top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 19, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Limang taon na ang lumipas nang iwanan ng dati naming kapitbahay sa aming pangangalaga ang kanilang anak na babae, na noon ay bagong silang pa lamang. Mula nang siya ay iwanan sa amin ay itinuring at minahal namin siya na parang sarili naming anak. Nagpasya kaming mag-asawa na siya ay legal na ampunin. Nais naming malaman kung kinakailangan pa bang kunin ang pahintulot ng kanyang mga tunay na magulang sa pag-aampon, sa kabila ng katotohanang iniwan na nila ang bata sa aming pangangalaga mula noong bagong silang pa siya. Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po.


— Melai C 





Dear Melai C,


Mandato ng pamahalaan na tiyakin na ang isang batang walang pangangalaga ng magulang, o nanganganib na mawalan nito, ay mabibigyan ng mga alternatibong paraan ng pangangalaga tulad ng pag-aampon at foster care. Kaya naman, naipasa ang Republic Act (R.A.)  No. 11642, na kilala rin bilang “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.” Ayon sa Seksyon 23(b) ng nasabing batas:


“Section 23. Whose Consent is Necessary to the Adoption. – After being properly counseled and informed of the right to give or withhold approval of the adoption, the written consent of the following to the adoption are hereby required:

(a) The adoptee, if ten (10) years of age or over;

(b) The biological parents of the child, if known, or the legal guardian, or the proper government instrumentality which has legal custody of the child, except in the case of a Filipino of legal age if, prior to the adoption, said person has been consistently considered and treated as their own child by the adopters for at least three (3) years;

(c) The legitimate and adopted children, ten (10) years of age or over, of the adopters, if any;

(d) The illegitimate children, ten (10) years of age or over, of the adopter if living with said adopter or over whom the adopter exercises parental authority and the latter’s spouse, if any; and

(e) The spouse, if any, of the person adopting or to be adopted.

Provided, That children under ten (10) years of age shall be counseled and consulted, but shall not be required to execute within consent.”


Sa pag-aampon ng isang bata, kinakailangan ang nakasulat na pahintulot ng kanyang mga biyolohikal na magulang, kung sila ay kilala, matapos silang mabigyan ng tamang pagpapayo at maipaliwanag sa kanila ang kanilang karapatang sumang-ayon o tumanggi sa pag-ampon. 

Batay sa nabanggit na batas, kahit na iniwan na ng mga biyolohikal na mga magulang ang kanilang anak sa inyong pangangalaga, kinakailangan pa rin na kunin ang kanilang nakasulat na pahintulot bago ninyo maproseso ang pag-ampon sa bata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 19, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MANONG CHAVIT, MAY 'ALAS' VS. PBBM AT CONG. ROMUALDEZ NA MAGPAPATUNAY NA SILA ANG UTAK SA FLOOD CONTROL SCANDAL — Sinabi ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na may hawak siyang pruweba na nagtuturo kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez bilang umano’y mga mastermind sa flood control scandal.


Marahil, ang sinasabi ni Manong Chavit na mga ebidensya ang dahilan kung bakit hindi na itinuloy noon ni dating Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Ping Lacson ang pagpapatawag sa kanya bilang resource person sa imbestigasyon. Dahil kung nailantad umano sa Senado ang mga ito, tiyak na yari sa taumbayan ang magpinsang PBBM at Romualdez. Period!


XXX


HINDI PA PALA LUSOT SA PLUNDER SI EXECUTIVE SEC. RALPH RECTO AT IBA PANG GOV'T OFFICIALS NA SABIT SA P60B PHILHEALTH – Nag-file ng motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman ang grupo ng mga doktor upang baligtarin ang naunang desisyon ni Ombudsman Boying Remulla na nag-aabsuwelto kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pang opisyal ng gobyerno sa kasong plunder kaugnay ng paglilipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury.


Kung gayon, hindi pa pala tuluyang lusot sa kasong plunder si ES Recto at ang iba pang sangkot na opisyal. Boom!


XXX


NA-BASH NANG HUSTO SI SEN. RISA HONTIVEROS KASI NANGAMOTE SIYA SA PAKIKIPAGDEBATE KAY SEN. PIA CAYETANO – Na-bash nang husto sa social media si Sen. Risa Hontiveros matapos siyang mapuna sa naging pakikipagdebate kay Sen. Pia Cayetano tungkol sa mga amyenda sa Anti-Hospital Detention Law.


