top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 25, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nakikiramay ako sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi at nasugatan sa karumal-dumal na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte. Bilang isang magulang, napakasakit tanggapin ang ganitong trahedya, lalo na at mga kabataan na mga mag-aaral ang naging biktima.


Ang paaralan dapat ay lugar ng pag-aaral, kapayapaan, at kaligtasan. Hindi dapat pumapasok ang mga bata sa eskwelahan na may takot sa ganitong uri ng panganib. Mas nakakabahala rin ang mga ulat na ang mga suspek mismo ay mga menor de edad.


Sa mga unang ulat, may magkakaibang bilang na lumabas tungkol sa mga nasugatan, kaya ang mahalaga ngayon ay hintayin ang opisyal na resulta ng imbestigasyon. Pero sapat na ang nangyari para seryosohin natin ang tanong kung sapat ba ang kasalukuyang mga batas, regulasyon sa paaralan, at mga mekanismo para protektahan ang ating kabataan.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Youth, tututukan ko ang isyung ito. Kung may dapat ayusin sa mga kasalukuyang batas, katulad ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, as amended by Republic Act No. 10630, ayusin na natin ngayon. Huwag na nating hintayin na may panibagong trahedya bago kumilos.


Mahalagang malaman kung paano nakuha ang mga baril at paano ito naipasok sa loob ng paaralan. Kung menor-de-edad ang sangkot, mas kailangan nating tingnan ang buong sistema, mula sa seguridad sa paaralan, responsibilidad ng mga nakatatanda, pag-access sa armas, hanggang sa suporta sa mga batang dumadaan sa matinding problema.


Nananawagan ako sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng agarang at masusing imbestigasyon. Kailangan malaman ang katotohanan. Kailangan din nating iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon habang patuloy pa ang imbestigasyon, dahil maaari lamang itong magdagdag ng takot at kalituhan sa publiko.


May mga haka-haka din na tinitingnan ng mga otoridad ang bullying bilang isa sa posibleng dahilan sa likod ng insidente. Kung totoo man ito, hindi ito dapat gawing dahilan para bigyang-katwiran ang karahasan. Pero dapat itong magsilbing babala na maraming kabataan ang maaaring may pinagdadaanan na hindi agad nakikita ng mga magulang, guro, kaklase, at komunidad.


Dito pumapasok ang pangangailangan para sa mas malakas na suporta sa mental health. Bilang health reforms crusader, bago pa man ang trahedyang ito, matagal ko nang isinusulong na dapat may mas accessible na tulong para sa mga kabataan na dumadaan sa matinding lungkot, trauma, takot, galit, o iba pang suliranin. Hindi sapat na hintayin nating lumala ang sitwasyon bago may umalalay.


Kaya isa tayo sa nagsulong ng RA 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act para magkaroong mental health support sa mga basic educational institutions. Isinulong ko rin ang Senate Bill No. 176, na naglalayong magtatag ng Mental Health Offices sa lahat ng public higher education institutions sa bansa. Layunin nitong magkaroon ng libreng counseling services, trained mental health professionals, at 24/7 mental health hotlines para sa mga estudyante.


Bagama’t nangyari ang pamamaril sa isang high school, pareho ang mensahe. Kailangan nating palakasin ang support system para sa kabataan sa lahat ng antas ng edukasyon. Dapat mas madaling makalapit ang estudyante sa taong makikinig, gagabay, at tutulong bago pa mauwi sa pananakit sa sarili o sa kapwa.


Nananatiling bukas ang aking tanggapan upang makatulong sa mga magulang at kabataang apektado ng insidente, sa abot ng aking makakaya.


Samantala, noong Hunyo 19, personal tayong nag-abot ng dagdag na tulong para sa 202 nasunugan sa Caloocan City na patuloy na bumabangon. Nakatanggap din sila ng tulong mula sa national government, sa malapit na pakikipag-ugnayan sa ating tanggapan, upang makabili ng housing materials para muling maitayo ang kanilang mga tahanan.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, personal din tayong dumalo sa 5th Philippine Sports Hall of Fame Enrichment Ceremony ng Philippine Sports Commission noong Hunyo 20, na ginanap sa Rizal Sports Complex. Patuloy nating isinusulong ang mas malaking suporta para sa sports programs, youth development, nation-building, at healthy lifestyle. Patuloy din nating hinihikayat ang kabataang Pilipino na pumasok sa sports, umiwas sa droga, at panatilihing malusog at malakas ang katawan.


Bilang Vice Chairperson naman ng Senate Committee on Health, naimbitahan ako upang dumalo sa Philippine Medical Association of Davao del Norte Medical Practitioners Society, Inc. and the Davao de Oro Medical Society 59th Joint Induction and Turnover Ceremony sa Tagum City, Davao del Norte. Congratulations po sa mga bagong officers!


Samantala, noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating team sa iba’t ibang kababayan nating nangangailangan, kabilang ang agarang pag-alalay sa mga nasunugan sa Brgy. San Dionisio at Brgy. Moonwalk sa Parañaque City.


Sa Davao Occidental, tinulungan din ang mga biktima ng lindol mula sa mga bayan ng Sta. Maria, Malita, Don Marcelino, Jose Abad Santos, at Sarangani sa Balut Island. Bukod dito, naabutan din ng tulong ang mga apektadong residente mula sa Maasim at Malungon sa Sarangani Province, at Koronadal City sa South Cotabato.


Nagpaabot din ng tulong ang ating team sa mga indigent sa Sta. Maria, Romblon, at Pasig City.


