top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 26, 2020


ree


Isang higanteng manunumbok na naman ang naungusan ni Jeffrey “The Bull” De Luna matapos daigin ng Pinoy si Albin Ouschan ng Austria, 2-1, upang mahablot ang huling upuan sa semifinals ng umuusok nang Predator One Pool 10 Online Challenge.


Dikdikan ang labanan ng duwelong Pinoy-Austrian at sa unang sargo ay bahagyang nakaangat si Ouschan sa iskor na 60-55. Sa pangalawang banggaan, tablang 60-60 ang naiposte kaya nauwi sa tiebreaker na napagwagian ni De Luna.


Dahil sa 1-1 na sitwasyon, kinailangan ng winner-take-all match. Sa puntong ito, napunta uli sa 60-60 na iskor kaya nagkaroon na naman ng tiebreaker na napanalunan ni De Luna, 40-25, kaya ito nakapasok sa semis.


Pero wala pang ilang oras ang lumilipas nang ipaulit ng mga organizers ang huling laro dahil sa “patterned racking” ni De Luna. Umalma ang Pinoy at nagdesisyon ang tagapangasiwa na si Ouschan sa halip na si De Luna ang papasukin sa semifinals.


Nabalewala ang magandang performance ng Pinoy dahil sa delubyo. Nauna rito, pinadapa niya si dating World Pool Association no. 1 Jayson Shaw ng Scotland sa gitgitan ding iskor, 2-1.


inilampaso rin ni De Luna, World Cup of Pool rin ER-up katuwang si Carlo Biado, si Naser Al-Mujaibel ng Kuwait, 2-0. Hindi pinaporma ng 36-anyos na Pinoy si Al-Mujaibel sa tulong ng 60-53 at 60-31 na mga rekord.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. / MC - @Sports | July 24, 2020


ree


Handa ang Team Philippines para harapin ang pinakamahuhusay na chess player sa mundo at maging bahagi ng kasaysayan sa gaganaping FIDE Chess Olympiad Online Championship na idinaraos ngayon. Sinabi ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director Atty. Cliburn Orbe na preparado na ang koponan, ngunit mas kinakailangan nila ang mas malakas na Internet at high-end equipment upang higit na makasabay sa laban. “Sa talent, wala tayong masasabi sa team natin. Individually, ready sila, concerned lang namin yung mga equipment nila siyempre yung Internet connection. Alam naman natin na dahil sa pandemic mas tumaas ang bilang ng gumagamit ng internet,” sambit ni Orbe sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ via zoom at livestream sa Youtube at Facebook ng Sports on Air kahapon. Iginiit ni Orbe na marami nang insidenteng nabalewala ang partisipasyon ng Pinoy players sa online chess game dahil naputol ang internet connection. “May player nga tayo sa isang malaking online match na maganda ang simula pero hindi na nakatapos dahil nawala yung internet connection. So malaki pa rin ang role ng Philippine Sports Commission at ng Smart,” ayon kay Orbe.


Sinabi ni Orbe na nagpadala na sila ng request letter kay PSC Chairman William Ramirez para sa supply ng bagong laptop, habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa SMART-PLDT para sa mas siguradong internet connection. Ayon naman kay Asia’s first GM Eugene Torre, coach ng PH Team, na hindi pahuhuli ang Pinoy sa online chess at sa pangunguna ni GM Joey Antonio, malaki ang tsansa ng koponan sa laban. “Just yesterday, nagkampeon si Joey (Antonio) sa Asian Seniors online meet, kaya yung preparation niya mataas talaga. As always si Joey ay isa sa best player natin at sa Asia siya ang top senior player,” sambit ni Torre.


Kabilang din sa Team Philippines sina GM Mark Paragua, GM Darwin Laylo at Woman IM Catherine Secopito at Bernadette Galas, Michael Concio at Jerlyn Mae San Diego. Kasama ng Team Philippines sa Division 2 ang Germany, Romania, Turkey, Greece, Spain, Italy, England, Hungary, Israel, Belarus, Sweden, Croatia, Indonesia, Serbia, Bulgaria, Slovenia, Slovakia, Colombia, Ecuador, North Macedonia, Latvia, Switzerland, Norway, Argentina, Austria, Bangladesh, Australia, Moldova, Iceland, Montenegro, Turkmenistan, Kyrgyzstan, Estonia at Netherlands. “Seeded tayo sa Division 2 kaya sa August 15 pa ang laban ng team kaya mahaba pa ang preparasyon,” sambit ni Orbe.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 24, 2020


ree


Nalusutan ni Pinoy hotshot Jeffrey De Luna ang matinding hamon ng dating world no. 1 na si Jayson Shaw ng Scotland, 2-1, upang makapasok sa quarterfinals ng Predator One Pool 10 Online Challenge.


Sa gitna ng patuloy na pananalasa sa buong mundo ng COVID-19 na pandemya, naungusan ni De Luna, isang 2019 US 9-Ball Open Championships podium finisher, si Shaw sa unang salpukan, 60-55, pero hindi siya umubra sa rumesbak na Scottish ace sa pangalawang game, 40-60. Muling umusok ang mesa sa do-or-die na game 3 pero hindi nagpakaldag si De Luna para sa isang dikdikan uling panalo, 60-56.


Si Shaw, hari ng 2019 International 9-Ball Open at ng 2020 Derby City Classic Big Foot Challenge, ang pangalawang biktima ng Pinoy sa torneo. Nauna rito, sa round-of-16, inilampaso ni De Luna si Naser Al-Mujaibel ng Kuwait, 2-0. Hindi pinaporma ng 36-anyos na Pinoy si Al-Mujaibel sa tulong ng 60-53 at 60-31 na mga rekord.


Nakaharang sa tulay ni De Luna, kampeon sa 2019 Bogies Classic 10-Ball, papuntang semifinals si Austrian Albin Ouschan sa round-of-8 na duelo. Paghihiganti ang nakamarka sa sentido ng Pinoy dahil sa 2019 World Cup of Pool, Austria ang pumigil sa tambalan nina De Luna at Carlo Biado para maging kampeon ang Pilipinas. Bahagi ng koponan ng Austria ang 32-taong-gulang na si Ouschan.


Bukod kina De Luna at Shaw, nasa final 8 na rin ang mga matitikas na mga manunumbok na sina Fedor Gorst (Russia), Naoyuki Oi (Japan), Tyler Styler (USA), Thorsten Hohmann (Germany) at Eklent Kasi (Albania).


Tanging si De Luna lang ang Pinoy na inimbitahang lumahok sa torneo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page