top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nag-sale ang isang boutique sa mall at marami silang ibinenta na discounted items. Ako ay namili ng ilang damit, kasama ang isang bestida na ang presyong nakalagay sa price tag nito ay P499.00. Ngunit noong magbabayad na ako sa cashier ay naging P899.00 na ang presyo ng bestida. Sinabi ko sa cashier ang orihinal na presyo na nakalagay sa price tag kaya dapat ito lang din ang babayaran ko. Sinabi ng cashier na nagkamali lang diumano sila ng lagay sa price tag. Naramdaman ko ang labis na hiya dahil hindi naman kasya ang aking perang dala. Sa mga ganitong pagkakataon, ano ba ang dapat bayaran ng mga mamimili? -- Bernie



Dear Bernie,


Ang presyo na nakalagay sa price tag ang dapat na bayaran. Ayon sa Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394), ang mga tindahan ay inaatasan na maglagay ng price tag o presyo sa kanilang mga paninda at ang mga panindang ito ay hindi maaaring ibenta sa halaga na mas mataas sa nakasulat sa price tag. Nakasaad sa Articles 81 at 82 ng batas na:


“Article 81. Price Tag Requirement – It shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without  discrimination to all buyers… xxx Provided, further, That if consumer products for sale are too small or the nature of which makes it impractical to place a price tag thereon price list placed at the nearest point where the products are displayed indicating the retail price of the same may suffice.


Article 82. Manner of Placing Price Tags. – Price tags, labels or markings must be written clearly, indicating the price of the consumer product per unit in pesos and centavos.


Malinaw na nakasaad sa batas na hindi puwedeng ibenta ang mga paninda sa halaga na mas mataas sa nakalagay sa price tag nito. Kung kaya, dapat lamang na bayaran kung magkano ang nakalagay sa price tag ng bagay na binili. 


Hindi dahilan na nagkamali ang mga tauhan ng isang tindahan sa paglalagay ng presyo para hindi nila sundin ang nakasaad sa batas. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paglabag dito at sino mang hindi susunod ay papatawan ng parusa. Para sa unang paglabag, ang parusa ay multa na hindi bababa sa P200.00 ngunit hindi tataas sa P5,000.00 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan ngunit hindi hihigit sa anim na buwan o pareho, ayon sa desisyon ng hukuman. Para naman sa pangalawang paglabag sa batas, may kaakibat itong parusa na pagkansela ng permit at lisensya ng negosyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG FAKE NEWS ANG INANUNSYO NI REMULLA SA WARRANT OF ARREST KAY SEN. DELA ROSA, DAPAT HUWAG NA NIYANG ULITIN, BAD SA PANINGIN NG PUBLIKO NA ANG OMBUDSMAN NAGPI-FAKE NEWS -- Sunud-sunod na pinabulaanan ng Malacanang, Dept. of the Interior and Local Gov't. (DILG), Dept. of Justice (DOJ), Dept. of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands ang inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may warrant of arrest na ang ICC kay Sen. Ronald Dela Rosa.


Kung sakaling mapatunayang fake news ang inanunsyo ni Ombudsman Remulla patungkol sa warrant of arrest kay Sen. Dela Rosa dapat siyang mag-public apology at mag-promise na hindi na uulit kasi bad sa paningin ng publiko na ang Ombudsman ay nagpapakalat ng fake news sa ‘Pinas, period!


XXX


SUWERTE SI SEN. DELA ROSA, MINALAS NAMAN SI FPRRD -- Sinabi ni Executive

Secretary Lucas Bersamin na kung sakaling may warrant of arrest daw ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Dela Rosa ay hindi raw ito awtomatikong ipapatupad ng Philippine gov’t. dahil may bagong extradition rules ang Supreme Court (SC) na kailangang dumaan muna sa masusing pag-aaral ng korte sa Pilipinas kung nararapat isuko sa foreign court ang isang Pilipino na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa.


Kung ganu’n masuwerte pala ni Sen. Dela Rosa kasi kung sakali, siya ang unang makikinabang sa bagong rules sa extradition proceedings ng SC, at masasabing minalas naman si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil late na nang ilabas ng Korte Suprema ang bago nilang extradition rules, na ‘ika nga, arestado na ang ex-president, nakakulong na siya sa ICC jail nang ilabas ito (new extradition rules) ng Kataas-taasang Hukuman ng ‘Pinas, tsk!


