ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 3, 2025

WALANG PATOL SA MAMAMAYAN ANG MGA ATAKE AT PANINIRA NI TRILLANES KAY SEN. BONG GO DAHIL ‘ROCKSTAR’ PA RIN ANG ARRIVED NITO SA TAUMBAYAN -- Sa survey ng Pulse Asia noong Oct. 18, 2025 ay si Sen. Bong Go ang top performer sa mga senador, binigyan siya ng highest 76% approval ratings ng publiko, at makalipas lang ang tatlong araw, noong Oct. 21, 2025 inatake at siniraan na ni former Sen. Antonio Trillanes ang senador, isinasangkot sa katiwalian at sinampahan pa ng kasong plunder.
At kung titingnan ang mga social media accounts ni Sen. Bong Go, sa kanyang daily activities ay sa kabila ng mga atake at paninira sa kanya ni Trillanes ay rockstar pa rin ang arrived ng senador, na talaga namang pinagkakaguluhan siya, ipinakikita ng taumbayan ang pagmamahal sa kanya.
Ang nais nating ipunto rito, walang patol sa mamamayan ang mga atake at paninira ni Trillanes kay Sen. Bong Go, period!
XXX
SANGKATERBANG PERA MULA SA KICKBACK BAKA WALA NA SA MANSYON NI ZALDY CO, NAIPUSLIT NA PALABAS NG BANSA LULAN NG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTERS -- Sa testimonya nina former Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan 1st District officials, Engrs. Henry Alcantara at Brice Hernandez ay napag-alaman ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang mansyon ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Villa Verde sa Pasig City ay ginagawa lang imbakan ng sangkaterbang male-maletang pera mula sa kickback nito sa flood control projects.
Naku, sa sobrang tuso ni Zaldy Co, malamang ang sangkaterbang pera na nasa kanyang mansyon ay wala na, baka nga ang laman ng kanyang private plane at dalawang helicopters na nakapuslit palabas ng bansa ay iyong male-maletang naglalaman ng mga kuwarta mula sa na-kickback niya sa mga flood control projects, tsk!
XXX
PABIDA LANG BA NI SEC. DIZON NA NAKA-FREEZE NA ANG AIR ASSETS NI ZALDY CO
O ‘NGANGA’ LANG TALAGA ANG MGA TAGA-CAAP KAYA NAKAPUSLIT PALABAS NG ‘PINAS ANG PAG-AARI NITONG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTERS -- Noong Sept. 24, 2025 ay ibinida ni DPWH Sec. Vince Dizon na isinailalim na raw sa freeze order ng mga awtoridad ang walong air assets (mga pribadong eroplano at helicopter) na pag-aari ni Zaldy Co, at nitong nakalipas na Oct. 30, 2025 ay kinumpirma naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario na ang isang private plane at dalawang helicopters ng dating kongresista ay nakapuslit palabas ng ‘Pinas.
Kaya ang tanong: Pabida lang ba ni Sec. Dizon na naka-freeze na ang air assets ni Zaldy Co o "nganga" lang sa kanyang puwesto sa CAAP si DG Del Rosario kaya naipuslit palabas ng ‘Pinas ang isang private plane at dalawang helicopters ng ‘tulisang’ dating kongresista na ito? Boom!
XXX
SC MAGTATALAGA NG MGA SPECIAL COURT NA LILITIS SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS KAYA UNANG BATCH NA KINASUHAN NG ICI SA OMBUDSMAN KABADO NA, MAPAPADALI NA ANG PAGKULONG SA KANILA SA CITY JAIL -- Inanunsyo ng Supreme Court (SC) na magtatalaga sila ng mga special courts na maglilitis sa mga sangkot sa flood control projects scam.
Hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga unang batch na kinasuhan ng ICI sa Ombudsman sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former DPWH Usec. Roberto Bernardo, Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Comm. Mario Lipana at former Caloocan City Rep. Mitch Cajayon, kasi ang aksyon na iyan ng SC ay indikasyon na mas mapapadali ang pagpapakulong sa kanila sa Quezon City Jail, abangan!






