ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 15, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang aking asawa ay nagkaroon ng malubhang sakit at kalaunan ay pumanaw noong ika-4 ng Enero 2026. Noong Marso 2026, may nakilala ako sa aking trabaho at nagkamabutihan kami. Dahil pareho kaming nasa wastong edad, napagpasyahan naming magpakasal. Nguni’t may nakapagsabi sa akin na meron diumanong batas sa Pilipinas na nagpaparusa kung ang isang biyuda ay magpakasal agad sa ibang lalaki matapos pumanaw ang nauna niyang asawa. Maaari po ba nila akong kasuhan kung sakaling magpakasal ulit ako?
— Marimar
Dear Marimar,
Sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC), ipinagbawal ang muling pagpapakasal ng isang babae sa loob ng tatlong daan at isang araw matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ayon dito:
“ART. 351. Premature marriages.—Any widow who shall marry within three hundred and one days from the date of the death of her husband, or before having delivered if she shall have been pregnant at the time of his death, shall be punished by arresto mayor and fine not exceeding 500 peso.”
Gayunpaman, inamyendahan na ang probisyon na ito ng RPC. Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 10655 o ang “Act repealing the crime of premature marriage under Article 351 of the Revised Penal Code,” ang Artikulo 351 ng RPC ay pinawalang-bisa na o hindi na aplikable sa ngayon. Narito ang pahayag ng batas:
“Section 1. Without prejudice to the provisions of the Family Code on paternity and filiation, Article 351 of Act No. 3815, otherwise known as the Revised Penal Code, punishing the crime of premature marriage committed by a woman, is hereby repealed.”
Ang pagpapawalang-bisa ng Artikulo 351 ng RPC ay sang-ayon sa pagkakapantay-pantay ng mga karapatan na nakasaad sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas. Ang probisyong ito ng batas ay humahadlang sa karapatan ng isang babae na muling magpakasal. Hindi rin ito sang-ayon sa pagkakapantay-pantay ng karapatan, dahil ang nasabing probisyon ng batas ay aplikable lamang sa mga biyuda at hindi sa mga biyudo.
Sa iyong sitwasyon, kung sakaling mapagdesisyunan mo na muling magpakasal sa iyong bagong kasintahan, kahit na ito ay nasa loob pa ng 301 araw mula sa pagkamatay ng iyong unang asawa, hindi ka na makakasuhan ng kasong kriminal na Premature Marriage dahil pinawalang-bisa na ito ng R.A. No. 10655.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



