top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | June 20, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa gitna ng banta ng “The Big One,” mahalagang tanungin kung hanggang saan ang magiging silbi ng mga plano ng gobyerno kung hindi rin handa ang bawat Pilipino na kumilos sa oras ng panganib.


Isang mahalagang hakbang ang inilunsad ng Office of the Civil Defense (OCD) kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng 2026 Harmonized National Contingency Plan (HNCP) para sa high-intensity earthquake sa Greater Metro Manila Area. Layunin nitong tiyakin ang mas organisado at mabilis na pagtugon sakaling tumama ang isang mapaminsalang lindol na maaaring magdulot ng malawakang pagkasira sa National Capital Region at mga karatig-lalawigan.


Saklaw ng Greater Metro Manila Area ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Bulacan, at Pampanga. Ayon sa isang opisyal, nakabatay ang plano sa senaryong maaaring ma-isolate o maputol ang operasyon ng pamahalaan sa Metro Manila matapos ang isang malakas na lindol. Dahil dito, nakatalaga na ang iba’t ibang rehiyon ng bansa upang tumulong sa rescue, relief, at iba pang emergency operations. Natukoy na rin ang mga lugar na maaaring pagdalhan ng mga apektadong residente at mga pangunahing serbisyo.


May kani-kanya ring tungkulin ang mga pangunahing ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Philippine Navy, at Philippine Coast Guard (PCG) upang maging mas maayos ang koordinasyon sa panahon ng krisis. Kasabay ng paglulunsad ng plano ang Second Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill 2026 bilang pagsasanay sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, at iba pang institusyon.


Patuloy na nagbababala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) tungkol sa posibilidad ng isang magnitude 7.2 o mas malakas pang lindol mula sa West Valley Fault. Batay sa kanilang pagtataya, mahigit 50,000 katao ang maaaring masawi at hindi bababa sa 12 porsyento ng mga kabahayan sa Metro Manila ang maaaring makaranas ng matinding pinsala.


Lalo pang naging mahalaga ang usaping ito matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8 na ikinasawi ng hindi bababa sa 78 katao at nakaapekto sa mahigit 1.4 milyong mamamayan. Ayon sa PHIVOLCS, nakita sa naturang sakuna ang kakulangan ng kamalayan ng ilang residente sa mga coastal area, partikular sa tamang pagtugon sa banta ng tsunami. Sa halip na agad lumikas nang umatras ang tubig-dagat, may ilan pang naglaan ng oras upang kumuha ng video gamit ang kanilang cellphone.

Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na hindi sapat ang pagkakaroon ng contingency plan kung kulang naman ang disiplina, kaalaman, at kahandaan ng publiko. Mahalaga ang papel ng gobyerno sa pagbuo ng mga estratehiya, ngunit higit na mahalaga ang aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan. Ang kaligtasan sa panahon ng sakuna ay hindi lamang nakasalalay sa mga responder kundi nagsisimula sa tamang desisyon ng bawat isa.


Ang pinakamahalagang aral ay hindi lamang paghahanda sa “The Big One” kundi ang paghubog ng isang lipunang marunong makinig, sumunod, at kumilos agad sa harap ng panganib. Ang bawat earthquake drill, babala, at contingency plan ay may halaga lamang kung ito ay nauunawaan at isinasabuhay ng taumbayan. Ang tunay na sukatan ng kahandaan ay hindi ang dami ng dokumentong naihanda kundi ang bilang ng buhay na maililigtas kapag dumating ang oras ng sakuna. 


 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 19, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nakakalungkot ang viral na social media post ng isang ginang, na nagkwento tungkol sa pagkamatay ng kanyang kabiyak dahil sa malubhang karamdaman. Base sa kanyang salaysay, wala silang pambayad sa napakamahal na singil sa ospital. Ang mas masakit, hindi raw na-cover ng PhilHealth ang kanyang asawa dahil wala pang 24-oras siyang na-admit sa ospital.


Tiniyak na ng PhilHealth na tutugon ito sa nangyari. Mahalagang malaman ang buong katotohanan lalo pa’t noong isang taon pa ipinagbawal at ipinatigil ng PhilHealth ang anti-poor at illogical na 24-hour confinement policy nito, matapos namang ipatupad ang emergency care benefits.


Kung totoo ngang naipapatupad pa rin ang naturang polisiya, hindi ito katanggap-tanggap. Bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, lalo na noong 19th Congress, sunud-sunod ang naging public hearings natin kung saan ibinunyag at binatikos natin ang hindi makataong 24-hour confinement policy.


