top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Namamasukan ako bilang isang tindera ng sari-sari store malapit sa tinitirahan ko. Ang natatanggap kong sahod ay mas mababa pa sa itinakdang minimum wage. Maaari ko bang ireklamo ang aking amo? — Meding





Dear Meding,


Para sa iyong kaalaman, maaaring saklaw ng Sections 3(a) & 7 ng Republic Act (R.A.) No. 9178, o kilala rin bilang “Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) Act of 2002” ang iyong katanungan. Patakaran ng ating Estado na pabilisin ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paghikayat sa pagbuo at paglago ng mga barangay micro business enterprise na nagsisilbing mabisang punlaan ng mga Pilipinong may talento sa pagnenegosyo (entrepreneurship), at pagsasama-sama ng mga nasa impormal na sektor sa pangunahing ekonomiya, sa pamamagitan ng rasyonalisasyon ng mga burukratikong paghihigpit, ang aktibong pagbibigay ng mga insentibo at benepisyo upang makabuo ng kinakailangang trabaho at maibsan ang kahirapan.


Mga kaugnay na bahagi ng nasabing batas ay ang mga sumusunod:


Section 3. Definition of Terms – As used in this Act, the following terms shall mean:


(a) ‘Barangay Micro Business Enterprise,’ hereinafter referred to as BMBE, refers to any business entity or enterprise engaged in the production, processing or manufacturing of products or commodities, including agro-processing, trading and services, whose total assets including those arising from loans but exclusive of the land on which the particular business entity's office, plant and equipment are situated, shall not be more than Three Million Pesos (P3,000,000.00) The Above definition shall be subjected to review and upward adjustment by the SMED Council, as mandated under Republic Act No. 6977, as amended by Republic Act No. 8289.


Section 8. Exemption from the Coverage of the Minimum Wage Law – The BMBEs shall be exempt from the coverage of the Minimum Wage Law: Provided, That all employees covered under this Act shall be entitled to the same benefits given to any regular employee such as social security and healthcare benefits.” 


Kaugnay nito, isa sa mga insentibo at benepisyo ng BMBE ay ang eksepsiyon mula sa saklaw ng Minimum Wage Law, sa kondisyon na ang lahat ng mga empleyadong sakop sa ilalim ng nasabing batas ay may karapatan sa parehong mga benepisyo na ibinibigay sa sinumang regular na empleyado tulad ng mga benepisyo sa social security at healthcare. Alinsunod dito, kung ang sari-sari store kung saan ka nagtatrabaho ay rehistrado bilang isang BMBE, ikinalulungkot naming ipaalam na hindi sakop o saklaw ng Minimum Wage Law ang iyong sitwasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


LALONG TITINDI ANG GALIT NG MGA DDS KAY PBBM ‘PAG INAPRUB NITO ANG EXTRADITION REQUEST NG US KAY PASTOR QUIBOLOY – Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na dedesisyunan na raw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang extradition request ng Amerika laban kay Pastor Apollo Quiboloy, na nakakulong ngayon sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong qualified human trafficking at sexual abuse of minors sa Pilipinas.


Ayon sa US government, mas nauna itong nasampahan ng mga kaso ng sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children at bulk cash smuggling sa Tate.

Kapag inaprubahan ni PBBM ang extradition request ng US, asahan na niyang mas lalong titindi ang galit sa kanya ng mga DDS. Period!


XXX


SENATE MINORITY AT SENATE MAJORITY, PAREHONG BIAS SA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA – Kung para sa mga loyalista at Kakampink-Dilawan ay bias ang mga senator-judge mula sa Senate minority sa pagtatanong sa mga witness na halatang ipinagtatanggol umano si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial, ayon naman sa mga DDS, bias din daw ang mga senator-judge mula sa Senate majority sa pagtatanong sa mga testigo dahil halatang nais din umano ng mga ito na idiin sa impeachment case ang bise presidente.


Kung ganoon, patas pala ang nasa Senate minority at Senate majority—pareho silang bias sa impeachment trial kay VP Sara. Boom!


XXX


HINDI NA UUBRA ANG RAKET SA FLOOD CONTROL PROJECTS SA BULACAN – Naganap ang talamak na korupsiyon sa mga flood control project sa Bulacan dahil inilihim umano ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga proponent na senador at kongresista sa Provincial Government of Bulacan na may ganitong mga proyekto sa lalawigan.


