top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 16, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang Lunes, naging karangalan ng inyong lingkod na dumalo sa General Assembly ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), kung saan tinalakay natin ang ating narating sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang batas para sa libreng kolehiyo.

 

Malinaw ang ating mensahe sa ating mga SUCs, sa ating mga administrador, mga guro, mga kawani, at higit sa lahat sa ating mga mag-aaral at mga magulang: patuloy na susuportahan ng Senado, sa ilalim ng ating liderato, ang epektibong pagpapatupad at pagpapalawak ng libreng kolehiyo upang maabot pa natin ang mas maraming mga kabataan.

 

Simula noong ganap na ipatupad ang batas noong 2018 hanggang sa Academic Year 2025-2026, umabot na sa mahigit limang milyong mag-aaral ang nakinabang sa libreng kolehiyo. 

 

Nirepaso ng ating tanggapan ang datos at batay sa ating pagsusuri, lumalabas na umabot na sa 4.070 milyon ang nakapag-aral sa ating mga SUCs nang hindi nagbabayad ng matrikula, samantalang umabot naman sa 1.406 milyon ang naging benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES). Sa kabuuan, 5.476 milyong mga unique beneficiaries o mga indibidwal na benepisyaryo na ang natulungan natin.

 

Bilang isa sa mga nagpanukala ng batas na ito, ikinagagalak nating makitang ganito na karami ang mga kabataang nabibigyan natin ng pagkakataong magkaroon ng mas magandang kinabukasan. 


Nakakatuwang balikan na isa pa lamang Kongresista ang inyong lingkod noong una nating inihain ang panukalang gawing libre ang kolehiyo sa mga SUCs. Noong nanalo tayong senador noong 2016, ang panukalang ito ang isa sa mga binigyan natin ng prayoridad na maihain. Patuloy nating isinulong ang panukalang ito hanggang sa ganap na maging batas noong 2017. 

 

Noong nagsilbi ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating madadagdagan ang pondo para sa libreng kolehiyo sa ilalim ng 2026 national budget upang matulungan natin ang mas marami pang mga mag-aaral. 

 

Ngayong taon, P32.8 bilyon ang inilaan natin para sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo, hindi lamang sa ating mga SUCs kundi pati na rin sa ating mga local universities and colleges (LUCs). Umabot naman sa P26.3 bilyon ang inilaan natin para sa TES. Inaasahang 1.3 milyong mag-aaral mula sa mga mahihirap na pamilya ang matutulungan natin. 

 

Samantala, P2.9 bilyon sa pondo ng TES ang nakalaan para sa 200,000 na mga mag-aaral o higit pa mula sa mga pamilyang bahagi ng 4Ps o kaya naman ay mula sa mga lugar na walang SUCs o LUCs.

 

Pinagsikapan din nating tulungan ang mga SUCs na tugunan ang kanilang limitadong kapasidad. Noong nakaraang taon, lumabas sa aming pagsusuri na may 168,493 na mga mag-aaral ang hindi nakapag-enroll dahil sa kakulangan ng slot sa ating mga SUCs. 

 

Kaya naman naglaan ang Senado ng dagdag na P6.3 bilyon para sa ating mga SUCs, P5.2 bilyon dito ay panukala ng ating tanggapan upang makapagpatayo ang mga SUCs ng mga dagdag na silid-aralan at mga pasilidad, mga bagay na tutugon sa kanilang limitadong kapasidad. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 16, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Siguradong malayo ang mararating ng kabataang Pilipino kung sapat ang suporta ng pamahalaan sa kanilang talento at kinabukasan.


Kapag seryosong pinopondohan ang sports, hindi lamang medalya ang maaaring maiuwi ng bansa kundi mas maraming kabataang magiging disiplinado, malusog, may kumpiyansa sa sarili, at may malinaw na direksyon sa buhay. Hindi lamang ito pamumuhunan para sa mga atleta kundi para rin sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.


Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng patuloy na pamumuhunan sa sports bilang bahagi ng paghubog sa kabataang Pilipino. Kasunod ito ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Tarlac, upang inspeksiyunin ang kalagayan at pag-unlad ng mga pasilidad nito.


