ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 25, 2026

“Bakit po kayo nagsasalita sa talinghaga?” Tanong ng mga apostol kay Kristo. Sumagot Siya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay lalo pang pagkakalooban at sasagana; ngunit ang wala, pati ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa.” (Mateo 13:10-17)
Ito ang simula ng Ebanghelyo sa Misa noong nakaraang Huwebes. Isang kakaibang hamon ang hatid nito. Paano nga ba lubos na mauunawaan si Kristo kung madalas Siyang magsalita sa talinghaga? Isa pang palaisipan ang Kanyang sinabi: ang may mayroon ay lalo pang magkakaroon, samantalang ang kaunting nasa wala ay kukunin pa.
Ano ba ang tinutukoy na “mayroon”? Kayamanan ba? Ari-arian? Kaalaman? Edukasyon? Posisyon sa lipunan? Kapangyarihan? Popularidad? Impluwensiya sa social media? Impormasyon? Artificial Intelligence? Mabubuting influencer o mga troll?
Noong nakaraang Miyerkules, naimbitahan tayong dumalo sa Misa sa simbahang Katolika sa UP Diliman. Ito ang unang bahagi ng isang makabuluhang pagtitipon ng mga kabataang nagnanais makilahok sa usapin ng lipunan at ng mundo. Sa dami ng dumalo, ramdam ang kakaibang init at sigla sa loob ng simbahan. Totoong kabataan ang naroon—masigla at puno ng enerhiya. Ngunit higit pa rito, ano ang taglay nila na tila unti-unti nang nawawala sa marami ngayon?
Ayon sa mga kabataang nag-organisa ng pagtitipon: “Nais naming ibalik ang aming kinabukasan. Nais naming magkaroon ng mga pinunong nagpapahalaga, hindi nagpapabaya, sa edukasyon; mga disenteng trabaho sa halip na hungkag na mga pangako; mga ligtas na paaralan; at isang pamahalaang nakikinig sa kabataan. Hindi imposible ang mga kahilingang ito. Ito ang pinakapayak at pinakabatayang pangangailangan ng mga kabataan.”
Naalala natin ang isinulat ni Jose Rizal para sa kabataan sa kanyang tulang A la Juventud Filipina. Magandang balikan ang ilang taludtod nito upang maunawaan ang tinutukoy ni Kristo na “mayroon” na lalo pang yayabong.
Itaas ang iyong noong aliwalas,Mutyang kabataan, sa iyong paglakad;Ang bigay ng Diyos na tanging liwanagAy pagningasin mo, Pag-asa ng Bukas.
Ikaw ay bumaba, O Katalinuhan,Mga puso nami’y nangaghihintay;Magsahangin ka nga’t ang aming isipa’yIlipad mo roon sa kaitaasan.
Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw,Ang silahis ng dunong at sining;Kilos, Kabataan, at iyong lagutinAng gapos ng iyong diwa at damdamin...
Tinawag ni Rizal ang kabataan bilang “Pag-asa ng Bayan” sapagkat pinagkalooban sila ng Diyos ng liwanag—liwanag ng pag-iisip, pagtatanong at paghahanap ng katotohanan. Habang bata, likas na bukas at mausisa ang isip, puso at diwa. Hindi basta tumatanggap ng anumang paliwanag; marunong magtanong at magsuri.
Magandang pagnilayan ang salitang bukas. Kapag bukas ang iyong isip at puso, may bukas ang iyong kinabukasan. Ngunit kapag sarado ka, ikinukulong mo ang sarili sa kasalukuyan at nawawalan ng kakayahang matuto, makinig at magbahagi. Sa paglipas ng panahon, maaaring mawala ang pagiging bukas na ito kapag naging kuntento na lamang ang tao sa sariling interes at kapakanan.
Kapag ang iniisip lamang ay ang sariling buhay at kinabukasan, nagiging makitid ang mundo. Nawawala ang malasakit at pakikilahok sa buhay ng kapwa. Ang tunay na pagmamahal at pananagutan ay bunga ng isang pusong nananatiling bukas.
Ito rin ang mensahe ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma (Roma 14:7-12), na naging inspirasyon ng tanyag na awit ni Padre Eduardo Hontiveros na Pananagutan:
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang.Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa.Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya.Sa ating pagmamahalan at paglilingkod sa kanino man,tayo ay nagdadala ng balita ng kaligtasan.
Matapos ang Misa, nagmartsa ang mga kabataan patungong harap ng Ateneo de Manila sa Katipunan. Naroon din ang ilang matatandang aktibista na hanggang ngayon ay nananatiling bukas ang isip, nagtatanong at kumikilos para sa kapwa. Patunay itong hindi hadlang ang edad upang manatiling bukas sa katotohanan at sa tawag ng pananagutan.
Sila ang mga taong tunay na “mayroon.” At ang mayroon sa kanila ay hindi kayamanan o kapangyarihan, kundi pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ito ang kayamanang hindi nawawala, kundi lalo pang yumayabong. Ito ang tunay na PANANAGUTAN na dapat taglayin ng mga KABATAAN noon, ngayon at sa mga darating pang panahon.



