top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 26, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Paano po ba ang pagturing o pagpataw ng parusa sa administratibong kaso kapag maraming magkakaibang paglabag ang napatunayan laban sa isang tao? May kakilala po kasi kaming kawani ng gobyerno na nakasuhan at tila mapapatawan ng parusa dahil sa kanyang mga ginawang pang-aabuso at kalokohan. — Crimson





Dear Crimson,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating mga umiiral na alituntunin, at kaugnay na mga desisyon ng hukuman. Hinggil dito, nakasaad sa Seksyon 70 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, o mas kilala sa tawag na 2025 RACCS ang mga sumusunod:


“Section 70. Penalty for Multiple Offenses. It the respondent is found guilty of two (2) or more different offenses, the penalty to be imposed should be that corresponding to the most serious offense and the rest shall be considered as aggravating circumstances.” 


Kaugnay sa nasabing alituntunin, nabanggit sa kasong Civil Service Commission vs. Rodriguez (G.R. No. 248255, 27 August 2020) sa panulat ni Hon. Associate Justice Amy Lazaro-Javier, ang pamantayan sa pagpataw ng kaparusahan o penalty sa sitwasyon na maraming kasong administratibo ang ikinaso at napatunayan: 


“if respondent is found guilty of two (2) or more different offenses, the penalty to be imposed should be that corresponding to the most serious offense and the rest shall be considered as aggravating circumstances. Here, serious dishonesty is the most serious offense. On the other hand, grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service shall be considered as aggravating circumstances. Thus, respondent should suffer the ultimate penalty of dismissal.”


Samakatuwid, gamit ang mga nabanggit, sa mga kasong administratibo laban sa mga kawani ng gobyerno, kung mapapatunayang nagkasala ang isang respondent sa dalawa o higit pang magkakaibang pagkakasala, ang parusang dapat ipataw ay iyong katumbas ng pinakamabigat na paglabag. Ang iba pang mga napatunayang paglabag ay ituturing bilang mga nagpapabigat na pangyayari (aggravating circumstances) na maaaring makaapekto sa bigat ng kaparusahang ipapataw.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 26, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAGAGALIT TALAGA MGA DDS KASI SI VP SARA NA IBINOTO NG 31M PINOY, GUSTONG PATALSIKIN NG SABWATANG MARCOS ADMIN, KAMARA AT GATCHALIAN BLOC – Halos araw-araw ay pinuputakte ng batikos ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa social media ang Marcos administration, Kamara at Gatchalian bloc sa Senado dahil sa umano’y sabwatan ng mga ito para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.


May dahilan naman na magalit ang mga DDS dahil higit 31 milyong Pilipino ang bumoto kay VP Sara. Kaya para sa kanila, hindi katanggap-tanggap na mapatalsik siya sa puwesto bilang bise presidente dahil sa umano’y sabwatan ng Marcos administration, Kamara at Gatchalian bloc sa Senado. Tsk!


XXX


KAPAG TOTOONG 'MARY GRACE PIATTOS' ANG SURPRISE WITNESS NG KAMPO NI VP SARA, SUPALPAL AABUTIN NG GRUPO NI CONG. JINKY LUISTRO — Sinabi ng mga abogado ni VP Sara na may mga “surprise witness” silang ihaharap kapag nagsimula na ang impeachment trial laban sa bise presidente.


Kaya kung kabilang sa mga testigong ito si “Mary Grace Piattos,” maaaring masupalpal ang House prosecution panel na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro dahil malalantad sa publiko na totoong tao siya at hindi lamang imbento. Kung gayon, mapatutunayan na may tunay na benepisyaryo ng confidential fund ng bise presidente. Period!


XXX


MAY MALAKING MALI TALAGA SA BATAS NI SEN. KIKO PANGILINAN – Sa pamamaril sa San Juan National High School sa Tacloban City, lumabas na isang beses lamang nagpaputok ng baril ang 15-anyos na estudyante, habang 36 na beses namang nagpaputok ang 14-anyos na estudyante. Apat ang napatay at 20 pa ang nasugatan sa insidente.


Ang 15-anyos na estudyante na isang beses lang nagpaputok ay kinasuhan ng multiple murder at multiple frustrated murder. Ngunit ang 14-anyos na estudyante na mas maraming napatay at nasugatan ay hindi maaaring kasuhan dahil sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga batang 15 taong gulang pababa ay walang criminal liability.

