top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Leonida Sison @Boses | June 23, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kapag mismong mga opisyal o empleyado ng pamahalaan ang nasasangkot sa paglabag sa batas-trapiko, natural lamang na mabawasan ang tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng mga regulasyong dapat ay pantay na sinusunod ng lahat.


Dahil dito, muling naging sentro ng usapin ang pananagutan sa kalsada matapos ipatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang nakatalagang driver ng isang government vehicle na nakuhanan sa viral video habang dumaraan sa isang interseksyon kahit pula ang ilaw ng traffic signal. Bukod dito, napag-alaman din ng LTO na paso na ang rehistro ng sports utility vehicle (SUV) na pag-aari ng isang ahensya ng gobyerno.


Dahil dito, naglabas ang LTO ng show cause order laban sa driver at sa kinatawan ng ahensyang nakarehistro bilang may-ari ng sasakyan. Inatasan silang humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Hunyo 26, alas-11 ng umaga, upang magsumite ng kanilang sinumpaang paliwanag kaugnay ng insidente.


Kabilang sa mga posibleng paglabag na kanilang haharapin ang reckless driving, hindi wastong pagbibigay ng signal, hindi pagrerehistro ng sasakyan ayon sa itinakdang batas, pagbalewala sa traffic signs, at pagiging hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyang de-motor. Bilang paunang hakbang, inilagay sa alarm status ang naturang SUV habang pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw ang lisensya ng nakatalagang driver. Inatasan din siyang isuko ang kanyang lisensya sa araw ng pagdinig.


Ayon sa isang opisyal, walang sinuman ang dapat ituring na mas mataas sa batas. Binigyang-diin din na mas mabigat ang pananagutan ng mga gumagamit ng government vehicles dahil sila mismo ang dapat magpakita ng tamang pagsunod sa mga patakaran sa lansangan.


Mahalaga ang kasong ito hindi lamang bilang simpleng paglabag sa trapiko kundi bilang pagsubok sa prinsipyo ng pananagutan sa serbisyo-publiko. Para sa mga ordinaryong motorista na araw-araw na sumusunod sa batas, hindi katanggap-tanggap na may mga gumagamit ng sasakyan ng gobyerno na tila nakaliligtas sa mga regulasyong mahigpit na ipinatutupad sa karaniwang mamamayan.


Ang tunay na sukatan ng mabuting pamamahala ay ang pantay na pagpapatupad ng batas. Kapag nakikita ng publiko na may aksyon laban sa mga lumalabag anuman ang kanilang katayuan, mas tumitibay ang tiwala sa mga institusyon ng gobyerno. Ang insidenteng ito ay paalala na ang pagiging lingkod-bayan ay hindi pribilehiyong makaiwas sa pananagutan, kundi mas malaking obligasyong maging ehemplo ng disiplina, integridad, at paggalang sa batas para sa kapakanan ng bawat mamamayan.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 22, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Isa sa mga kaibigan ko ang nag-post sa social media ng mga mapanirang artikulo laban sa akin. Ito ay noong Enero 2025. Hindi ko ito pinansin dahil pinili ko na lamang na manahimik kaysa makipag-away. Ngayon ay nalaman ko mula sa isang kakilala na patuloy pala siyang gumagawa ng mga kuwentong nakakasira sa aking reputasyon kaya napagpasyahan ko na magsampa na lamang ng kaso laban sa kanya. Ang mayroon lamang akong patunay ay ang mga ipinost niya sa kanyang social media account noong Enero 2025. Puwede ko pa ba siyang ihabla ng Cyber Libel ngayon?


— Arbirasky




Dear Arbirasky,


Ang pag-post sa isang social media account ng anumang artikulo na maaaring makapanira ng puri sa isang tao ay maituturing na krimen. Ito ay nakasaad sa Section 4 (c) (4) ng Republic Act (R.A.) No. 10175 o "Cybercrime Prevention Act of 2012.″


“The following acts constitute the offense of cybercrime punishable under this Act: 


(c) Content-related Offenses:

(4) Libel. — The unlawful or prohibited acts of libel as defined in Article 355 of the Revised Penal Code, as amended, committed through a computer system or any other similar means which may be devised in the future.”


