top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BAKA MAPAAGA ANG DISMISSAL SA IMPEACHMENT KAY VP SARA KAPAG 'KAININ NANG BUHAY' NG DEFENSE TEAM SA DISKUSYON ANG HOUSE PROSECUTORS PANEL – Ngayong araw na ang pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Kaya kung "kainin nang buhay" ng defense team ni VP Sara, sa pangunguna ni Atty. Sheila Sison, ang House prosecution panel na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro sa pagtalakay ng kaso, baka mapaaga ang dismissal ng impeachment case laban sa bise presidente. Period!


XXX


PUWERSA KAYA NI CONG. MARTIN ROMUALDEZ ANG MAGPAPA-IMPEACH KAY OMBUDSMAN BOYING REMULLA? – Nang tanungin ng mga mamamahayag si Tingog Partylist Rep. Jude Acidre tungkol sa kumakalat na balitang may ikinakasang impeachment case laban kay Ombudsman Boying Remulla sa Kamara, sinabi ng kongresista na posible umanong magkaroon ng impeachment complaint laban sa Ombudsman.


Si Rep. Yedda Romualdez, asawa ni Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, ay kabilang din sa Tingog Partylist kasama ni Cong. Acidre.

Dahil pursigido ang Office of the Ombudsman na makasuhan at mapakulong si Cong. Martin Romualdez, ang tanong ngayon: ang tinutukoy kaya ni Cong. Acidre na posibleng impeachment laban kay Ombudsman Remulla ay isusulong ng kampo ng dating Speaker? Abangan!


XXX


GINAGAWANG KATATAWANAN NG NETIZENS SA SOCIAL MEDIA ANG 'RISA NA" – Dapat nang tigilan ng Akbayan Party-list ang pag-iikot sa iba't ibang lugar sa bansa para isulong ang kampanyang "Risa Na" para sa 2028 presidential election.

Sa halos bawat post nila sa social media tungkol sa "Risa Na," mas marami pa ang "haha" reactions, na para sa ilan ay indikasyong hindi sineseryoso ng maraming netizens ang kanilang isinusulong.


Sa totoo lang, marami ang nagtatawanan sa "Risa Na" dahil para sa kanila ay wala namang malaking tsansa si Sen. Risa Hontiveros na manalo sa 2028 presidential election, pero pilit pa ring itinutulak ang kanyang kandidatura. Boom!


XXX


KAYA UNTOUCHABLE, DAHIL ISANG HIGH RANKING OFFICIAL DAW NG MARCOS ADMIN ANG NASA LIKOD NG STL-BOOKIES SA ALBAY – May impormasyon na isang high-ranking official umano ng Marcos administration ang nasa likod ng operasyon ng STL bookies sa Albay, habang front lamang daw sa naturang raket ang dalawang Marcos loyalists na sina "Arwin" at "Archie," at dalawang "dilawan" na sina "Leo" at "Bitoy."


Ayon sa impormasyon, ang naturang high-ranking official ay dating "dilawan" na naging loyalist matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa isang sensitibong posisyon sa administrasyon.


Kung totoo ang impormasyong ito, hindi na kataka-takang sinasabing untouchable ang STL bookies sa Albay. Buset!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 6, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hindi na lamang sa mga lansangan o pampublikong lugar matatagpuan ang mga banta sa kaligtasan ng mga kabataan. Sa panahon ngayon, maaari na rin itong magsimula sa harap mismo ng cellphone, tablet, o computer na araw-araw nilang ginagamit.


Kaya napapanahon ang panawagan ng Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na maging mas mapagmatyag sa online activities ng kanilang mga anak. Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang labis na pagkahumaling sa mararahas na online games o iba pang digital content na maaaring makaapekto sa kanilang pag-uugali at pag-iisip.


Bagama't hindi lahat ng naglalaro ng violent online games ay nagiging marahas, hindi rin maikakaila na ang sobrang pagkakalantad sa ganitong uri ng nilalaman ay maaaring magdulot ng desensitization sa karahasan, pagkakaroon ng agresibong pag-uugali, at pagiging madaling mabiktima ng mga grupong naghahasik ng maling ideolohiya sa internet.


Mas nakakabahala kung ginagamit ng ilang organisasyon ang social media at iba pang online platforms upang impluwensiyahan at hikayatin ang mga menor-de-edad na sumali sa mga mapanganib na aktibidad. Dahil dito, lalong nagiging mahalaga ang aktibong paggabay ng mga magulang at ang bukas na komunikasyon sa loob ng tahanan.


Mahalagang malaman ng publiko na hindi lamang para sa mga emergency sa krimen o aksidente ang 911. Maaari rin itong maging daan upang makahingi ng agarang tulong o payo kapag napapansin ng mga magulang ang mga hindi pangkaraniwang pagbabago sa asal ng kanilang anak na maaaring may kaugnayan sa mapanganib na online exposure. Ang maagap na paghingi ng tulong ay maaaring makapigil sa mas malalang sitwasyon.


Kasabay nito, nararapat ding palakasin ang ugnayan ng mga magulang, paaralan, at PNP upang agad matukoy at matugunan ang anumang banta sa mga kabataan. Malaki rin ang maitutulong ng guidance counseling at iba pang intervention programs upang maituwid ang landas ng mga batang naliligaw ng impluwensya sa internet.


Hindi sapat ang simpleng pagbabawal sa paggamit ng gadgets. Mas epektibo ang tamang paggabay, paglalagay ng malinaw na limitasyon sa screen time, at pag-alam kung ano ang mga nilalaro, pinapanood, at kinakausap ng mga bata sa online world.


Ang teknolohiya ay maaaring maging kasangkapan sa pagkatuto, ngunit maaari rin itong maging pintuan ng panganib kung walang wastong gabay.


