top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 24, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SANA MAKATOTOHANAN AT HINDI PAMBOBOLA LANG SA PUBLIKO ANG IKA-5 SONA NI PBBM – Sa Lunes, Hulyo 27, gaganapin ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Sana ay makatotohanan ang mga ilalahad ni PBBM at hindi lamang pambobola o boladas sa publiko. Period!


XXX


SABLAY NA NAMAN ANG MARCOS ADMIN, KASI SABI NILA HINDI TATAAS ANG PRESYO NG BILIHIN, PERO TATAAS PALA – Sablay na naman ang pahayag ng Marcos administration na hindi raw tataas ang presyo ng mga bilihin sa kabila ng panibagong oil crisis na dulot ng tensyon at digmaan sa Middle East sa pagitan ng US at Iran.


Masasabing sablay ito dahil mismong si businessman Steve Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), ang nagsabing mapipilitan silang magtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis sa international market. Tsk!


XXX


SEN. PADILLA NA-BASH NA NAMAN KASI ATAKE NIYA SA HOUSE AND PRIVATE PROSECUTORS, SABLAY – Na-bash na naman sa social media si Sen. Robin Padilla matapos niyang sabihin na umano'y one-sided ang House prosecutors at private prosecutors sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.


Sa totoo lang, natural lang na one-sided ang prosecution panel dahil tungkulin nitong usigin ang inirereklamo. Gayundin, ang defense team ay nasa panig ng bise presidente at ang trabaho nito ay ipagtanggol siya. Samantala, ang mga senator-judges ang may tungkuling timbangin ang ebidensya at magpasya kung guilty o not guilty si VP Sara sa mga Articles of Impeachment.


Marahil, matapos ang naging batikos sa kanya, mas malinaw na ngayon kay Sen. Padilla ang papel ng House prosecutors at private prosecutors sa impeachment trial. Boom!


XXX 


ILANG ULIT NANG SINABI NI MAYOR LENI NA HINDI SIYA KAKANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE, PERO MGA DDS, GINAGAWAN PA RIN SIYA NG FAKE NEWS – May mga DDS na naman umanong nagpapakalat ng fake news na laging wala sa kanyang opisina sa Naga City Hall si Mayor at dating Vice President Leni Robredo dahil linggu-linggo raw itong nasa Maynila.


Ilang beses nang sinabi ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa pagka-presidente. Kaya kung hindi titigilan ng mga DDS ang pagpapakalat ng fake news at pambabatikos sa kanya, baka mapilitan pa itong tumakbo. Kapag nangyari iyon, sila rin ang posibleng nagbigay ng sakit ng ulo kay Vice President Sara Duterte dahil sa halip na walang malakas na katunggali sa pagkapangulo, ay magkakaroon pa ng isa sa katauhan ni Robredo. Period!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | July 24, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Mag-ingat, dahil sa isang simpleng pag-scan lamang ng QR code ay maaaring magbukas na ng pintuan sa pagkawala ng pinaghirapang ipon. Sa panahon ngayon, hindi na armas o dahas ang pangunahing gamit ng mga manloloko—kundi teknolohiya at panlilinlang. 


Kaya mahalagang maging mapanuri ang bawat Pilipino sa bawat online na transaksiyon dahil isang maling pindot lamang ang maaaring magdulot ng malaking problema.


Nagbabala ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa lumalaganap na “quishing” o QR code phishing, isang bagong uri ng online scam na gumagamit ng pekeng QR code upang makuha ang personal, banking at e-wallet information ng mga biktima. 


Ayon sa ahensya, hindi lahat ng QR code na nakikita sa mga establisimyento, social media o online ay lehitimo kaya dapat tiyaking mula lamang ito sa awtorisadong pinagmulan bago i-scan.


Batay sa mga ulat ng ACG, karaniwang tinatawagan muna ng mga scammer ang kanilang target at sasabihing napili itong makatanggap ng ayuda o iba pang benepisyo. Pagkatapos ay magpapadala sila ng QR code na kailangang i-scan para umano sa pagpaparehistro. Kapag na-scan ito, dadalhin ang biktima sa isang pekeng website kung saan hinihingi ang personal at financial information. Sa huli, mapapansing nabawasan o tuluyang nawala ang laman ng kanilang e-wallet o bank account.


Bagama’t patuloy na umuunlad ang teknolohiya, sinabi ng ahensya na kasabay din nitong nagiging mas sopistikado ang mga modus ng mga cybercriminal. Dahil dito, pinaigting ng PNP-ACG ang pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya upang matukoy ang mga scammer sa pamamagitan ng legal na cyber warrants at mas mahigpit na pagbabantay sa online selling platforms.