Ang Cyber Libel ay hindi bagong krimen; ito rin ang krimen na libelo na nakasaad sa Artikulo 355 ng Revised Penal Code of the Philippines, pero ang paninirang puri ay ginagawa lamang sa pamamagitan ng computer system. Dahil dito, kailangang masunod ang preskripsiyon ng mga krimen na nakasaad sa Artikulo 90 ng nasabing batas na nagsasabing: “The crime of libel or other similar offenses shall prescribe in one year.”


Kaya naman, ang Cyber Libel ay may prescription na isang taon. Sinusuportahan ito ng desisyon sa kasong Causing vs. People of the Philippines, et al., G. R. No. 258524, October 11, 2023, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Henri Jean Paul B. Inting, kung saan sinabi ng Korte Suprema:


“First, paragraph 4, Article 90 of the RPC must be given its literal and plain meaning: the crime of Libel shall prescribe in one year. This provision must therefore determine the prescriptive period of Cyber Libel, consistent with the Court's finding that Section 4(c)(4) of RA 10175 is the same crime of Libel under Article 355 of the RPC when it is committed through a computer system.”


Sa iyong sitwasyon, nais mong magsampa ng reklamo para sa paninirang-puri sa iyo sa social media na nangyari noong Enero 2025. Maliwanag na lampas na ang isang taon mula nang mangyari ito, na nalaman mo rin ng parehong buwan.  Samakatuwid, paso na ang iyong karapatan para maghain ng reklamong Cyber Libel laban sa iyong kaibigan, para sa kanyang mapanirang post noong Enero 2025.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 22, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAMPO NI VP SARA, NAKAPUNTOS AGAD SA IMPEACHMENT – May kumalat na impormasyon sa social media na sa naganap na impeachment pre-trial conference ay “kinain nang buhay” o inilampaso umano ni Atty. Shiela Sison, lead counsel ni Vice President Sara Duterte, sa argumento si House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro.


Kung totoo ang isyung ito, magandang senyales ito para sa kampo ni VP Sara dahil maaaring magpahiwatig ito na may matibay silang depensa. Sa unang paghaharap pa lamang, nakapuntos na agad umano ang kampo ng bise presidente laban sa House Prosecutor's Panel. Boom!


XXX


KAHIT ‘DI MAKABILANG SINA SEN. JINGGOY ESTRADA AT SEN. RONALD DELA ROSA SA IMPEACHMENT COURT, MAABSUWELTO PA RIN SI VP SARA – Maraming eksperto sa batas ang nagsasabing 16 na boto ng senator-judges ang kailangan para mahatulan sa impeachment si VP Sara.


Ibig sabihin, kahit hindi maging bahagi ng impeachment court sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ronald Dela Rosa, maaari pa ring maabsuwelto si VP Sara dahil 13 senador lamang ang nasa Gatchalian bloc. At sa tingin ng publiko, malabong madagdagan pa ito dahil ang mga nasa Cayetano bloc ay pawang itinuturing na mga pro-Duterte senator. Period!


XXX


HALOS KALAHATI NG POPULASYON NG PINOY, DISKUNTENTO KAY PBBM – Ang laki ng ibinagsak ng rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) dahil sa latest survey ng SWS, 46% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila kuntento sa kanyang pamamalakad sa bansa.


Grabe, dahil ang 46% na ito ay halos kalahati na ng populasyon ng Pilipinas.

Ibig sabihin, kahit sino pa ang maging "manok" ni PBBM sa 2028 presidential election ay mahihirapang talunin si VP Sara. Abangan!


XXX


MAWAWALA ANG PAGKASIGA NINA ‘JUN PULO’ AT ‘RIC’ SA QC ‘PAG NATIMBOG SILA NG MGA PULIS – Dalawang umano'y "siga-siga" na nagngangalang "Jun Pulo" at "Ric" ang hinihinalang nanghihingi ng "tongpats" sa mga KTV bar at spa sa Quezon City.


Kapag nahuli ng kapulisan ang dalawang umano'y "tongpats" collector na ito, tiyak na mawawala ang kanilang pagka-siga-siga. Boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page