top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | June 18, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang lapis, papel, at mga aklat para makasabay sa pag-aaral. Kung halos lahat ng takdang-aralin, pananaliksik, komunikasyon sa guro, at mga digital learning platform ay nangangailangan ng internet, hindi ba’t makatwiran lamang na mabawasan ang gastusin ng mga estudyante sa load at koneksyon?


Ito ang layunin ng House Bill No. 9859 o Student Discount Para Sa Load Act. Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 20 porsiyentong diskwento ang mga estudyanteng Pilipino sa mobile load, text, tawag, data services, postpaid plans, at internet subscriptions na ginagamit para sa pag-aaral.


Saklaw ng panukala ang mga mag-aaral na naka-enroll sa mga kinikilalang elementarya, sekundarya, technical-vocational, at mga institusyon ng mataas na edukasyon. Hindi kabilang dito ang mga nasa postgraduate studies.


Layunin ng panukala na mabawasan ang epekto ng digital divide o ang agwat sa access sa teknolohiya na patuloy na humahadlang sa maraming kabataang Pilipino, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya. Habang lumalawak ang paggamit ng teknolohiya sa edukasyon, lalong nagiging mahalagang pangangailangan ang internet upang magkaroon ng patas na oportunidad sa pag-aaral.


Bagama’t nagbalik na sa face-to-face classes ang karamihan sa mga paaralan, nananatiling bahagi ng sistema ng edukasyon ang mga online platform, digital resources, at iba pang teknolohiyang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto. Dahil dito, hindi na maituturing na luho ang internet para sa mga estudyante kundi isang mahalagang kasangkapan sa kanilang pag-aaral.


Nakasaad din sa panukala na ang National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangangasiwa sa pagpapatupad nito. Inaatasan naman ang mga telecommunications company na magsumite ng regular na ulat upang matiyak ang kanilang pagsunod sa batas sakaling ito ay maaprubahan.


Para sa maraming pamilyang Pilipino, malaking tulong ang anumang bawas sa gastusin, lalo na sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang perang matitipid mula sa load at internet ay maaari ring magamit sa iba pang pangangailangan sa paaralan tulad ng proyekto, pamasahe, at mga gamit sa pag-aaral.


Ipinapakita ng panukalang ito na ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa silid-aralan kundi pati sa kakayahan ng bawat mag-aaral na makakonekta sa impormasyon at kaalaman. Kung tunay na nais ng pamahalaan na walang estudyanteng maiwan, mahalagang tiyakin na ang teknolohiya ay hindi nagiging pribilehiyo lamang ng may kaya. Ang mas abot-kayang internet ay hindi lamang diskwento sa gastusin kundi isang pamumuhunan para sa mas pantay at mas maayos na kinabukasan ng kabataang Pilipino. 


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 17, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Masalimuot ang sitwasyon sa pulitika.

Delikado!


-----$$$--

Nagkasundo na ang US at Iran.

Mabuti naman.


----$$$--

Bumaba na ang presyo ng petrolyo.

Biyaya ng Panginoon!


-----$$$--

Nadagdagan ang bilang ng ex-Marines.

Baka mas marami ang “ikakarga.”


----$$$--

May nagtatanong: Ano raw ang dahilan ng magulong pulitika?

Ang sabi ko: Kawalan ng ideolohiya!


-----$$$--

Tinatanong ako, ano raw ang ibig sabihin ng ideolohiya?

Sagot ko: Itatanong ko muna sa AI.

Ano raw ang ibig sabihin ng AI?

Sagot ko: “A-mbo, I-ini.”


----$$$--

IBINABALA ang super El Niño.

Ano raw ang ibig sabihin nito?

Sabi ko: “Kombulsiyon ng mundo.”


-----$$$--

MAGKAKAROON ng balasa sa gabinete.

Matagal nang tsismis ‘yan, ngayon lang magkakatotoo.


-----$$$--

MAY pakiramdam tayo na mahaba pa ang bakbakang pampulitikang ito.

Propaganda vs. propaganda.

Torete ang publiko.


-----$$$--

WALANG nagpapaliwanag nang patas.

Halos lahat ay may pinapanigan.


----$$$--

ANG mainstream media lalo na ang social media ay walang kakayahang pumagitna.

Ito ay dahil sa kawalan nila ng kaalaman sa pasikot-sikot ng pulitika at ideolohiya.


----$$$--

NAKAKALUNGKOT isipin na habang namumulitika ang mga lider, patuloy ang pagdarahop na wala ring solusyon.

Titindi ang krisis sa mga buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre.


----$$$--

Giginhawa nang bahagya sa pagpasok ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre dahil sa barangay election at Kapaskuhan.

Pero pagsapit ng Enero, Pebrero at Marso, mapaparalisado ang ekonomiya dahil sa Super El Niño.


-----$$$--

ANG pagtatapos ng giyera sa Middle East at Europe ay isang consuelo-de-bobo lamang.

Ito ay dahil sa mga ganid at suwapang na mga dambuhalang negosyante at mga buwaya sa pamahalaan.


----$$$--

NGAYON pa lamang ay dapat nang magsinop at magtipid.

Hindi tayo masasaklolohan ng pamahalaan na batbat ng katiwalian.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 17, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang ating mga militar at mga naka-unipormeng tauhan ay nahaharap minsan sa mga kaso na may kaugnayan sa kanilang opisyal na trabaho o tungkulin. Alam ko naman na hindi rin biro ang magagastos sa pagkuha ng pribadong abogado. Dahil dito, nais ko sanang malaman kung may batas ba na tumutulong sa kanila na makakuha ng libreng legal na serbisyo? — Joel





Dear Joel,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 12177, o mas kilala sa tawag na “Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act,” kung saan nakasaad na:


“Section 4. Qualifications for Free Legal Assistance. - The Military and Uniformed Personnel (MUP) facing any service-related case before a prosecutor's office, court, quasi-judicial or administrative body, or any competent body or tribunal shall be entitled to free legal assistance.


Retired and honorably discharged and separated MUP shall be eligible for free legal assistance on service-related cases committed while still in active duty.”


Ayon sa nasabing probisyon na batas, ang mga militar at mga naka-unipormeng tauhan (MUP) na nahaharap sa anumang kaso na may kaugnayan sa serbisyo sa tanggapan ng prosecutor’s office, korte, quasi-judicial, o administratibong lupon, o anumang hukuman ay may karapatan sa libreng tulong legal. Karagdagan dito, ang mga retirado at marangal na natanggal o nahiwalay sa serbisyo bilang MUP ay karapat-dapat ding tumanggap ng libreng tulong legal sa mga kasong may kaugnayan sa serbisyo na nagawa habang sila ay nasa aktibong tungkulin pa.


Nakasaad naman sa Seksyon 5 ng R.A. No. 12177 ang mga libreng legal na serbisyo na sakop nito. Ito ay ang mga sumusunod:


“(a) Legal representatives in civil, criminal, or administrative proceedings, as far as practicable;

 (b)  Legal advice or consultations;

 (c)   Preparation of pleadings, motions, memoranda, and all other legal forms and documents;

 (d)  Court fees and other related fees; and

 (e)  Notarization of documents.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page