Sa huli, ang laban kontra-online exploitation at digital radicalization ay hindi lamang responsibilidad ng PNP. Ito ay pananagutan ng buong lipunan—ng mga magulang, guro, pamahalaan, at mismong komunidad. Kung sama-samang kikilos ang lahat, mas malaki ang pagkakataong maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga banta na hindi nakikita ng mata ngunit maaaring sumira sa kanilang kinabukasan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 5, 2026



Fr. Robert Reyes


Inutos ni Yahweh sa mga Israelita na maglakad sa paligid ng Jericho hanggang sa gumuho ang muog na bumabalot dito. At ito nga ang kanilang ginawa. Sa loob ng pitong araw ay inikutan nila ang Jericho habang hinihipan ang pitong trumpeta na nasa harapan ng Kaban ng Tipan (Ark of the Covenant). Pagsapit ng ikapitong araw, gumuho ang mga pader na nakapalibot sa Jericho. (Joshua 6:15-27)


Kakaiba ang ugnayan ng Diyos at ng tao noong unang panahon. Kapag nagsalita ang Diyos, naririnig Siya ng mga tao at hindi nagtatagal ay natutupad ang Kanyang mga salita. Inutusan Niya si Moises na hampasin ang bato sa gilid ng bundok. Ginawa ito ni Moises at bumulwak ang tubig upang mapawi ang uhaw ng mga Israelita.


Ngunit hindi rito nagtapos ang kanilang mga pagsubok. Nang magkaroon na sila ng tubig, pagkain naman ang kinulang. Muli silang nagreklamo, kaya idinulog ni Moises sa Diyos ang kanilang hinaing. Hindi nagtagal, umulan ng mana—tinapay na nagmula sa langit—at nabusog ang mga nagugutom na Israelita. Katulad nito, ang pagguho ng mga pader ng Jericho ay hindi nangyari agad, kundi matapos ang ilang araw ng paglalakad, panalangin, at pagtitiwala sa Diyos.


Ginawa na rin ng iba't ibang grupo ang sari-saring paraan upang maipahayag ang kanilang mga paninindigan. Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng kilos-protesta ang isang grupo laban kay PBBM at nagbantang "walang alisan" hangga't hindi siya bumababa sa puwesto. Ngunit pagsapit ng ikatlong araw ay unti-unting nabawasan ang mga raliyista hanggang sa tuluyan nang tapusin ng mga organizer ang protesta. Nanatili pa rin si PBBM sa kanyang puwesto.


Bilang paghahanda sa nalalapit na impeachment trial ni VP Sara Duterte, nagsagawa naman ng Jericho Walk ang iba't ibang grupong Kristiyano—mga Protestante, Ebangheliko, at Katoliko—noong Sabado, Hulyo 4, 2026. Dumalo rito ang mga miyembro ng iba't ibang simbahan. Sa halip na sigawan at protesta, taimtim na paglalakad at panalangin ang kanilang isinagawa. Tinawag nila itong Lakad-Panalangin o Pilgrimage of Conscience.


Dalawang bahagi ang naging programa. Una ang mismong Jericho Walk, na sinimulan sa pamamagitan ng mga panalangin, pagbasa ng Bibliya, at pag-awit. Sinundan ito ng paglalakad na pinangunahan ng mga lalaking humihip ng shofar—isang trumpetang yari sa sungay ng tupa—na kahalintulad ng ginamit ng mga Israelita sa pag-ikot sa Jericho. Sa tradisyong Hudyo, ang pag-ihip ng shofar ay sumasagisag sa pagtawag sa bayan ng Diyos at sa pagtataboy ng kasamaan. Kasabay nito ang tahimik na panalangin ng mga lumahok.


Ikalawa, nagsagawa ang ilang paring Katoliko ng Prayer of Deliverance o Panalangin para sa Kaligtasan mula sa Masasamang Espiritu sa paligid ng Senado. Layunin nitong ipanalangin ang paglilinis ng kapaligiran at ang paggabay ng Diyos sa mga namumuno.

Sa nakalipas na mga linggo at buwan, nasaksihan ng publiko ang mga kaguluhan at tunggalian sa loob ng Senado. Marami ang nagtatanong kung normal pa ba ang mga nangyayari rito. Para sa ilan, bihira nang makita ang ganitong lalim ng hidwaan, na nauwi sa matinding pagkakahati-hati ng kapulungan.


Naranasan pa ng Senado ang pagkakaroon ng dalawang magkatunggaling pamunuan sa ilalim nina Alan Peter Cayetano at Sherwin Gatchalian. Natapos lamang ang sitwasyong ito nang lumipat si Joel Villanueva sa kabilang panig, dahilan upang mabuo ang bagong mayorya na may 13 senador at ang bagong minorya na may 11. Sa huli, si Win Gatchalian ang naging bagong Senate President.


Malinaw na hindi magiging madali ang impeachment trial sa gitna ng nahating Senado. Bagama't nabuo na ang bagong mayorya at tila mas naging maayos ang sitwasyon kaysa dati, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng panibagong sigalot mula sa loob at labas ng kapulungan.


Ito ang dahilan kung bakit isinagawa ang Jericho Walk at ang Paglalakbay ng Konsensiya. Dalangin ng mga lumahok na sa pamamagitan ng pagsaboy ng binasbasang asin at banal na tubig, pag-iinsenso, pagsisindi ng binasbasang kandila, at sama-samang panalangin, ay muling luminis at maging sagrado ang Senado.


Nawa'y manaig sa institusyong ito ang katotohanan, katarungan, at kabutihang nagmumula lamang sa Makapangyarihan at Mapagligtas na Panginoong Diyos. Amen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page