top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 5, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang siyang sumasalamin sa atin bilang mga dugong kayumanggi, at siyang maituturing na pundasyon bilang mamamayan ng Pilipinas na may dangal at pagmamahal sa bayan. 


Gayunman, ang report hinggil sa pagkawala ng kanyang bust sa Place Jose Rizal sa 9th arrondissement ng Paris ay hindi lang simpleng insidente ng pagnanakaw. Isang halimbawa ito ng kung gaano kadaling mawala ang mga simbolo ng ating pagkakakilanlan at kasaysayan kapag hindi natin pinahahalagahan. 


Kamakailan, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nawala ang bust ni Rizal sa Paris, na posibleng tinanggal sa pagitan ng Oktubre 25 at 26, 2025. 


Ang monumentong ito, gawa ng sculptor na si Gerard Lartigue, ay itinayo noong Hunyo 23, 2022 bilang tanda ng pagkakaibigan ng Pilipinas at France, at bilang parangal sa ika-75 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa. 


Para sa Filipino community sa Paris, hindi lang ito rebulto kundi simbolo ng kanilang pinagmulan, isang tahimik na paalala ng ating kasaysayan at dangal bilang lahing kayumanggi. Ngunit ngayon, sa pagkawala ng bust, tila may butas din sa puso ng komunidad. 


Ayon sa DFA, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa France. Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa lokal na pulisya maging sa mga kababayang Pinoy doon para sa posibleng pagbawi o pagpapalit ng naturang bust. 

Ngunit sa kabila ng lahat, nananatiling buhay ang alaala ni Rizal para sa mga Pinoy na nagmamahal sa bayan. 


Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda o kilala bilang Dr. Jose Rizal ay unang dumating sa France noong 1883 upang mag-aral at magpraktis sa ilalim ng pagsasanay ni Dr. Louis de Wecker, isang kilalang ophthalmologist. Dito rin niya isinulat ang bahagi ng “El Filibusterismo” noong 1891 sa Biarritz. 


Kaya naman ang bust ni Rizal sa Paris ay hindi lang monumento, ito ay koneksyon sa kanyang talino at rebolusyonaryong pag-iisip na minsang naglakbay sa parehong mga lansangan, na kung saan hindi natin maaaring balewalain.


Sa kabila ng pangyayari, may aral tayong dapat tandaan; ang mga monumento ay maaaring masira subalit ang inspirasyon ni Rizal ay hindi kailanman maglalaho. 

Sa naniniwala sa pagbabago, patuloy na sumasalamin si Rizal sa puso, isip at diwa ng bawat Pilipino.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 4, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pinagpipiyestahan ang handshake nina PBBM at Pres. Xi Jinping ng China.

Naalala tuloy natin ang “logo” ng USAID na nakamarka sa mga supot ng powdered milk, trigo at harina na ipinamamahagi nang libre sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr.

Handshake ito ng United States of America at ng Republika ng Pilipinas.

----$$$--

ANG “handshake logo” na ito ay hindi simpleng pakikipagkamay, bagkus may kasabay na “aksyon, pagmamalasakit at pagmamahal” sa ordinaryong Pinoy.

Kilala ang logo sa mga pakete ng ipinamimigay nang libre ng mga social worker at field worker ng gobyerno sa panahon ni dating Pangulong Marcos Sr.

-----$$$--

MAHIRAP ngayong ikumpara ang “handshake logo ng US-RP” sa handshake ni PBBM kay Xi Jinping.

Hindi maiaalis na mamarka agad sa isip ng mga Pinoy ang pangha-harass ng China o pang-aapi sa mga mangingisda at Philippine Coast Guard sa girian sa West Philippine Sea.

-----$$$--

BALINTUNA ang dalawang “handshake” na ito.

Handshake sa US; handshake sa China!

----$$$--

SA international diplomacy at sa pagtitindig ng isang ganap na ideolohiyang maka-Pilipino, dapat ay malinaw ang disposisyon.

Ibig sabihin, walang halong pakikipagkunwari, balatkayo o pagiging plastic.

----$$$--

ANG “RP-US handshake” logo na nakamarka sa mga sinaunang aklat na kaloob din ng Amerika sa panahon ng Philippine Commonwealth sa mga public school — ay malinaw na malinaw na pakikipagkaibigan at pag-asiste.

Pero, paano natin ipapaliwanag ang “handshake ni PBBM” sa strongman ng China?

-----$$$--

PUWEDE bang gawing logo ang handshake sa China gamit ang ChatGPT, co-pilot o MetaAI?