Upang hindi na maulit ang ganitong katiwalian, inatasan nina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro ang DPWH na hindi na maaaring gumawa ng anumang proyekto, partikular na flood control project, nang walang pahintulot mula sa Provincial Government of Bulacan at sa mga city at municipal LGU na nasasakupan ng lalawigan.


Sana, gumawa rin ng ganitong aksiyon ang lahat ng provincial government sa buong bansa upang wala nang maganap na kurakutan sa mga flood control project. Period!


XXX


CONG. TOBY TIANGCO, MAY HAWAK BANG 'ALAS' NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL SI PBBM? – Hinamon ni Navotas City Rep. Toby Tiangco si PBBM na patunayan sa publiko na wala siyang kinalaman sa multi-billion-pisong flood control scam sa bansa.


Naku, tila yata may “alas” na hawak si Cong. Tiangco laban kay PBBM kaya lakas-loob niya itong hinamon na patunayang wala siyang kinalaman sa naganap na flood control scandal sa ‘Pinas. Boom!


 
 

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 12, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng tahanan, kabuhayan at ligtas na kapaligiran. Kaya bago ituring na tagumpay ang isang malaking proyektong teknolohikal, dapat munang tiyaking hindi naman ang ordinaryong mamamayan ang magiging kapalit ng pag-unlad.


Ito ang sentro ng pagtutol ng mga magsasaka at Aeta sa Capas, Tarlac laban sa Pax Silica, isang US-led international initiative na naglalayong magtayo ng 1,600-ektaryang high-tech industrial hub sa New Clark City. Layunin nitong suportahan ang artificial intelligence infrastructure, data centers at advanced semiconductor manufacturing.


Halos 400,000 verified signatures na ang nakalap sa petisyon na humihiling na itigil ang proyekto dahil sa pangambang maaapektuhan ang kanilang mga tahanan, kabuhayan at kapaligiran.


Para sa mga magsasaka, hindi lamang lupa ang posibleng mawala. Kasama rito ang pinagkukunan nila ng pagkain at kita. Ayon pa sa kanila, tinatayang 500 pamilya sa Barangay Sta. Lucia ang maaaring maapektuhan. Nangangamba rin sila sa posibleng epekto ng proyekto sa kalidad ng tubig at produksyon ng kanilang mga sakahan.


Mahalaga ang ganitong pangamba dahil ang tubig ay hindi lamang bahagi ng kapaligiran. Para sa mga komunidad na umaasa rito para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, ito ay bahagi mismo ng kanilang buhay.


Ganito rin ang paninindigan ng Aeta community. Ayon sa kanila, mahalaga ang lupain sa kanilang pagkakakilanlan, tahanan at kabuhayan. Para sa kanila, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa kasalukuyan kundi pati sa kinabukasan ng kanilang mga anak at susunod na henerasyon.


Bukod sa Sta. Lucia, kabilang din sa mga lugar na sinasabing maaaring maapektuhan ang Barangays O’Donnel at Aranguren. Batay sa datos ng Capas municipal government, mahigit 30 porsyento ng kabuuang lupain ng bayan ay itinuturing na productive agricultural land.


Hindi masama ang pag-unlad. Kailangan ng bansa ang teknolohiya, trabaho at mga industriyang makapagpapalakas sa ekonomiya. Pero ang tunay na pag-unlad ay hindi dapat sinusukat lamang sa laki ng investment o dami ng itatayong pasilidad. Dapat kasama rito ang kapakanan ng mga taong matagal nang naninirahan at naghahanap buhay sa lugar.


Kung may proyekto mang itutuloy, kailangang malinaw ang environmental safeguards, proteksyon sa kabuhayan at tahanan, at konsultasyon sa mga komunidad. Dapat ding marinig ang boses ng mga magsasaka at katutubong mamamayan bago gumawa ng desisyong maaaring magbago sa kanilang buhay.


Ang teknolohiya ay maaaring magdala ng bagong kinabukasan, ngunit hindi dapat burahin ang kinabukasang matagal nang binubuo ng mga taong nakatira sa lupaing iyon. Ang pag-unlad ay tunay lamang kapag hindi kailangang isakripisyo ang karapatan, kabuhayan at tahanan ng maliliit upang umangat ang iilan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page