top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 30, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TILA PINASARINGAN NI SEN. BAM SI SEN. RISA SA PAG-EPAL NITO SA IMBESTIGASYON SA ONLINE VIDEO GAMES – Tila pinasaringan ni Sen. Bam Aquino ang kasama niya sa majority bloc na si Sen. Risa Hontiveros, na nais pang imbestigahan at iugnay ang mga online video game sa pamamaril sa dalawang menor-de-edad sa San Juan National High School sa Tacloban City.


Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sen. Bam na batay sa maraming pag-aaral, wala umanong matibay na ebidensiyang nagpapatunay na may kaugnayan ang mga school shooting sa iba't ibang bansa sa mga online video game.


Wala man siyang pinangalanan, tila si Sen. Risa ang pinatutungkulan ni Sen. Bam dahil siya lamang ang hayagang nananawagang imbestigahan ang mga developer ng online video game kaugnay ng naturang insidente. Period!


XXX


PITONG BUWANG DEMO JOB KAY VP SARA – Tatagal umano ng pitong buwan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Kung ganoon, pitong buwan ding tatagal ang demolition job laban kay VP Sara. Boom!


XXX


ONLI IN DA ‘PINAS LANG NA TAAS NANG TAAS ANG PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO KAHIT BUMABA NA ANG HALAGA NITO SA INTERNATIONAL MARKET – Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na may panibagong taas-presyo sa langis ngayong araw, June 30.


Only in the Philippines yata na tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo kahit bumaba na ang halaga ng langis sa international market. Buset!


XXX


DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN ANG DAGDAG-SINGIL SA BAYARIN SA SLEX AT STAR TOLLWAY – Simula bukas, Hulyo 1, ay may panibagong taas-singil sa toll fee sa SLEX at STAR Tollway.


Hay naku, hindi pa nga lubusang nakakabangon ang mamamayan mula sa hirap na dulot ng mataas na presyo ng langis, nadagdagan na naman ang kanilang pasanin sa panibagong taas-singil sa SLEX at STAR Tollway. Pwe!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 30, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nasubukan ko na pong mamasyal sa ibang bansa at bumili ng kagamitan doon. Nakakatuwa na minsan ay may tax refund akong nakuha sa binili ko sa ibang bansa. Ngayon naman ay may kaibigan akong foreigner na gustong magbakasyon dito sa ating bansa. Gusto ko sanang malaman kung may batas din ba tayo na maaari siyang makakuha ng tax refund sa kanyang bibilhin dito sa ating bansa? Salamat po sa iyong oras.


— Sebastian





Dear Sebastian,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 112-A ng National Internal Revenue Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 12079, kung saan nakasaad na:


Section 112-A. VAT Refund for Tourists. –


  1. A tourist shall be eligible for a VAT refund on locally purchased goods if the following requisites are present:


  1. The goods are purchased in person by the tourist in duly accredited stores;

  2. Such goods are taken out of the Philippines by the tourist within sixty (60) days from the date of purchase; and

  3. The value of goods purchased per transaction is equivalent to at least Three thousand pesos (P3,000.00): Provided, That such threshold shall be subject to review and adjustment every three (3) years by the Secretary of Finance, upon recommendation of the Commissioner of Internal Revenue, taking into consideration the Consumer Price Index (CPI) as published by the Philippine Statistics Authority (PSA).


  1. The Department of Finance shall engage the services of one (1) or more reputable, globally recognized, and experienced VAT refund operators to provide end-to-end solutions to the government for the establishment and operation of a VAT refund system for tourists.


  1. The refund under this section may be made either electronically or in cash.


  1. The amount necessary for the VAT refund system for tourists under this Code shall be charged against the special account in the General Fund as provided under Section 106 of this Code.


For purposes of this section, the term 'tourist' means a non-resident foreign passport holder."


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang isang turista ay maaaring makatanggap ng Value Added Tax (VAT) refund para sa mga lokal na biniling produkto. Para sa iyong kaalaman, ang sinasabing “turista” ay dapat may-ari ng pasaporte na dayuhan at hindi residente ng Pilipinas (non-resident foreign passport holder).


Dagdag dito, para maging karapat-dapat ang isang turista sa VAT refund, dapat matupad ang mga sumusunod na kwalipikasyon: (a) ang mga paninda ay binibili nang personal ng turista sa mga tindahang may akreditasyon; (b) ang mga naturang paninda ay ilalabas ng turista sa Pilipinas sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili; at (c) ang halaga ng mga panindang binili sa bawat transaksyon ay katumbas nang hindi bababa sa P3,000, ito ay sa kondisyon na ang naturang limitasyon ay isasailalim sa pagsusuri at pagsasaayos bawat 3 taon ng Kalihim ng Finance, sa rekomendasyon ng Komisyoner ng Bureau of Internal Revenue, na isinasaalang-alang ang consumer price index na inilathala ng Philippine Statistics Authority.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 30, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong mga nakaraang araw, sunud-sunod ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan na nabalitaan natin. Isa na rito ang insidente ng pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Lungsod ng Tacloban, kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi, samantalang umabot naman sa 20 ang naitalang sugatan.

 

Sa gitna ng mga lumalalang insidente ng karahasan sa paaralan, lalong nabibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program na itinatag alinsunod sa mandato ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod bilang sponsor at may akda ng naturang batas. Layunin ng naturang programa na itaguyod ang kalusugan ng pag-iisip at kapakanan ng ating mga mag-aaral.

 

Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, P2 bilyon ang inilaan para sa pagkuha ng 10,000 School Counselor Associates I. Kung babalikan natin ang Republic Act No. 12080, nilikha ang naturang posisyon upang matugunan ang kasalukuyang kakulangan ng guidance counselors sa ating mga pampublikong paaralan at tumulong sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program. 

 

Para maging kwalipikado bilang School Counselor Associates, kailangan ang isang kandidato ay mayroong Bachelor's Degree in Guidance and Counseling o Psychology, o anumang Bachelor's Degree na hindi bababa sa 18 units sa alinman sa dalawang larangang ito. Maaari ring maging kwalipikado ang mga nagtapos sa related degree programs kung nakatapos sila ng hindi bababa sa 18 units ng Behavioral Science, kabilang ang 200 oras ng supervised practicum o internship sa guidance and counseling, lalo na sa mga paaralan o komunidad. 

 

Sa paglalaan natin ng pondo para sa pagkuha ng mga School Counselor Associate, nais nating tiyaking mahuhubog ang mabuting asal ng mga mag-aaral at ang kanilang kalagayang pangkaisipan at emosyonal. 

 

Kaya hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon sa pagkuha ng mga propesyonal na ito, lalo na’t ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral ang nakasalalay dito.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page