ni Beth Gelena @Bulgary | August 22, 2026

Photo: IG _kaisha.aaa & _aagupy
Slowly but surely ang pag-akyat ng career ni Kai Montinola sa industriya.
Mula nang maging 4th Big Placer siya sa Pinoy Big Brother Gen 11 (PBBGEN11), unti-unti na siyang nakilala at nagkaroon ng mga oportunidad sa showbiz.
Sa Hello Outside World (HOW) nina Bianca Gonzalez at Esnyr Ranollo, ikinuwento ni Kai na bago pa siya sumali sa PBB, marami na siyang sinalihang singing competitions at iba’t ibang aktibidad.
Hindi man siya palaging nananalo, mahalaga sa kanya ang mga karanasan at ang saya sa ginagawa niya.
Kuwento niya, muntik siyang hindi makaabot sa PBB audition dahil may modeling job siya noong araw na iyon, pero hinikayat daw siya ng kanyang ina na subukang makahabol.
Sa huli, naging malaking bahagi ng kanyang buhay ang PBB, kung saan nakakuha siya ng mga bagong kaibigan, karanasan at aral.
Samantala, hindi rin nakaligtas si Kai sa pambabatikos, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa kanyang pagkaka-link kay Andres Muhlach. May ilang netizens na nagsabing tila habol nang habol si Kai sa aktor, at maging ang pagpunta niya sa musical na pinagbibidahan nito ay pinagdiskitahan.
Aminado siyang nasasaktan din dahil tao lamang siya, pero natutunan niyang kontrolin ang kanyang reaksiyon at huwag hayaang maapektuhan ng sinasabi ng iba.
Bahagi na ng kanyang trabaho ang pagiging nasa mata ng publiko, kaya tinanggap na niya at nagpapakatatag na lang habang patuloy na tinatamasa ang kanyang kasikatan.
‘Ika nga, pasok sa isang tenga, labas sa kabila.
Tama ‘yan, Kai, LABAN!
CELESTE, AYAW NANG ISAPUBLIKO ANG PROBLEMA NILA NG NAKABUNTIS SA KANYA
KINUMUSTA ni Boy Abunda si Celeste Cortesi tungkol sa kanyang pagbubuntis at maging sa usaping love life sa kanilang panayam kamakailan sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
“Kumusta ang pregnancy mo at ang pagiging soon-to-be mom?” unang tanong ng TV host.
Aniya, malaking pagbabago raw sa kanyang buhay ang pagbubuntis. Naging conscious daw siya sa kanyang katawan, sa mga physical changes na dala ng pregnancy pero unti-unti raw niyang natututunang tanggapin ang mga pagbabagong nagaganap.
May mga pagkakataong hindi raw siya komportable at malaking bagay para sa kanya ang reassurance at support mula sa partner niyang si Jonathan Sterling.
Ipinaparamdam daw ng boyfriend na maganda pa rin siya at hindi nagbabago ang pagmamahal nito sa kanya.
Sinagot din niya ang tanong ni Kuya Boy kung totoo bang nagkaroon sila ng problema ni Jonathan. Hindi itinanggi ni Celeste na nagkaroon sila ng challenges bilang couple, pero hindi niya ipinakitang nangangahulugan itong tuluyan na silang naghiwalay. Hindi rin niya gustong ilahad sa publiko ang lahat ng detalye dahil personal iyon.
Dugtong pa niya, dahil public figures sila, mabilis daw napapansin ng mga tao kapag may pagbabago sa kanilang relationship. Lalo na kapag hindi sila magkasamang nakikita, nagkakaroon agad ng speculation.
Well, hindi raw kailangang maging perfect ang isang relationship. Ang mahalaga ay kung paano nila hinaharap ang problema, kung paano sila nag-uusap at kung paano pinipiling protektahan ang kanilang relasyon.
Tanong pa ni Kuya Boy, “Excited ka na bang maging mommy?”
“Isa ito sa pinakamalaking bagong chapter ng buhay ko,” sagot niya.
‘Sergio’ raw ang napili nilang pangalan ng baby na may espesyal na connection sa pamilya ni Celeste. Inaasahan daw niyang lalabas ang kanilang baby around October 2026.



