top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 17, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez



‘DI MAN AMININ, MALAMANG NATORETE SINA PBBM AT CONG. ROMUALDEZ SA IBINULGAR NI MANONG CHAVIT NA SILA ANG MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Sa panayam ng media kay dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa Doublegem Events Place sa EDSA, Mandaluyong City, buong tapang niyang pinangalanan sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte 1st District Representative, dating Speaker Martin Romualdez, bilang umano’y mga mastermind sa flood control scandal.


Hindi man aminin, malamang na nabigla sina PBBM at Cong. Romualdez sa ibinulgar ni Manong Chavit na silang magpinsan umano ang “utak” sa naturang iskandalo. Boom!


XXX


‘PAG ANG CAYETANO BLOC ANG KINATIGAN NG SC, KAHIYA-HIYA ANG GATCHALIAN BLOC KASI LALABAS NA INVALID PALA PAGHAHARI-HARIAN NILA SA SENADO – Naghain na ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang Cayetano bloc upang ipawalang-bisa ang umano’y paghahari-harian at pag-take over ng Gatchalian bloc sa ilang komite sa Senado.


Kapag kinatigan ng SC ang petisyon ng Cayetano bloc, ewan na lang kung paano pa makakaharap nang diretso sa taumbayan ang Gatchalian bloc, dahil lalabas na invalid pala ang kanilang ginawang pagkuha ng kontrol sa mga komite. Abangan!


XXX


SABLAY ANG PAGKUWESTIYON NI CONG. RIDON SA MGA BARIL NA PAG-AARI NI ATTY. MANS CARPIO – Sablay ang pahayag ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na isa raw sa gagamitin nilang ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay ang mga baril na nakapangalan sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio na umano’y hindi isinama sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Kaya nasabi nating sablay ito dahil hindi naman pag-aari ni VP Sara ang mga naturang baril kundi ng kanyang mister, kaya hindi ito dapat hanapin sa SALN ng bise presidente. Bukod dito, hindi rin naman si Atty. Carpio ang ini-impeach, kaya mali na gawing isyu ang mga armas na nakapangalan sa asawa ng vice president. Period!


XXX


2 MARCOS LOYALIST AT 2 'DILAWAN', SANIB-PUWERSA RAW SA RAKET NA STL-BOOKIES SA ALBAY – Kung ang sinasabing may kinalaman sa operasyon ng STL bookies sa Batangas ay sina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola, sa Albay naman ay umano’y kontrolado ito ng dalawang Marcos loyalist na sina “Arwin” at “Archie,” kasama ang dalawang tinaguriang “dilawan” na sina “Leo” at “Bitoy.”

Ipinapakita umano nito kung paano nagsasanib-puwersa ang magkakaibang kampo sa pulitika pagdating sa mga ilegal na gawain sa ilalim ng Marcos administration.

Ang tanong: Kailan kaya kikilos sina Albay Gov. Noel Rosal at Albay Police Director Col. Noel Nunez laban sa umano’y operasyon ng STL bookies sa kanilang nasasakupan? Abangan!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 17, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Mas magiging maayos kaya ang kalidad ng edukasyon kung mababawasan ang oras ng mga guro sa paggawa ng sandamakmak na papeles at mas mapupunta ang kanilang atensyon sa mismong pagtuturo? 


Tila magandang hakbang ang bagong polisiya ng Department of Education (DepEd) dahil matagal nang hinaing ng mga guro ang mabigat na paperwork na minsang mas inuuna pa kaysa aktuwal na paghubog sa mga estudyante. Kung tutuusin, hindi naman haba ng lesson plan ang tunay na sukatan ng mahusay na pagtuturo kundi kung malinaw ang aralin at natututo ang bata sa loob ng silid-aralan.


Sa ilalim ng bagong patakaran ng DepEd, papalitan na ang dating sistema ng lesson planning na nakabatay sa mahahabang dokumento. Ayon sa ahensya, aalisin na ang mahigpit na pagkakaiba sa pagitan ng “Detailed Lesson Plans” at “Daily Lesson Logs” upang magkaroon ng mas simple at flexible na paraan ng paghahanda ng aralin para sa mga pampublikong guro.


Bahagi ito ng reporma ng DepEd upang mabawasan ang trabaho ng mga teacher at mas mabigyan sila ng panahon para pagtuunan ang kalidad ng pagtuturo. Sa ilalim ng bagong gabay, ipatutupad ang ILAW Framework na binubuo ng apat na mahalagang bahagi: Intentions, Learning Experience, Assessing Learning, at Ways Forward. Layunin nitong tulungan ang mga guro na malinaw na matukoy ang target ng aralin, maayos na maihatid ang leksyon, masukat ang pagkatuto ng estudyante, at makagawa ng paraan para sa remediation o enrichment kung kinakailangan.