Bilang health reforms crusader, hindi tayo tumitigil na ipaglaban ang kapakanan ng mga pasyente lalo na ang mga mahihirap. Patuloy din nating binabantayan kung naipapatupad nga ng PhilHealth ang mga reporma kasunod ng ating marathon hearings noon sa health committee.


Kabilang dito ang pagtanggal sa Single Period of Confinement Policy, kung saan isang beses lang nako-cover noon ng PhilHealth ang isang uri ng sakit kahit maulit ito sa loob ng 90 araw. Ipinatigil na rin ang 45-day annual maximum hospitalization limit, kung saan wala nang benepisyong matatanggap noon ang isang pasyente kapag lampas na sa 45 araw ang kanyang pananatili sa ospital kada taon.


Tandaan po natin na ang PhilHealth ay hindi negosyo na dapat mag-ipon lang ng pondo. Ito ay medical insurance para sa lahat upang may masasandalan ang mga Pilipino kapag nagkasakit. Ang pondo ng PhilHealth ay para sa health at pera po ito ng taumbayan. Dapat lamang na ibalik sa kanila ito sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal.


Samantala, tuluy-tuloy ang ating serbisyo sa ating mga kababayang Pilipino. Nitong June 10, nagtungo tayo sa Malapatan, Sarangani upang maghatid ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng lindol, katuwang si Mayor Jun Sumbo, Jr. Nagpaabot din tayo ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Pagkatapos ay nagtungo naman kami sa Glan, Sarangani, sa pakikipagtulungan nina Mayor Tata Yap at Vice Mayor James Yap, Jr. upang magbigay ng tulong sa mga biktima ng lindol.


Noong June 12, nakiisa rin tayo sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa Polomolok, South Cotabato sa paanyaya ni Mayor Bernie Palencia. Nakiisa rin tayo sa inagurasyon at blessing ng isang pedestrian overpass na ating sinuportahan. Binisita rin natin ang Polomolok General Hospital para matingnan ang kalagayan ng mga pasyente, watchers, at mga healthworkers. Naghatid tayo sa kanila ng kaunting tulong gaya ng grocery packs sa abot ng ating makakaya.


Mula naman sa Polomolok, nagtungo tayo sa General Santos City upang personal na maghatid ng tulong sa iba pa nating mga kababayang naapektuhan ng lindol. Patuloy nating pinakikinggan ang kanilang mga pangangailangan at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal upang makatulong sa kanilang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng sakuna.


Noong June 13, dumalo tayo sa graduation ceremony ng AVS Aeroviation School of Mindanao sa SMX Convention Center, Lanang, Davao City. Congratulations sa mga bagong graduates!


Matapos nito, bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, personal po tayong nakiramay sa naiwang pamilya ng pumanaw na Atenean basketball player at proud Mindanaoan na si Rene Baterbonia. Bilang isa ring sports enthusiast at isang athlete, dumalo rin tayo sa pagbubukas ng 1st Annual Arena Athletics Pickleball Tournament sa parehong lungsod, bilang pagpapatibay ng ating suporta sa mga programang nagsusulong ng sports development, disiplina, at malusog na pamumuhay para sa mga Pilipino.


Noong nakaraang linggo, naghatid din ng tulong ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan nating nangangailangan. Agad nilang tinulungan ang mga biktima ng sunog sa Parañaque City, Manila City, Taguig City, at Bacolod City, Negros Occidental.


Tinulungan din natin ang mga biktima ng sunog na bumabangon mula sa Bacolod City at Taytay, Rizal, kasama ang tulong mula sa pambansang pamahalaan, upang makabili ng mga materyales na magagamit sa muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan. Samantala, sa San Fernando City, Pampanga, tinulungan din ng ating Malasakit Team ang mga biktima ng gumuhong gusali.


Pumunta rin ang ating team sa ika-anim na anibersaryo ng National Academy of Sports. Ipinagmamalaki kong masuportahan ang Republic Act No. 11470, bilang author at co-sponsor, na lumikha sa National Academy of Sports, na nagbibigay sa mga student-athletes ng pagkakataong makapagtamo ng dekalidad na edukasyon habang hinahasa ang kanilang kakayahan at kahusayan sa larangan ng sports.


Bilang Mr. Malasakit, gagawin ko ang aking makakaya upang makatulong sa ating mga kapwa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | June 19, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Bago tayo tumungo sa ating pangunahing paksa, hayaan ninyong simulan natin sa positibo ang ating talakayan—sa ngalan ng pagiging balanse. 


