- BULGAR
- 2 days ago
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 11, 2025

Matapos ang conclave ng mga kardinal ng Simbahang Katoliko, nahirang na ang bagong Santo Papa, si Pope Leo XIV, ang dating Cardinal Robert Francis Prevost, Amerikano, ipinanganak sa Chicago, Illinois.
Wala sa mga nangungunang popular na kandidato ang pangalan ni Cardinal Prevost. Kung ito ay isang sabong o karera ng kabayo, malayong-malayo sa pustahan o dehadong-dehado siya. Kung ito rin ay halalang lokal o nasyonal sa Pilipinas, baka naituring na “nuisance candidate” pa si Cardinal Prevost.
Ngunit, hindi ito Pilipinas, Roma ito at ang mga pipili ay mga kardinal ng Simbahang Katoliko. Walang kampanya, walang posters at paid ads sa radio, diyaryo, telebisyon at social media. Walang ayuda, walang vote-buying. Panalangin, pakikinig, pag-aaral, pagpili ng buong pagmamahal sa Diyos, sa tao, kalikasan at sa buong mundo.
Isang araw na lang halalan na at huling araw na ng kampanya kahapon. Ngayong Linggo, sa pagtigil ng lahat ng pangangampanya, walang dapat gawin kundi manahimik at manalangin.
Nagawa na ng bawat kandidato ang puwede niyang gawin, at nagawa na rin ng lahat ng kanilang mga supporters ang lahat ng kanilang maaaring gawin.
Bagama’t, hindi kailangang magpahinga ang Diyos, tumigil siya noong ika-7 araw. Ito ang ibig sabihin ng “Sabbath” sa Hebreo. Hindi lang araw ng pamamahinga kundi ang panahon ng pagtigil ng lahat upang muling tingnan ang pagkilos ng Diyos na iba at higit sa pagkilos ng tao.
Walang nagtatrabaho sa bayan ng Israel tuwing araw ng Sabado. Mula ika-6 ng gabi ng Biyernes hanggang ika-6 ng gabi Sabado o 24 oras, ititigil ang lahat upang manalangin, basahin ang Torah (ang banal na aklat ng mga Hudeo), kumaing magkasama ang buong pamilya at tingnan muli ang oras, ang panahon hindi ayon sa pagtingin ng tao kundi ayon sa pagtingin ng Diyos.
Hindi titigil ang mundo, kung tumigil tayo ng paggawa at hayaan lang tumakbo ang oras, hindi ayon sa karaniwang takbo nito ng mundo na nagsasabing “ginto ang oras,” (time is gold). Ganito nga ang mundo sa kanyang pagsukat sa oras at pera. Hindi dapat sayangin ang oras, bagkus dapat laging kumikita, nakikinabang sa bawat sandali ng buhay.
Maraming masaya sa panahon ng kampanya. Maraming napapakinabangan, kumita, tumanggap ng sari-saring ayuda mula bigas, de-lata hanggang salapi.
Ngunit kung titigil at susuriin natin kung saan nanggaling ang mga salaping ipinamimigay bilang ayuda, makikitang bahagi ito ng programang pang-ayuda ng pamahalaan.
Alalahanin natin na ang tunay nating pinagkakautangan ng loob ay ang Diyos. Mag-ingat tayong tumanaw ng utang na loob sa mga kandidatong galanteng-galenteng magbigay sa atin dahil hanggang doon na lang ang kanilang kaugnayan sa atin. Pagkatapos ng halalan, wala silang nakikitang utang na loob sa atin at gagawin nila ang gusto nilang gawin mula sa posisyong napanalunan nila.
Ganito ang karamihan ng mga Pilipino. Madali tayong bigyan, madaling tumanggap dahil maraming mahirap sa atin. At kapag tumanggap tayo naaapektuhan ang ating pagtingin at pagtanggap sa nagbigay sa atin. Nagkakaroon na tayo ng utang na loob sa nagbigay. Samantalang merong mas totoo at mas malalim na prinsipyo kaysa utang na loob. Higit na malalim ang pananagutan.
Ang pananagutan ay hindi lang sa tao kundi sa prinsipyo. May pananagutan ang mga lider, mga opisyal ng pamahalaan na imulat at palayain ang bawat mamamayan sa kanyang kamangmangan at kahirapan. Higit sa pera, kailangang bigyan ng opisyal o lingkod-bayan ng pagkakataon at tulong upang paunlarin ang kanyang buhay.
Totoong may mga pagkakataong kailangang bigyan ng ayuda tulad ng mga biktima ng sunog o sari-saring kalamidad gaya ng bagyo, lindol at iba pa. Ngunit kailangan ng bawat mamamayan ang kakayahang itaguyod at ipagtanggol ang sarili, kailangan niyang lumago sa pananagutan.
Ano ang nangyari sa panahon ng kampanya? Tiyak na kakaunti ang pagkakataon na tumulong ang mga kandidato sa pagbabago ng pananaw, pag-uugali at kakayahan ng mga botante. Karamihan sa mga pagtitipon, pulong, miting de abanse ay tungkol sa kandidato at ang paulit-ulit na dahilan kung bakit dapat siyang iboto. Ngunit hindi malinaw kung ano at paano ang tatanggapin at gagawin para matutong tumayo sa sariling paa ang mga kandidato.
Tahimik na tahimik ngayon dahil wala nang kampanya. Bawal na at banal ang katahimikang ito. Tulad ng pagsimba, merong panahon ng pagsagot sa panalangin at pagsabay sa pag-awit. Ngunit maraming puwang ng pananahimik at panalangin.
Baka magandang gawin ng bawat botante na dalhin sa simbahan ang kanyang listahan at sa harapan ng Diyos ay magtanong kung ang mga kandidatong ito ay dapat o hindi dapat iboto bukas.
Ito ang ‘SimBalota’, ang panalangin at pagpili ng kandidato ng merong pagmamahal sa Diyos, sa kapwang naghihirap at sa bansa.
Nawa’y piliin natin sa katahimikan ng pag-iisa at panalangin ang mga kandidatong malinis ang pagkatao at wagas ang paghahangad na maglingkod sa mga mahihina at nangangailangan ng karunungan at lakas na tumindig na may kalayaan at pananagutan. Amen.