Hindi dapat nauubos ang oras ng mga guro sa pagsusulat ng napakahahabang lesson plan. Mas mahalaga ang kahandaan ng guro at ang tunay na pagkatuto ng mga bata. Ipinunto rin ng DepEd na hindi na maaaring magdagdag pa ng ibang template o dagdag na requirements ang regional offices, division offices, at mga paaralan lampas sa itinakdang pamantayan ng bagong polisiya.


Pinapayagan din ang responsable at limitadong paggamit ng artificial intelligence (AI), gaya ng grammar checking at formatting, ngunit nilinaw ng DepEd na hindi nito maaaring palitan ang sariling paghusga at pagpapasya ng mga guro sa pagdidisenyo ng aralin. Saklaw rin ng bagong sistema ang pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng learners with disabilities, ALS learners, Indigenous Peoples communities, multigrade classes, at maging mga sitwasyong may emergency disruptions.


Mahalaga ang pagbabagong ito dahil ang kalidad ng edukasyon ay direktang nakaaapekto sa kinabukasan ng kabataan. Kung mas mabibigyan ng oras ang mga guro na magturo kaysa gumawa ng dokumento, posibleng mas lumalim ang pagkatuto ng mga estudyante. Ngunit kasabay ng pagluwag ng requirements ay dapat ding tiyakin ng DepEd na may sapat na training at gabay upang hindi mauwi sa kalituhan ang implementasyon. Hindi simpleng pagbabawas ng papel ang tunay na sukatan ng tagumpay kundi kung makikita ba ng mga magulang at komunidad ang mas mahusay na edukasyon para sa mga bata. 


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 16, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Nagpatawag na ng special session ng Kongreso si PBBM sa Hunyo 17.

Maghahalo na ang balat sa tinalupan.


----$$$--

Mabigat na ang eksena sa paksyon ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Itutuloy na nila ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamunuan nina Sen. Pia Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta sa araw na ito.


----$$$--

Bukod sa 18 ex-Marines, may dagdag pang 14 na ex-Marines.

Kumbaga, may “pasabog” ngayon—ballistic missiles!


----$$$--

IMBES sa Senado, sa isang pribadong lugar isasagawa ang pagdinig—malayo sa impluwensya ng kalabang paksyon at malayo rin sa panghihimasok ng NBI.

Walang malinaw kung ano ang magiging epekto nito.


-----$$$--

BUWELO ang pagdinig na ito sa Special Session kinabukasan.

Ngayon pa lamang ay magkakaalaman na kung makakabuo ng “Trese” ang paksyon ni Sen. Win Gatchalian.


-----$$$--

MASYADONG mabagal  ang Korte Suprema na hindi nagbibigay ng opinyon—kung papagitna o hindi.

Sa basketball, kapag dispalinghado o mabagal ang “referee,” nagbubunga ito ng “rambol” sa hardcourt.

Nauunawaan sana ito ng mga mahistrado.


-----$$$--

SA basketball, dati-rati ay dalawa ang referee na siyang pumapagitna upang maisaayos ang proseso ng laro pero ginawa ng “tatlo”—upang maiwasan ang rambol!

Kapag palpak ang isa o hindi na makita ang mga nandadaya, pumipito o sumisenyas na ng violation ang ikatlong referee.


----$$$--

MAGANDA sana kung pumapagitna ang Malacañang sa nahahating Senado, pero kumampi agad ito sa isang paksyon.

Kailangan na ngayon ang desisyon ng Korte Suprema—sila ang ikalawang referee sa Senado.


----$$$--

LAHAT ng apisyonado ay nagkakaisa na kapag ang referee, umpire o ang hurado sa sabong ay “hindi patas,” nagkakaroon ng gulo sa hardcourt at gradas.

Mahalaga ang papel ng “referee” dahil sakaling wala itong kakayahan, makikisali ang MIRON, kung saan, karaniwang nauuwi sa pananakit o pagpatay!


-----$$$--

IPANALANGIN natin na maareglo ang gusot at sigalot sa Senado.

Mas mainam sana kung sila-sila rin o kapwa mga senador ang mag-aregluhan sa kanilang problema.

Iyan din ang nais ng Korte Suprema. Pero paano kung walang “kagalang-galang” sa mga nagpapakilalang mga “kagalang-galang”?




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page