top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. / VA - @Sports | August 14, 2020


ree


Sisimulan ng Team Philippines ang kanilang kampanya sa Division 2 ng kauna-unahang Online Chess Olympiad ngayong araw na ito -Agosto 14.

Nauna nang inumpisahan ang torneo na isinagawa online sa unang pagkakataon dahil sa coronavirus pandemic noong nakaraang buwan sa pamamagitan ng mga serye ng qualifiers.

May limang grupo na may tig-10 teams ang maglalaban-laban para makausad sa Division 1 stage na idaraos sa Agosto 21-23.

Ang Team Philippines ay nasa Pool A na kinabibilangan din ng Indonesia, Germany, Belarus, Belgium, Australia, Bulgaria, Bangladesh, Turkmenistan at Kyrgyzstan.

Ang tatlong mangungunang teams matapos ang 9 na round robin tournament ay susulong sa Top Division kung saan may apat na pools na may tig-10 ring teams. Ang top 3 sa bawat grupo ay uusad sa playoff series na kinatatampukan ng knockout duels.

Nangunguna bilang top 3 ang Russia, China at US hold sa Division 1 na pinamumunuan nina Alexander Grischuk, Ding Liren at Pinoy na si Wesley So ayon sa pagkakasunud-sunod.

Ang mga miyembro naman ng Team Philippines ay sina Grandmasters Mark Paragua, Rogelio Barcenilla, Darwin Laylo at Joey Antonio, Woman GM Janelle Mae Frayna, IM Daniel Quizon, WIMs Jan Jodilyn Fronda, Kylen Joy Mordido, Catherine Secopito at Bernadette Galas, Michael Concio Jr. at Jerlyn Mae San Diego. Ang kauna-unahang Asian Grandmaster na si Eugene Torre ang kanilang team skipper.

Samantala, pamumunuan naman ni Fide Master at world champion Sander Severino ang IPCA (International Physically Disabled Chess Association) na siyang sasalang sa Pool B na kinabibilangan din ng Singapore, Romania, Slovakia, Thailand, Austria, Israel, Latvia, Moldova at Greece.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 9, 2020


ree


Kasalukuyang nasa magandang posisyon ang pangkat ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) na pinamumunuan ni Pinoy world champion at FIDE Master Sander Severino para makaakyat sa Division 2 ng ginaganap na FIDE Online Chess Olympiad.


Nakaluklok sa pangalawang puwesto sa Pool B ng Division 3 ang IPCA matapos na mangulekta ng mga panalo laban sa United Arab Emirates at Angola bago nakipaghatian ng puntos laban sa Scotland. Inilampaso ng IPCA ang UAE, 5-1, bago dinurog ang Angola sa kapareho ring iskor. Nang makaharap ang Scotland, nauwi sa gitgitang 3-3 ang duwelo kaya nakaipon ito ng limang puntos. Base sa tuntunin ng torneo, dalawang puntos ang ibinibigay sa kada panalo at isang puntos naman sa mga tablang sagupaan.

Kasosyo ng IPCA sa pangalawang baytang ang Scotland habang may perfect output pa ang Portugal (6.0 puntos) pagkatapos ng tatlong rounds.


Tatlong koponan lang mula sa pool ang aangat sa susunod na yugto at nakaharang pa sa landas ng tropa ni Severino, may team rating na 1973, ang mga sumusunod:

Portugal, Bostwana, Chinese-Taipei, Sri Lanka, Nigeria at Tajikistan.


Ang Philippine Team na pinamumunuan nina Grandmaster Rogelio Barcenilla, Jr., GM Mark Paragua at Woman GM Janelle Mae Frayna at International Master Daniel Quizon at Kylen Joy Mordido ay hindi pa naglalaro dahil sa pagiging seeded entry nito sa Division 2.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 7, 2020


ree


Kinalos ng FIDE ang mga manlalarong sinasabing nasangkot sa paglabag sa mga tuntunin ng ginaganap na FIDE Online 2020 Olympiad.

Sa isang pahayag ng governing body ng ahedres sa buong mundo, binanggit ng FIDE na, "The Online Olympiad Fair Play Panel has identified four cases in which there are sufficient grounds to believe the Fair Play Regulations have been violated."

Kasama rin sa naturang pahayag na pinamagatang "FIDE Statement on anti-cheating cases at Online Olympiad", ipinahayag na ang lahat ng resulta ng mga nasangkot na woodpushers ay itinuring nang pagkatalo . Bukod dito, hindi na sila pinapayagan pang maglaro sa kompetisyon.


Apat na manlalaro mula sa Mali (Base Division), Brunei Darussalam (Division 4), Hongkong (Division 4) at Nicaragua (Division 4) ang nasangkot ngunit hindi na pinangalanan bagamat ipinaalam na sa mga tournament officials at team captains ang pangyayari.

"Online Olympiad Fair Play Panel has identified four cases in which there are sufficient grounds to believe that fair play regulations were violated. Mali, Brunei Hongkong, Nicaragua."


Samantala, umpisa na ang bakbakan para sa pangkat ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) na pinamumunuan ni Pinoy world champion at FIDE Master Sander Severino.

Nasa Pool B ang IPCA at makakasagupa sa isang round-robin na tuntunin simula ngayong Biyernes (Agosto 07) ang Angola, Portugal, Bostwana, Chinese-Taipei, Sri Lanka, Nigeria, Tajikistan, United Arab Emirates at Scotland. Ang top 3 finishers sa naturang pangkat ay aabante sa Division 2 kung saan nakatambay ang Pilipinas bilang isa sa mga seeded entries.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page