Sa kabila nito, nagpakita ng positibong datos ang PNP-ACG matapos maitala ang 4,509 online scam cases mula Enero hanggang Hunyo 2026, mas mababa ng 18.4% kumpara sa 5,526 kaso sa kaparehong panahon noong 2025. Iniuugnay ito ng ACG sa mas malawak na cyber awareness campaign ng media, mga pampubliko at pribadong institusyon, at mga financial establishments na patuloy na nagtuturo sa publiko kung paano umiwas sa online fraud.


Samantala, tiniyak din ng PNP-ACG na wala pa silang namomonitor na seryosong cyber threat bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27. Gayunman, patuloy nilang binabantayan ang posibleng pagkalat ng maling impormasyon, phishing attacks, online scams at iba pang aktibidad na maaaring makaapekto sa kaayusan at seguridad.


Mahalagang tandaan na ang pinakamabisang depensa laban sa mga online scam ay hindi lamang nakasalalay sa mga awtoridad kundi nasa disiplina at pag-iingat ng bawat mamamayan. Habang patuloy na nagbabago ang teknolohiya, dapat ding sumabay ang kaalaman at pagiging mapanuri ng publiko. Ang ilang segundong pagberipika sa isang QR code ay maaaring maging susi upang mailigtas ang sariling pera, personal na impormasyon at kapayapaan ng isip. 

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HOUSE AND PROSECUTORS AT 'GATCHALIAN BLOC', ASAR-TALO NANG IPAKITA NG DEFENSE TEAM SA IMPEACHMENT TRIAL ANG RATING NI VP SARA AT PBBM – Asar-talo ang House and private prosecutors, at ang "Gatchalian bloc" sa Senado nang ilabas ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial ang 57% approval rating ng bise presidente, kumpara sa 34% lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Sa totoo lang, tiyak na ikinaasar nila ang naturang resulta dahil kung pagbabatayan ang survey, lumalabas na mas marami pang Pinoy ang hindi kuntento kay PBBM kaysa kay VP Sara. Boom!


XXX


PORKE LAGAPAK ANG RATING NI PBBM, PALUSOT NI USEC. CLAIRE, ‘DI RAW PINAPANSIN NG MALACAÑANG MGA SURVEY – Matapos ang sunud-sunod na pagbagsak ng rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa mga isinapublikong survey, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi naman daw pinapansin ng Malacañang ang mga survey at nakatutok lamang ang Pangulo sa kanyang trabaho.


Pero tila kabaligtaran ang nangyayari kapag may survey na kahit bahagyang tumaas ang rating ni PBBM. Halos ipagdiwang ito ng Malacañang at todo-bida sa pagpapalabas ng resulta. Boom!


XXX


SEN. BONG GO, TOP NA NAMAN SA VP RACE – Sa latest survey ng Pulse Asia, nanguna na naman si Sen. Bong Go sa vice presidential preference para sa 2028 elections sa nakuhang 27% na rating.

Partida, hindi pa nag-aanunsyo si Sen. Bong Go na tatakbo siya sa pagka-bise presidente, pero ganyan na kataas ang kanyang rating. Paano pa kaya kung pormal na siyang magdeklara ng kandidatura? Malamang ay lalo pang lumaki ang lamang niya sa sinumang "mamanukin" ni PBBM sa 2028 vice presidential race. Period!


XXX


HALOS MAGTA-TATLONG BUWAN NA MULA NANG IBULGAR NI CONG. LEVISTE ANG STL-BOOKIES SA BATANGAS, HANGGANG NGAYON, WALA PANG AKSYON SI GOV. VILMA SANTOS – Noong Mayo 5, 2026 pa ibinulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang umano'y operasyon ng STL-bookies nina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola sa Batangas. Ngunit ngayong Hulyo 23, 2026, o halos tatlong buwan na ang lumipas, wala pa ring aksyon si Gov. Vilma Santos-Recto upang ipatigil ang umano'y iligal na operasyon sa kanyang lalawigan.


Kaya ba tila dedma lang si Gov. Vilma sa isyung ito dahil, ayon kay Cong. Leviste, ang isa sa mga itinuturong sangkot ay ang kanyang mister na si ES Recto?


Masaklap pa, hindi lang umano STL-bookies nina ES Recto at Cong. Gardiola ang namamayagpag sa Batangas, kundi maging ang lotteng nina "Tisoy," "Biskotso" at "Nonit," pati ang mini-casino nina "Tessie" at "Baby P." Buset!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page