XXX


BAKA MA-CITY JAIL DIN SI CONG. PULONG KAPAG NAPATUNAYANG MAY MGA IREGULARIDAD SA MGA FLOOD CONTROL PROJECTS SA KANYANG DISTRITO -- Sa ginawang pag-inspection ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga flood control projects sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte ay natuklasan umano nilang maraming proyekto rito na substandard, at pagkaraan niyan ay ibinulgar naman ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na 80 proyektong pangontra sa baha sa lungsod, sa distrito ni Cong. Pulong ang may mga iregularidad, tulad ng ghost projects, overpricing, duplicate funding at awarded without details.


Naku, kung totoo ang mga alegasyong ito ng ICI at ACT Teachers Partylist, malamang makasama si Cong. Pulong sa magpa-Pasko sa Quezon City jail, boom!


XXX


DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NG ICI ANG MALACANANG SA PALPAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS SA CEBU AT NEGROS -- Ibinulgar din ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na maging ang Malacanang umano ay naglabas ng P9.2 billion sa unprogrammed funds ng Marcos gov’t. mula year 2023 at 2024 para sa mga flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, na aniya ay wala ring silbi ang ginastusang proyekto dahil nga binaha ang tatlong lalawigang ito, lalo na ang Cebu kung saan maraming namatay at ari-ariang nasalanta.


Kung ganu’n, dapat pala pati ang mga taga-Malacanang ay imbestigahan din ng ICI sa palpak na flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, period!



 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 10, 2025



Boses by Ryan Sison


Tuwing dumaraan ang bagyo sa bansa, hindi lang mga bahay ang nasisira, pati pag-asa, pangarap, kabuhayan ng mga Pilipino, at maging ang pagkawala ng mahal natin sa buhay. 


Ngayon, sa dinanas nating hagupit ng Bagyong Tino na nag-iwan ng higit 180 patay at malawakang pinsala sa Visayas, Mindanao, at ilang bahagi ng Luzon, muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang katotohanang kailangan nating kumilos bilang isang bansa. Kaya’t sa ilalim ng Proclamation No. 1077, idineklara niya ang state of national calamity sa loob ng isang taon, magandang hakbang ito para sa mas mabilis, maayos, at sabayang pagbangon ng sambayanang Pinoy. 


Hindi simpleng desisyon ang magdeklara ng state of national calamity. Ibig sabihin nito, nasa yugto na tayo ng krisis na kailangang pagtulungan ng lahat, mula sa gobyerno hanggang sa mga pribadong sektor at mamamayan. Ayon sa proklamasyon, layunin nitong mas mapabilis ang rescue, relief, recovery, at rehabilitation programs sa mga lugar na sinalanta ni “Tino”, at sa mga lugar na maaaring tamaan din ng Bagyong Uwan. 


Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin, pagbibigay ng zero-interest loans sa mga pinakasinalanta ng kalamidad, at paghihigpit laban sa profiteering at hoarding. Pinahihintulutan din nito ang paggamit ng national o pambansa at lokal na pondo para sa agarang pagresponde, pagrekober, at paghatid ng serbisyo sa mga naapektuhang pamilya. 


Kaugnay nito, naglabas ang Office of the President ng P760 milyong tulong pinansyal sa mga apektadong lalawigan — mula P50 milyon sa Cebu, Capiz, Iloilo, Bohol, at iba pa, hanggang P5 milyon sa mas maliliit na probinsya gaya ng Albay, Quezon, at Zamboanga del Norte. 


Siniguro rin ng Pangulo na patuloy ang relief at rescue operations, habang naghahanda naman ang gobyerno sa panibagong banta ni “Uwan”. 


Sa kabila ng mga hakbang na ito, hindi maikakaila na ang isang taon na state of national calamity ay hindi lang panawagan sa gobyerno, kundi sa buong bansa. Ipinapakita nito na nasa kritikal tayong yugto kung saan kailangang manatiling matatag ang bawat Pinoy — mula sa mga frontliner, LGU, hanggang sa ordinaryong mamamayang marunong magmalasakit. 


Kung minsan, tila nakakasanayan na lang natin ang salitang kalamidad. Pero sa totoo lang, tuwing dumaraan tayo rito ay paalala ito ng ating kahinaan bilang bansa, at ng pagkakataong patunayan muli ang ating lakas sa pagkakaisa. 

Gayunman, sa gitna ng trahedya, mas nakikita pa rin ang tunay na diwa ng bayanihan sa atin. 


Isang taon ang ibinigay para sa ating recovery upang makabawi at makabalik sa normal na pamumuhay. Pero sana, hindi ito matapos sa panahon lang ng emergency. Dahil ang tunay na pagbangon ay ‘yung natututo tayo sa bawat unos, natatayo natin ang mas matatag na komunidad, at higit sa lahat lumalaban nang may pag-asa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page