top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 14, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


'SUNTOK' SA BUWANG PABIGYAN NG PROJECTS NG MARCOS ADMIN SINA SENS. BONG GO AT PADILLA KASI PAREHO SILANG OPPOSITION SENATORS – Umuusok sa galit sina opposition Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla matapos idawit ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo ang kanilang mga pangalan sa mga pinaglaanan umano ng infrastructure projects noong 2024.


Magagalit talaga ang dalawang opposition senators na ito dahil sina Bonoan at Bernardo ang parehong totoong sabit sa flood control scandal, tapos bigla na lamang isisingit ang pangalan nina Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla sa isyu dahil nagkaroon din umano sila ng infrastructure projects noong 2024.


Sa totoo lang, fake news ang pagdadawit kina Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla dahil “suntok sa buwan” na mabigyan sila ng infrastructure projects, lalo’t pareho silang kaalyado ng pamilya Duterte na kalaban sa pulitika ng Marcos administration. Period!


XXX


PROGRAMANG SUPER HEALTH CENTER NI SEN. BONG GO, PINUPULITIKA KAYA IMPOSIBLE 'YUNG SINABING KABILANG SIYA SA NAGKA-INFRA PROJECTS SA PANAHON NG MARCOS ADMIN – Sa privilege speech ni Sen. Bong Go noong May 16, 2026, binatikos niya ang Department of Health (DOH) dahil ang programa niyang libreng laboratoryo sa pamamagitan ng Super Health Centers ay tila napupulitika. Aniya, may mga naitayong pasilidad na hindi pa rin magawang mag-operate dahil hindi napaglalagyan ng kuryente at tubig.


Ang nais nating ipunto rito, imposible talagang sabihing kabilang siya sa mga naghatid ng infrastructure projects sa panahon ng Marcos administration, dahil maging ang programang para sa mahihirap ni Sen. Bong Go na Super Health Centers ay tila napupulitika pa. Tsk!


XXX


MAAGANG NALAOS ANG 'RISA NA' KASI WALA NANG POST NGAYON SA SOCIAL MEDIA – Wala nang makikita sa social media patungkol sa “Risa Na,” na tumutukoy sa pagtakbo bilang presidente ni Sen. Risa Hontiveros sa 2028 presidential election.

Ibig sabihin niyan, ang aga namang nalalaos ng “Risa Na.” Boom!


XXX


PAGHIMAY NG KAMARA SA P7.2B NATIONAL BUDGET, DAPAT BANTAYAN NG MAMAMAYAN – Naisumite na ng Malacañang sa Kamara ang nakalululang P7.2 trilyon na panukalang national budget para sa 2027.


Dapat bantayan ng mamamayan ang gagawing paghimay ng Kamara sa national budget na ito upang matiyak na walang kongresistang makapag-i-insert ng kanilang pork barrel at flood control projects para sa susunod na taon. Period!


 
 

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 14, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, hindi lang kita ng mga tsuper ang nababawasan. Kasama sa bawat biyahe ang pangambang mawalan sila ng sasakyan, habang ang mga pasahero naman ay umaasa sa jeep para makarating sa trabaho, paaralan at iba pang mahalagang destinasyon. Kaya ang panawagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ihinto ang foreclosure ng mahigit 300 modernized jeepneys sa lungsod ay isang hakbang na dapat seryosohin.


Umapela ang LTFRB sa mga bangko at financing institutions na huwag munang bawiin ang mga modernized jeepneys na pag-aari ng mga operator na nahihirapang magbayad ng kanilang loan.


Ayon sa ahensya, ginawa ang panawagan matapos ang pulong kasama ang mga financing company noong Martes. Nagkasundo umano ang mga nagpapautang na hindi muna i-repossess ang mga unit ng mga operator na pansamantalang nahihirapan sa kanilang hulog.


Mahalaga ang ganitong konsiderasyon dahil hindi simpleng negosyo ang pampublikong transportasyon. Kapag nawala ang jeep, hindi lamang operator ang apektado. Maaaring mawalan ng hanapbuhay ang mga tsuper at mawalan naman ng masasakyang abot-kaya ang mga komyuter.


Lalong nagiging mabigat ang sitwasyon kapag mataas ang presyo ng gasolina, maintenance, pagkain at iba pang pang-araw-araw na gastusin. Kung sabay-sabay ding kailangang bayaran ang loan para sa modernized jeepney, maaaring maging mahirap para sa operator na manatiling kumikita.


Dahil dito, hindi sapat na sabihing kailangang magbayad sa oras. Kailangang tingnan din ang aktuwal na kalagayan ng mga taong bumubuhay sa sistema ng pampublikong transportasyon.


Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang LTFRB na magbigay ng mas maraming tulong sa lokal na transport sector. Dapat itong samahan ng malinaw at pangmatagalang programa para hindi pansamantalang solusyon lamang ang maibigay sa mga operator.


Ang modernisasyon ng transportasyon ay mahalaga, pero hindi dapat mauwi sa pagkakautang at pagkawala ng kabuhayan. Kung layunin ng programa na magkaroon ng mas maayos at modernong pampublikong transportasyon, kailangang tiyaking kaya rin itong panindigan ng mga tsuper at operator.


Ang tunay na modernisasyon ay hindi lamang tungkol sa bagong jeep. Ito ay tungkol sa pagtiyak na may tsuper na makakapagmaneho nito, operator na kayang magbayad, at pasaherong patuloy na may masasakyan. Huwag hayaang ang presyo ng gasolina at bigat ng utang ang maging dahilan para tuluyang mawalan ng kabuhayan ang mga taong araw-araw na nagsisilbi sa taumbayan.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 13, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT PANGALANAN NI MAYOR MAGALONG ANG MGA SINABI NIYANG KONGRESISTANG MAY FLOOD CONTROL PROJECT INSERTIONS SA YEAR 2027 – Hinamon ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na pangalanan ang mga sinasabi niyang kongresistang miyembro ng House prosecutor panel sa impeachment ni Vice President Sara Duterte na may budget insertions para sa flood control projects sa 2027.


Dapat tanggapin ni Mayor Magalong ang hamon ni Cong. Ridon at pangalanan ang mga kongresistang tinutukoy niya. Kung hindi niya sila papangalanan, lalabas na “marites” lang ang sinabi ng alkalde tungkol sa umano’y mga kongresistang miyembro ng House prosecutor panel na may budget insertions para sa flood control projects sa 2027. Period!


XXX


OBLIGADO ANG IMPEACHMENT COURT NA I-DISMISS ANG 4TH ARTICLE OF IMPEACHMENT KAY VP SARA KUNG MADI-DISMISS ANG 3-COUNTS NG KASONG GRAVE THREAT NA ISINAMPA NG DOJ – Sinabi ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni VP Sara, na kayang-kaya raw nilang ipa-dismiss sa korte ang tatlong counts ng kasong grave threat na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban sa bise presidente, na may kaugnayan sa pagbabanta umano nito sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), First Lady Liza Araneta-Marcos at Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez.


Kaya kung sakaling ma-dismiss ang tatlong counts ng kasong grave threat, obligado rin umano ang impeachment court na i-dismiss ang 4th Article of Impeachment laban kay VP Sara na may kaugnayan sa sinasabing pagbabanta nito sa buhay nina PBBM, FL Liza at Cong. Romualdez. Boom!


XXX


KAPAG IPINAGPALIBAN ANG BSKE, PARANG NAGTAPON LANG NG P8 BILYON ANG GOBYERNO – Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nagamit na nila sa preparasyon para sa November 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ang P8 bilyon sa P19 bilyong nakalaan para sa nalalapit na halalang pambarangay. 


Kung ganoon, hindi pala totoo ang sinasabi ng mga senador at kongresistang nagsusulong ng kanselasyon ng BSKE sa Nobyembre 2026 na malaki ang matitipid kung ipagpapaliban ang halalang pambarangay. Lumalabas na hindi makatitipid at sa halip ay lugi pa, dahil parang itinapon lang ng gobyerno ang P8 bilyon kapag nakansela ang barangay election. Period!


XXX


MATAPOS ANG PANANALASA NG 'HABAGAT,' BALIK AGAD SA RAKET ANG MGA 'TONGPATS COLLECTORS' SA CALABARZON – Matapos manalasa ang “Habagat” sa Southern Tagalog region, balik daw sa kanilang raket na “tongpats collection” sa CALABARZON sina alyas “Rico,” “Adlawan,” “Tata Obet,” “Jong,” “Tsan Parak,” “Dimapeles,” “Digoy,” “Lopez,” “Roy,” “Panganiban,” “Marcial,” “Mike,” “Ocampo” at “Balay.”


Mantakin n’yo, katatapos lang salantain ng “Habagat” ang mga taga-CALABARZON, rumaket agad sa “tongpats collection” ang mga mangraraket na ito.

Kailan kaya gagawa ng aksyon si PNP-Region 4-A Director B/Gen. Dominic Baccay laban sa sangkatutak na “tongpats collectors” na ito sa kanyang nasasakupang CALABARZON? Abangan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page