top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 23, 2020


ree


Ipinagpag ni Jeffrey De Luna ng Pilipinas ang kalawang na dulot ng ilang buwang pagpapatahimik ng COVID-19 sa larangan ng pagtumbok upang matagumpay na malusutan ang hamon ni Kuwaiti Naser Al-Mujaibel sa pagsargo ng online na bakbakang tinatawag na Predator One Pool 10 Challenge.


Dalawang beses na nagsagupa sina De Luna, isang 2019 US 9-Ball Open Championships semifinalist, at Al-Mujaibel pero parehong hindi nakaporma ang cue artist mula disyerto kontra sa tikas ng Pinoy. Ang mga iskor na 60-53 at 60-31 ang ginawang tuntungan ng Pinoy sa susunod na yugto ng kompetisyong umakit din ng mga bigating manunumbok tulad nina Dennis Grabe ng Estonia, ang Grieygong si Alexander Kazakis, ang mga pambato ng Germany na sina Thorstehn Hohmann Fedor Gorst, at Ralf Souquet; Naoyuki Oi ng Japan at ang Kastilang si David Alcaide.


Tanging si De Luna lang ang Pinoy na inimbitahang lumahok sa torneo. Susunod na makakasagupa ni De Luna, nakatuwang ni Carlo Biado para sa pagsikwat ng Pilipinas ng runner-up honors noong 2019 World Cup of Pool, ay ang isang pang bigating personalidad sa katauhan ni Jayson Shaw ng Scotland. Nasa round-of-16 na rin si Albin Ouschan ng Austria, Si Ouschan ang nakabangga nina Biado at De Luna sa World Cup of Pool kung saan nagkampeon ang Austria.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 20, 2020


ree


Susulong na ang huling araw ng 2020 Asian Seniors Online Chess Championships at pipilitin ng mga pambatong Pinoy na sina Grandmaster Rogelio Antonio Jr., International Master Ricardo De Guzman at untitled Rudy Ibanez na pagliwanagin ang tatlong kulay ng bandila ngayong Martes, Hulyo 21, sa torneo.

Ang tatlong chess warriors mula sa Pilipinas ay nakapasok sa huling yugto ng siyam na araw na kaganapan matapos nilang dominahin ang Zone 3.3 qualifying tournament. Pare-parehong nagsumite ng anim na puntos sina Antonio (rating: 2426), De Guzman (rating: 2261) at Ibanez pero kay De Guzman napunta ang titulo nang pairalin na ang tie break norms.

Pumangalawa si Ibanez at tumersera ang minsan nang naging world seniors silver medalist na si Antonio.

Kung papalaring makapasok sa anim na kataong winners' circle, tatanggap ng pabuyang salapi ang tatlo. Halagang USD 500 ang naghihintay sa magkakampeon sa 50-anyos at pataas na grupo.

Magiging sagabal sa paglalakbay ng Philippine troika si Bangladesh pride GM Niaz Murshed (2476) na nanguna sa Zone 3.2.qualitifiers; ang mga pamatay ng chess warriors ng Uzebekistan na sina GM Tair Vahidov (2467) GM Alexei Barsov (2471) GM Saidali Iuldachev (2514) na nagningning sa Zone 3.4 at si Zone 3.1 winner FM Abbas Khakppor (2087) ng Iran.

Pipilitin ng mga Pinoy seniors na magmarka sa Asian level. Matatandaang sa juniors, hindi ito naganap. Noong qualifying tilt, humataw ng panalo si Daniel Quizon sa huling round kontra sa noon ay tumatrangkong Mongolian na si IM Dambasuren Batsuren upang makopo ang korona sa tulong ng makinang na tiebreak rekord kontra sa tatlong iba pang chessers. Nakasama ni Quizon sa Asian online chess tilt bilang Zone 3.3 qualifiers kasama sina Batsuren at ang isang pambato na bansa sa katauhan ni Chester Neil Reyes. Ang huli ay mainstay ng National University. Pero sa bakbakan sa Asya, hindi sila nakaporma.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 11, 2020


ree


Magsasalpukan ang pinakamalupit na mga disipulo ng paspasang ahedres ngayong Sabado at Linggo upang malaman kung kanino mapupunta ang apat sa anim na upuan para sa Philippine Team na sasabak sa eksena ang prestihiyosong "face-to-face" na FIDE Online Olympiad 2020 simula Hulyo 22 hanggang Agosto 30.


Nasa listahan ng may tsansa sa online chess olympiad sina Grandmaster Rogelio Antonio, Jr., GM Rogelio Barcenilla Jr., GM Mark Paragua, GM Darwin Laylo, International Master Paulo Bersamina at IM Haridas Pascua. Sina Paragua at Antonio ang kumuha ng unang dalawang puwesto sa katatapos na torneong tinaguriang Battle of the GMs. Si Barcenilla ang nagkampeon sa huling National Chess Championships.


Ang Pilipinas ay makikipagtagisan ng husay laban sa mga "chess-playing nations" kabilang na ang mga pandaigdigang puwersa mula sa China, India, America at Europa.

Marami ang umaasang hindi mapapatid ang "winning streak" ng bansa sa international online chess. Kamakailan ay itinanghal na world champion si FIDE Master Sander Severino sa IPCA tournament.


Nagsimula na ang pagpapatala para sa Online Olympiad ng FIDE. Anim na kasapi ang kinakailangan sa bawat koponan. Sa anim, dalawa ay dapat na women chesser at dalawa ang junior woodpushers (isang binatilyo at isang dalagita na kapwa ipinanganak noong taong 2000 pataas). Pinapayagang magkaroon ng anim na reserve chessers at isang team captain.


Paiiralin ang 15 minuto - 5 segundo kada galaw na time control sa bakbakan. Mayroong dalawang bahagi ang Online Olympiad bukod pa sa play-off stages. Ang seedings ay nakabase sa resulta ng huling Gaprindashvili Cup at ng Batumi Chess Olympiad noong 2018.


Ang internet chess platform na gagamitin sa paligsahan ay hindi pa ipinapahayag.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page