Bilang inyong Mr. Malasakit, anumang pagsubok ang ating haharapin, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 25, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


‘PAG HINDI KUMANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE SI MAYOR LENI ROBREDO, HINDI PA RIN PALA SURE SI SEN. RISA NA SUSUPORTAHAN SIYA NG LP – Sa isang media interview, sinabi ni Liberal Party (LP) President Erin Tañada na kung hindi kakandidato si Naga City Mayor Leni Robredo sa pagkapangulo sa 2028, mayroon pang tatlong posibleng ipanlaban ang kanilang partido sa presidential election—sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Bam Aquino.


Malamang ay “nasaktan ang damdamin” ni Sen. Risa sa pahayag na iyan ni Tañada dahil ilang beses na niyang sinabi na handa siyang tumakbo sa pagkapangulo. Pero lumalabas ngayon na hindi pa pala tiyak na siya ang ipapanlaban ng LP, dahil kabilang din sina Sen. Kiko at Sen. Bam sa mga pinagpipilian ng partido para sa 2028 presidential election. Boom!


XXX


DAPAT TOTALLY I-BAN NA SA ‘PINAS ANG ONLINE GAMING NA GOREBOX – Ipinag-utos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa online game na “GoreBox” matapos lumabas sa imbestigasyon na ang marahas na larong ito ang umano’y nakaimpluwensya sa isang 14-anyos na estudyante upang isama ang kanyang 15-anyos na kaibigan at magsagawa ng pamamaril sa loob ng San Juan National High School sa Tacloban City. Sa insidente, tatlong estudyante ang nasawi at 20 pa ang nasugatan.


Aba teka, bakit pansamantalang ban lang? Ang dapat sa larong ’yan ay tuluyan nang ipagbawal sa ‘Pinas. Period!


XXX


BAKA NAIWASAN ANG PAMAMARIL SA SAN JUAN NATIONAL HIGH SCHOOL KUNG NAGING ALERTO LANG SI DEPED SEC. SONNY ANGARA – Bago ang pamamaril ng dalawang Grade 9 students sa San Juan National High School sa Tacloban City, nauna nang nagkaroon ng dalawang insidente ng pananaksak sa mga paaralan sa Cavite. Sa isang private school, pitong mag-aaral ang nasugatan matapos silang pagsasaksakin ng isang babaeng estudyante na umano’y nakaranas ng matinding depresyon. Sa isang public school naman, isang lalaking estudyante ang sinaksak ng nakaalitan niyang kapwa estudyante.


Kung naging mas alerto sana si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at agad na nag-utos sa lahat ng paaralan na higpitan ang seguridad at suriin ang mga bag ng mga mag-aaral matapos ang mga insidenteng ito sa Cavite, baka naiwasan pa ang pamamaril sa San Juan National High School. Tsk!


XXX


SA HALIP NA ATASAN NG GATCHALIAN BLOC ANG DEPED NA MAGDAGDAG NG SEKYU AT MAGLAGAY NG METAL DETECTORS SA MGA ISKUL, INUNA PA ANG PAGBABAWAL NG SOCMED SA  MGA MINOR – Dahil sa insidente ng pamamaril sa San Juan National High School, nais ng Gatchalian bloc sa Senado na ipagbawal sa mga menor-de-edad ang paggamit ng social media.


Pambihira naman! Sa halip na gumawa ng resolusyon na aatas sa DepEd na maglagay ng mga sekyu na may metal detector sa mga paaralan, ang paggamit ng social media ng mga menor de edad pa ang napagdiskitahan. Pwe!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 25, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nagsumbong sa akin ang anak ko at ikinuwento kung paano siya pinahiya at hindi magandang tinrato ng kanyang titser dahil lamang sa hindi niya natapos ang kanyang mga aralin. Dahil dito, na-trauma ang anak ko. Maaari bang mapanagot ang titser niya sa kasong child abuse? — Halley





Dear Halley,

  

Una sa lahat, ang patakaran ng ating Estado ay magbigay ng espesyal na proteksyon sa mga bata mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso, kapabayaan, kalupitan na pagsasamantala at diskriminasyon, at iba pang nakapipinsalang kundisyon.


Sa kasong Lorna Guevarra y Reyes vs. People of the Philippines, G.R. No. 278542, 03 Marso 2026, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Antonio T. Kho, Jr., binigyang-diin ng ating Korte Suprema na ang pisikal na pagdidisiplina sa bata ay maaaring maituring na child abuse kung ito ay sinamahan ng partikular na layunin na pababain o hamakin ang tunay na halaga at dignidad ng bata:


In XXX v. People, the Court reiterated that to be held liable for child abuse, the infliction of physical injuries against a minor intended to discipline or correct the wrongful behavior of the child must be attended by the specific intent to debase, degrade, or demean the intrinsic worth and dignity of the child. 


These, to the Court’s mind, establishes Guevarra’s intent to debase, degrade and demean AAA’s worth and dignity. Indeed, if Guevarra’s only intention is to discipline AAA, Guevarra could have resorted to other commensurate means. Being scolded, shoved in the mouth, and told to stand for three hours with both shoes on her hands while keeping her arms outstretched in the air for almost three hours is undeniably not only humiliating, more so, a traumatizing experience, especially for a seven-year-old minor like AAA. Guevarra’s maltreatment is undeniably prohibited under the Family Code, which has expressly banned the infliction of corporal punishment by a school administrator, teacher, or individual engaged in childcare exercising special parental authority.”


Kung kaya, maaari lamang mapanagot ang titser ng iyong anak para sa child abuse kung maipapakita mo na ang pagdidisiplina/pagtrato/pamamahiya na ginawa niya sa iyong anak ay may kasamang layunin na pababain o hamakin ang halaga at dignidad ng iyong anak.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page