Hayaan ninyong mabanggit natin ang tungkol sa bagong anunsyo ng Government Service Insurance System o GSIS  na makatutulong sa pagtustos ng pag-aaral ng mga anak ng mga aktibong miyembro nito. 


Binubuksan ng GSIS ngayong buwan ng Hunyo ang tinatawag na GSIS Subsidy for STEM Program o GSSP, na naglalaan ng P15,000 na tulong kada taon para sa mga kuwalipikadong anak ng mga miyembro ng GSIS na kumukuha ng mga kurso sa Science, Technology, Engineering at Mathematics o STEM. 


May isang libong slots sa buong bansa ang programa, at 20% nito ang ilalaan sa mga aplikante mula sa mga sektor gaya ng Indigenous People, solo parent families, at persons with disabilities.


Kwalipikado rito ang first-time college freshmen na may gradong hindi bababa sa 90% noong Senior High School at naka-enroll sa isang STEM degree program.

Ipinarating ang balitang ito sa atin nina Ms. Marge Jorillo at Ginoong Sherwin Baylosis Sanglay ng GSIS Corporate Communications unit na atin namang ipinaaalam sa bawat mambabasa ng ating espasyo. 


***


Samantala, binibigyang-daan nating muli ang saloobin ng ating masugid na mambabasang si Ginoong Rudy Ruiz sapagkat ito ay salamin ng nadarama ng marami nating kababayan na nauunsiyami sa kalidad ng pamumuhay sa bansa. 


Ani Ginoong Rudy: Sa nagaganap na kahirapan, kaguluhan, pagnanakaw, taas ng bilihin—pagkain man o gasolina, may pag-asa pa ba ang bansang ito? Hindi ko maipagmalaki na Pilipino ako. Nakakapagod nang maging Pilipino. 


Ginoong Rudy, marami nating kababayan tulad mo ang nauupos na ang pag-asa at pangingibang-bayan na lamang ang pinupuntirya. Paano ba naman, saan ka man bumaling ay kapalpakan ang pumapailanlang.


Gaya na lamang nitong Ateneo De Manila University, isang higher education institution o HEI na bumigo sa ating inaasahang dapat nitong ikilos bilang luklukan ng karunungan. Bilang isang ina, silakbo ng galit ang ating nadarama sa ginawa nitong kapabayaan, na pinag-ugatan ng pagbubuwis ng buhay ng kanilang basketbolistang punung puno ng pangarap na sa isang iglap ay naglaho.


Nakarating na tayo sa Aurora ilang taon ang nakararaan, sa balak na maligo sa dagat nito. Ngunit noong mamalas natin ang laki ng mga alon at nakaramdam tayo ng panganib ay nagdesisyon tayong hindi na tumuloy magtampisaw o maligo dito noong panahong iyon.


Walang katinuan ang pagdedesisyon ng Ateneo na sa karagatang ito magdaos ng teambuilding. Hindi naman lingid ang katangian ng nasabing dagat sa publiko, kung nagtanong-tanong man lamang sana sila.


May mga pagkalunod na naganap na noon pa sa lugar. At ang Ateneo, bilang HEI ay malinaw na malinaw na nagkulang. Kamalian at kawalan ng pag-iingat na dito dinala ang mga kabataang bagama't matitipuno ay walang kalaban-laban sa panganib ng dagat. Karima-rimarim na hindi rin ipinaalam ng Ateneo sa LGU ang isinagawang teambuilding na paglabag sa mga panuntunan ng Commission on Higher Education. Disin sana'y nabigyan sila ng babala at giya. 


Hindi lamang iyan, patong-patong na pagkukulang ang nakita natin mula sa Ateneo, lalo na sa gag order nito sa coach at sa mga kasamang manlalaro patungkol sa nangyari sa teambuilding. Kahayupan ang busalan ang katotohanan, o patagalin ang paglalabas nito, o patahimikin ang kalayaang magsalita ng mga makapagbibigay-kaliwanagan ukol dito.


Natatakot ba sila sa mga sasabihin ng mga player, na kung isa-isang magsasalita ay sasabit lalo ang Ateneo? Hindi rin sapat ang pagbibitiw ng coach, na ni hindi dumalo sa mga paunang imbestigasyon ng mga sangay ng gobyerno. Isang malaking panunuya at insulto!


Hindi pa man natin alam ang bawat pangyayari sa teambuilding ay malinaw pa sa sikat ng araw na responsable at dapat managot ang Ateneo rito. Natawag pa man din na pangunahin kayong eskwelahan. Nakapanlulumo, nakagagalit, nakadudurog ng puso ang inasal ng Ateneo. Hustisya at pananagutan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page