top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,

 

Madalas ay may pumaparada malapit sa fire hydrant sa aming barangay. Ang ikinababahala namin ay ang potensiyal na problemang maidulot nito kung sakaling magkaroon ng sunog. Dahil dito, plano sana naming kausapin ang may-ari ng sasakyan dahil nais naming malaman kung ano ang batas na sumasaklaw rito, at kung maaari ba naming maging basehan ito upang pakiusapan ang nasabing drayber na iwasan ang pagparada sa nasabing fire hydrant. – Marcus



Dear Marcus,

 

Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating batas, espesipiko sa Republic Act No. 9514, o mas kilala sa tawag na "Revised Fire Code of the Philippines.” Ayon sa Seksyon 8 (d) ng nasabing batas:


“Section 8. Prohibited Acts. - The following are declared as prohibited act and omission.

(d) Obstructing designated fire lanes or access to fire hydrants. 

 

Ayon sa nabanggit, ipinagbabawal ang pagsasara o pagbabara ng mga itinalagang fire lane o daanan para sa mga bumbero, o pagharang sa access papunta sa fire hydrants. Hinggil dito, may ipinapataw na administrative fine sa sinumang mapatutunayan na lumabag sa mga probisyon ng Revised Fire Code of the Philippines:

 

“Section 11. Penalties. 

1. Against the private individual:

a) Administrative fine - Any person who violates any provision of the Fire Code or any of the rules and regulations promulgated under this Act shall be penalized by an administrative fine of not exceeding Fifty thousand (P50,000.00) pesos." 

 

Samakatuwid, maaaring mapatawan ng multang administratibo ang sino mang mapatutunayan na nagharang sa access o daanan papunta sa isang fire hydrant. Dahil dito, maaari n’yong maibahagi sa may-ari ng sasakyan ang nabanggit na batas at ang mga kaakibat na mga ipinagbabawal at kaparusahan sa mga kaugnay na paglabag.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

        

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ba ang layunin ng Protection Orders sa Republic Act (R.A.) No. 9262? Kung ang hukuman sa isang siyudad ang mag-iisyu ng protection order, ang pagpapatupad at sakop ba nito ay limitado lamang sa teritoryal na sakop ng nasabing hukuman? Paano kung lumipat ng bayan o siyudad ang aplikante? Kailangan pa ba mag-aplay ng panibagong protection order sa lugar kung saan siya lilipat ng tirahan? Maraming salamat sa paglilinaw. -- Valerie



Dear Valerie, 


Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 9262, o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” partikular sa ilalim ng Seksyon 8 ng nasabing batas na:


“Section 8. Protection Orders.- A protection order is an order issued under this act for the purpose of preventing further acts of violence against a woman or her child specified in Section 5 of this Act and granting other necessary relief. The relief granted under a protection order serve the purpose of safeguarding the victim from further harm, minimizing any disruption in the victim's daily life, and facilitating the opportunity and ability of the victim to independently regain control over her life. The provisions of the protection order shall be enforced by law enforcement agencies. xxx.” 


Hinggil sa nabanggit, ang protection order ay isang utos na inilalabas upang maiwasan ang karagdagang o patuloy na pananakit o karahasan laban sa isang babae o sa kanyang anak, at upang magbigay ng iba pang kinakailangang proteksyon.


Layunin ng mga benepisyong nakapaloob sa protection order na maprotektahan ang biktima mula sa anumang dagdag na panganib, mabawasan ang anumang sagabal sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at mabigyan siya ng pagkakataon at kakayahang muling makontrol nang mag-isa ang kanyang sariling buhay.


Ayon naman sa Seksyon 12 ng kaparehong batas, lahat ng Temporary Protection Orders (TPOs) at Permanent Protection Orders (PPOs) na inisyu sa ilalim ng nasabing batas ay maaaring ipatupad saan mang panig ng Pilipinas:


“Section 12. Enforceability of Protection Orders. – All TPOs and PPOs issued under this Act shall be enforceable anywhere in the Philippines and a violation thereof shall be punishable with a fine ranging from Five Thousand Pesos (P5,000.00) to Fifty Thousand Pesos (P50,000.00) and/or imprisonment of six (6) months.” 


Samakatuwid, ang protection order, TPO man o PPO, na inisyu ng isang hukuman ay maaaring ipatupad saan man sa Pilipinas at hindi na kailangan magsumite pa ng panibagong aplikasyon kung magkakaroon man ng paglipat ng tirahan ang isang aplikante. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Leonida Sison @Boses | December 9, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa tuwing papalapit ang Kapaskuhan, iisang lamang ang takbuhan ng mga nagtitipid, at naghahanap ng kalidad pero murang paninda, at ito ang Divisoria. 


Ito ang pugad ng murang bilihin, praktikal na regalo, at presyong abot-kaya kahit pa medyo kapos sa budget. At ngayong dalawang linggo na lang ay Pasko na, mas lalo itong dinadagsa ng mga kababayan bilang pangunahing pamilihan. 


Kitang-kita ang lakas ng Divisoria para sa mga namimili o konsyumer, kung saan may mga paninda rito na ang presyo ay nasa halagang P35 hanggang P200 na puwedeng panregalo, at ang nakakatuwa ay wala pa itong diskuwento. 


May mga dumadayo na rin kahit wala pang budget para bumili kahit paano, dahil hinihintay pa ang kanilang 13th month pay. Isang paalala ng realidad na kahit puno ang Divisoria, hindi lahat ay handa nang gumastos, sadyang may naitabi at naipon lamang habang umaasa pa rin sa himig ng Pasko.


Mura rin ang ibang essentials, gaya ng gift wrapper na P20 kada 5 piraso, paper bags na P10-15, at Christmas tree na P2,500-P5,000 depende sa laki. Ang mga palamuti, bagsak-presyo rin dahil sa dami ng mga nagbebenta at sa matinding kumpetisyon mula sa mga online sellers. 


Habang abala ang lahat sa pamimili ng murang gamit at panregalo, may isang umiiral na adbokasiya, ito ay ang BAN Toxics, na ayon kay advocacy and campaign officer Thony Dizon, ito ay isang panawagan na maging masinop at huwag basta bili nang bili ng mga dekorasyong gawa sa plastik lalo’t may panganib ng kemikal. 


Hinihikayat nilang mag-reuse, mag-repurpose, at pumili ng materials na eco-friendly. Kapag bibili anila ng Christmas lights, tiyakin ang ICC o PS mark bilang proteksyon laban sa substandard at delikadong produkto. 


Sa gitna ng agos ng mga konsyumer na gustong bumili ng mga bagay na presyong abot-kaya, at mga pangakong mas makakatipid, dapat ay maging mas maingat sa anumang gamit na bibilhin.


Tandaan natin na ang Pasko ay para sa lahat at hindi ito tungkol sa magarbong regalo, kundi sa paghahanap ng paraan para mapasaya ang mga mahal sa buhay nang hindi nabubutas ang bulsa at hindi rin naman magdudulot ng panganib o perhuwisyo sa atin. 


Sa pagpunta natin sa mga budget-friendly na pamilihan, masaya, mas tipid, at may pagkakataong bumili ng maraming regalo. Subalit kasabay nito, dapat ding may disiplina sa pagpili ng mga gamit na bibilhin upang maging ligtas, praktikal, at hindi makadagdag sa problema. 


Dahil ang tunay na diwa ng Pasko ay pagbibigay, pero mas maganda kung ito ay sasamahan natin ng talino at pagiging responsable.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page