Ayon sa DepEd, higit pa sa pag-aani ng medalya ang layunin ng programa. Ang pamumuhunan sa sports ay katumbas din ng pamumuhunan sa kalusugan, disiplina, magandang asal, at maayos na paggabay sa kabataan. Sa pamamagitan ng NAS, nahuhubog ang katatagan ng loob, pagkakaisa, at responsibilidad ng mga mag-aaral habang pinagsasabay ang pag-aaral at pagsasanay sa kani-kanilang larangan.


Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga student-athlete ng komprehensibong suporta kabilang ang 24-oras na pangangalaga, libreng tirahan sa dormitoryo, kumpletong pagkain at meryenda, strength and conditioning program, at buwanang allowance na P3,000. Mayroon ding mahigit 170 kawani at mga espesyalistang coach na nakatutok sa paglinang ng kanilang kakayahan.


Sa pagbisita ng Pangulo, ininspeksyon ang mga nagagamit nang pasilidad sa Phase 1, kabilang ang Academic and Administration Building at Multi-Sports Gymnasium, gayundin ang halos tapos nang Phase 2 facilities tulad ng Gymnastics Hall, Sports Performance Building, at mga dormitoryo para sa mga estudyante at kawani.


Patunay ng magandang bunga ng programa ang naging performance ng NAS sa 2026 Palarong Pambansa kung saan nakapag-uwi ito ng 26 na medalya—10 ginto, limang pilak, at 11 tanso. Noong 2025 naman, umabot sa 1,029 medalya ang napanalunan ng mga atleta nito sa iba't ibang pambansa at internasyonal na kompetisyon.


Malaki ang naitutulong ng ganitong programa hindi lamang sa mga atleta kundi maging sa buong bansa. Kapag nabibigyan ng sapat na oportunidad ang kabataan, mas nahuhubog ang kanilang disiplina, sipag, at pagmamahal sa bayan habang nababawasan ang posibilidad na malihis sila ng landas.


Ang tagumpay ng National Academy of Sports ay hindi dapat sukatin lamang sa dami ng medalya. Higit na mahalaga ang paghubog ng mga kabataang responsable, may magandang pagpapahalaga sa buhay, at handang magbigay ng karangalan sa bansa. Sa patuloy na suporta sa sports at edukasyon, mas matibay ang magiging pundasyon ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 15, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Mistulangnagdeklara ng giyera si US President Donald Trump kontra sa ICC.

Binalaan niya ang mga bansa na nakikipagtulungan sa ICC.


-----$$$---

Nagbabala si Trump na hihigpitan ng US ang mga bansa na nakikipag-cooperate sa ICC at magpapataw ng parusa.

Ano kayang ang sey dito ng Malacañang?


----$$$--

May ulat na binasted ang request na asylum ni Atty. Harry Roque sa Europe.

Naku po! Dadami pa ang makakalaboso!


-----$$$---

MAGKAKASALUNGAT ang ulat tungkol sa giyera ng US at Iran.

Propaganda kontra-propaganda.


-----$$$---

MAGRERETIRO na ang AFP chief.

Sino kaya ang papalit?


-----$$$--

PINASISIKAT ang tambalan nina Bimby Aquino at Ryzza Mae Dizon.

Malaki ang badyet d’yan!


----$$$--

MABILIS na sinasakop ng AI ang lahat ng sektor.

Sa bandang huli, peke ang lahat ng makikita natin sa internet.


----$$$---

WALA pa ring kongkretong programa at aksyon ang gobyerno laban sa epekto ng El Niño at La Niña.

Hindi nila nauunawaan ang kahulugan nito!


----$$$---

HANGGANG ngayon, walang malinaw na katunggali si VP Sara sa 2028 presidential election.

Malamang ay makakalaban niya ang kanyang “sarili”.


-----$$$---

PAGSAPIT ng 2027, ilan kaya ang gabineteng maiiwan sa tabi ni PBBM?

Suwerte nila!


-----$$$--

DUMATING na si Alex Eala sa Pilipinas.

Nasaan ang “hero’s welcome”?

Bahala na ang Globe at BPI!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page