Ang nais nating ipunto rito ay tila may malaking problema sa batas na ito. Tsk!


XXX


DAPAT IPA-STOP ANG RAKET NA MINI-CASINO NG MGA MARCOS LOYALISTS SA BAMBANG, NUEVA VIZCAYA – May impormasyon na ang mga Marcos loyalist na kandidato sa pagka-barangay chairman sa Bambang, Nueva Vizcaya ay popondohan umano ng kapwa nila Marcos loyalists na mga operator ng ilegal na mini-casino na sina alyas "Karen," "Maribel" at "Tisoy" upang matiyak na matatalo ang mga DDS na kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.


Kung totoo na nagmumula sa ilegal na mini-casino ang pondong gagamitin sa kampanya, bawal iyan. Kaya naman, dapat ipahuli sina "Karen," "Maribel" at "Tisoy" upang matiyak na magiging patas ang labanan ng mga loyalistang kandidato at mga DDS na kandidato sa pagka-kapitan sa mga barangay sa lalawigang ito. Period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | June 26, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nakakabahala na habang tuluy-tuloy ang pag-ulan ay patuloy ding tumataas ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa, isang sakit na madalas na hindi gaanong napapansin hanggang sa may mamatay na dahil rito. 


Ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ngayong taon ay malinaw na paalala na nananatiling seryosong banta sa kalusugan ng publiko ang sakit na ito, lalo na sa mga mamamayang araw-araw na nakikisalamuha sa baha, putik, at maruming kapaligiran upang maghanapbuhay.


Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 2,177 kaso ng leptospirosis ang naitala mula Enero 4 hanggang Hunyo 6, 2026. Mas mataas ito ng anim na porsyento kumpara sa 2,045 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.


Bagama’t tila maliit ang pagtaas sa unang tingin, bawat bilang ay kumakatawan sa isang taong nalagay sa panganib at maaaring humarap sa malubhang komplikasyon kung hindi agad mabibigyan ng tamang lunas.


Karamihan sa mga naapektuhan ay mga magsasaka at manggagawang nagtatrabaho sa mga taniman na madalas lumusong sa putik at tubig na posibleng kontaminado ng ihi ng mga hayop na may impeksyon. Ipinakikita nito na hindi lamang usapin ng kalusugan ang leptospirosis kundi usapin din ng kabuhayan.


Marami sa mga manggagawa ang walang pagpipilian kundi ipagpatuloy ang kanilang trabaho kahit may panganib na magkasakit dahil ito lamang ang kanilang pinagkukunan ng kita.


Ang leptospirosis ay dulot ng bacteria na naipapasa sa pamamagitan ng ihi o dumi ng mga infected na hayop, partikular na ng mga daga. Kapag nakapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng sugat o pagkakalubog sa kontaminadong tubig, maaari itong magdulot ng matinding karamdaman na nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan.


Bilang pag-iingat, muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na magsuot ng bota kapag lulusong sa baha o putikan, agad na maghugas ng paa gamit ang malinis na tubig at sabon pagkatapos ma-expose sa maruming tubig, at iwasang lumusong kung may bukas na sugat. Mahalaga rin ang agarang pagpapatingin sa doktor at hindi basta-bastang pag-inom ng anumang gamot nang walang payo ng eksperto.


Ipinakikita ng sitwasyong ito na hindi sapat ang pagtugon sa sakit kapag may outbreak na. Mas mahalaga ang tuluy-tuloy na kampanya sa kalinisan, maayos na pamamahala ng basura, pagkontrol sa populasyon ng daga, at pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa mga panganib ng leptospirosis. Kapag napabayaan ang mga ugat ng problema, mananatiling paulit-ulit ang pagdami ng mga kaso taun-taon.


Ang pagtaas ng bilang ng leptospirosis ay nagsisilbing babala sa bawat Pilipino na ang simpleng pag-iingat ay maaaring makapagsalba ng buhay. Kasabay ng responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking ligtas ang kapaligiran, mahalaga ring maging mapanuri at disiplinado ang bawat mamamayan sa pangangalaga sa sariling kalusugan. Ang laban kontra leptospirosis ay hindi lamang tungkulin ng mga otoridad kundi pananagutan ng buong komunidad upang maiwasan ang mas marami pang mabiktima sa hinaharap.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page