo Nillama)



Laro ngayong Martes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Ehipto 

      

Nakasalalay ang kinabukasan ng Alas Pilipinas sa napakahalagang tapatan ngayong Martes laban sa Ehipto sa pagpapatuloy ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Kailangang maiwasan Pinoy Spikers ang ikalawang pagkatalo upang manatili ang pag-asa sa knockout playoffs.

    

Lumasap ang Alas ng malupit na 13-25, 17-25 at 23-25 pagkabigo sa Tunisia noong unang araw ng torneo noong Biyernes. Galing ang Ehipto sa nakakaganang 25-17, 16-25, 25-23 at 25-20 paggulat sa paboritong Iran noong isang araw. 

      

Maaaring humugot ng inspirasyon mula sa huling set laban sa mga Tunisian. Lumaban ng sabayan hanggang 23-23 tabla bago nakuha ng mga bisita ang huling 2 puntos. 

     

Sasandal ang Alas kay kapitan Bryan Bagunas na nagtala ng 23 puntos. Kailangang umangat pa lalo ang laro nina Marck Espejo, Peng Taguibolos at 11 iba pang kakampi para makamit ang makasaysayang resulta.

      

Samantala, idiniin ng Canada ang ikalawang sunod na pagkabigo at ilagay sa alanganin ang paborito Japan – 25-20, 25-23 at 25-22. Hawak ng Canada ang malinis na dalawang panalo sa Pool G para masiguro ang round-of-16. Bumida muli si Sho Vernon-Evans na may 16 at kapitan Nicholas Hoag na may 13.  Nagtala si Ran Takahashi ng 11 habang 10 lang si Kento Miyaura para sa mga Hapon. 

    

Malinis pa rin ang Turkiye at tagumpay sa Libya – 25-18, 23-25, 25-14 at 25-16.  Tinumbasan ng mga Turko ang 2-0 ng Canada. Nakabawi ang Alemanya sa Chile – 25-17, 25-23 at 25-22 – upang pumantay ang kartada sa 1-1.  Binuksan ng Cuba ang araw sa panalo kontra Colombia – 25-22, 25-21 at 25-20. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page