Anong kahulugan nito?

Puwede bang sabihin, tulad sa USAID logo, ay magbibigay din ng libreng produkto ang China sa Pilipinas?

Malabo!

-----$$$---

HANGGANG ngayon at sa mga susunod na henerasyon partikular sa social media, mananatiling “simbolo” ang handshake sa China sa panahon ng APEC.

Mabigyan sana ang Presidential Communications Office (PCO) ng angkop na kahulugan ang naturang pakikipagkamay — nang WALANG BAHID KAPLASTIKAN!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARA MAKASUHAN AT MAKULONG AGAD ANG LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM, DAPAT MAGKAROON NG REGIONAL ICI -- Halos lahat ng probinsya ay may mga ghost, substandard at unfinished flood control projects at sa halos tatlong buwang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay anim pa lang ang inirekomenda nilang kasuhan ng plunder at graft, at sila ay Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at ex-Caloocan City Rep. Mitch Cajayon na mga sangkot sa flood control scam sa Bulacan.

Sa Bulacan pa lang iyan, eh iyong sa mga probinsya na mayroon ding flood control projects scam, kailan pa matatapos ang imbestigasyon dito, kailan pa may makakasuhan?


Kung desidido si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian, dapat ay palawakin niya ang ICI, maglagay ng regional ICI office na iimbestigahan ang lahat ng sangkot sa flood control scam sa mga nasasakupang probinsya ng bawat rehiyon, at kapag meron na iyan, sigurado agad-agad ay makakasuhan at maipapakulong na ang lahat ng mga nagsabwatang DPWH official, kontraktor at politicians sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, period!


XXX


HINDI MAGANDANG TINGNAN NA ANG SPEAKER, SANGKATUTAK ANG KAMAG-ANAK NA MAY PUWESTO SA GOBYERNO, KAYA KUNG MAY DELICADEZA SI SPEAKER BOJIE DY, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA -- Nang isapubliko ni House Speaker, Isabela Rep. Bojie Dy ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay dito nalaman ng publiko na mayroon pala siyang 16 na kamag-anak na may iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.


Sa totoo lang, hindi magandang halimbawa sa mata ng publiko na ang lider ng Kamara, bukod sa may political dynasty na, may nepotismo pa.

Kaya kung may delicadeza sa kanyang sarili si Speaker Dy, dapat mag-resign na agad siya bilang Speaker of the House, boom!


XXX


AKALA NG PUBLIKONG PALABAN SI COMELEC CHAIRMAN SA MGA KANDIDATONG TUMANGGAP NG PONDO SA MGA KONTRAKTOR, PERO NANG HINGAN NG KOPYA NG MEDIA, ATRAS -- Matapos ibida ni Comelec Chairman George Garcia na maraming pulitiko ang tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor ay tumanggi naman siya na isapubliko ang pangalan ng mga ito.


Noong una, hinangaan ng publiko si Garcia sa pag-aakalang palaban ito pero nang humingi na ng kopya ang mga mamamahayag para isapubliko ang pangalan ng mga kandidatong tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor, atras siya, ayaw

magbigay ng kopya, buset!


XXX


MAY PA-GOOD-GOOD GOVERNANCE PA SINA OLONGAPO CITY MAYOR PAULINO, MUNTINLUPA CITY MAYOR BIAZON AT BAGUIO CITY MAYOR MAGALONG, PERO WALA NAMAN SILANG AKSYON SA MGA ILEGALISTANG NANGRARAKET SA MGA NASASAKUPAN -- Si Olongapo City Mayor Rolen Paulino ay miyembro rin ng Mayors for Good Governance, pero sa nasasakupan niyang lungsod tuloy pa rin ang raket na STL Small-Town Lottery (STL)-con jueteng ng isang alyas “Aging,” sa Muntinlupa City, ang alkalde rito ay si Mayor Ruffy Biazon na kasapi rin ng Mayors for Good Governance pero sa lugar niya namamayagpag din ang raket na STL-con jueteng at lotteng nina alyas "Touche" at "Jojo," gayundin ang mga saklaan ni "Walter" ay sa jurisdiction ni Mayor Benjamin Magalong, lantaran ang mga raket na mini-casino ni alyas "Patrick"  sa Legarda Bokawlan Streets at drop balls, color games ni "Nestor" sa Kayang, Baguio City.


Hanep ah, may pa-good-good governance pa sila pero wala naman silang aksyon sa mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga kababayan, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page