Maging aral sana ito kay Sen. Risa na maging mas handa sa mga ganitong diskusyon, lalo na kung ang kanyang kaharap ay isang abogado tulad ni Sen. Pia Cayetano, upang maiwasan ang batikos at negatibong reaksyon sa social media. Period!


XXX


SA SOLID NORTH NI PBBM, 'UNTOUCHABLES' DAW ANG MGA MANGRARAKET – Sa ipinagmamalaking “Solid North” ni PBBM, may mga umano’y mangraraket pa ring tila “untouchables.”


Tinutukoy umano rito ang mini-casino nina “Karen,” “Maribel,” at “Tisoy” sa Bambang, Nueva Vizcaya; “Patrick” sa Dampa-Legarda at “Nestor” sa Kayang, kapwa sa Baguio City; at mga STL bookie ni “Jesse” sa Pangasinan.


Base sa nakalap nating impormasyon, kaya umano “nganga” lang sa mga operasyong ito ang mga police director ay dahil sinasabing loyalista ang mga naturang personalidad na gumastos at nagpagawa ng mga tarpaulin para sa mga senatorial candidate na iniendorso ni PBBM noong halalan ng 2025. Buset!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi ba’t mas nagkakaroon ng pag-asa ang taumbayan kapag nakikitang lumalawak ang pagtutulungan ng mga ahensya laban sa korupsiyon, lalo na sa mga proyektong dapat sana’y nagsisilbi para maiwasan ang baha at maprotektahan ang mga komunidad? 


Sa panahong patuloy na nararanasan ng maraming Pilipino ang pinsala ng pagbaha, mahalagang makita ng publiko na hindi lamang sa loob ng bansa umiikot ang paghahanap ng pananagutan kundi umaabot maging sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa.


Positibo ang hakbang ng Office of the Ombudsman na palakasin ang ugnayan nito sa mga katapat na institusyon sa Southeast Asia upang mas mapabilis ang pagkalap ng impormasyon at ebidensya kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga kuwestiyonableng flood control projects.


Malaking tulong ang Southeast Asian Ombudsman Forum 2026 sa kanilang isinasagawang imbestigasyon at pag-uusig laban sa mga sangkot sa katiwalian. Sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga bansang kasapi sa forum, maaaring maibahagi sa Pilipinas ang mga impormasyon at ebidensyang makatutulong sa pagpapatibay ng mga kasong isasampa laban sa mga responsable.


Bukod dito, kabilang din sa mga napag-uusapan sa forum ang intelligence gathering at information sharing. Dahil dito, posibleng matukoy ang mga ari-ariang nasa ibang bansa na may kaugnayan sa mga indibidwal na iniimbestigahan. Kapag napatunayan ang pagkakasangkot sa korapsyon, mas mapapadali rin ang proseso ng forfeiture o pagbawi ng mga naturang ari-arian alinsunod sa batas.


Gayunman, nananatiling malaking hamon ang pagkuha ng matitibay na ebidensya. Nakasalalay kung magiging matagumpay ang paghahain at pag-usad ng mga kaso sa korte. Kahit gaano kalakas ang hinala o reklamo, kinakailangan pa rin ng sapat at kapani-paniwalang ebidensya upang mapanagot ang mga sangkot.


Sa unang araw ng full members meeting ng Southeast Asian Ombudsman Forum, inihayag na mahigit 200 flood control cases na ang tinututukan ng kanilang tanggapan. Sa bilang na ito, apat na kaso na ang pormal na naisampa sa kaukulang hukuman.


Mahalaga ang mga ganitong hakbang dahil ang pondong inilaan para sa flood control projects ay mula rin sa buwis ng taumbayan. Kapag may katiwaliang nangyari sa mga proyektong ito, hindi lamang pera ng gobyerno ang nawawala kundi pati ang oportunidad na maprotektahan ang mga komunidad laban sa baha at iba pang sakuna.


Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi lamang ang dami ng kasong iniimbestigahan kundi ang dami ng mga mapapanagot at maibabalik na pondo para sa kapakinabangan ng publiko. Ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa ibang bansa ay isang mahalagang hakbang, ngunit higit na mahalaga ang konkretong resulta.


Umaasa ang taumbayan na ang mga imbestigasyong ito ay hahantong sa hustisya, pananagutan, at mas maayos na paggamit ng pondo ng bayan upang maiwasan ang mga trahedyang dulot ng pagbaha. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page