top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 16, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #373



Noong gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa tahimik na Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, nabasag ang katahimikan ng mga residente nang matagpuang duguan at malamig na bangkay si Dominic matapos siyang barilin. 


Ayon sa mga ulat, binaril umano ang biktima ng hindi nakilalang salarin. Ngunit sa pag-usad ng imbestigasyon, lumitaw ang pangalan ng dalawang taong malapit sa kanya — si alyas “Joker” at si ka-Vina, isang babaeng matagal nang nakasama ni Dominic sa iisang bubong.


Kaugnay sa nabanggit, ang tanong ng bayan — sa pagitan ng pag-ibig at paninibugho, sino nga ba ang tapat at sino ang traydor?


Sa kasong People of the Philippines v. Moyong and Moda (Crim. Case No. 002235-21), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Hon. Judge Catherine A. Velasco-Supeda noong 29 Hunyo 2023, sinuri ng hukuman kung sapat ang ebidensya ng tagausig upang patunayan ang pagkakasala nina Joker at ka-Vina sa kasong murder.


Ayon sa Impormasyon na isinampa noong Pebrero 2021, bandang alas-10:00 ng gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, diumano ay magkasabwat sina Joker at ka-Vina sa pagpatay kay Dominic sa pamamagitan ng pamamaril, na may intensyong pumatay at sa paraang may pagtataksil (treachery) at malisyosong pagsasabwatan (conspiracy).


Sa isinampang kasong murder, kapwa itinuro ng tagausig sina Joker at ka-Vina bilang mga responsable sa pagkamatay ni Dominic. 


Gayunman, dahil nananatiling at large si Joker, tanging si ka-Vina ang humarap sa paglilitis upang harapin ang mabigat na paratang ng pakikipagsabwatan sa pagpatay.

Itinampok din sa record ng kaso na si ka-Vina ay kinakasama o live-in partner ni Dominic sa loob ng ilang taon, ngunit kalaunan ay nagkaroon umano ng ugnayang labas sa relasyon kay Joker. 


Hinggil dito, ito diumano ang naging mitsa ng alitan na humantong sa trahedya.

Sa paglilitis, inihain ng tagausig ang tanging testigo na si Richard, kapitbahay at diumano’y nakakita ng insidente. 


Ayon sa kanya, nakita niyang magkasama sina ka-Vina at Joker bago at matapos ang pamamaril. Ngunit malinaw sa kanyang salaysay na si Joker mismo ang bumaril sa biktima, habang si ka-Vina ay nasa tabi lamang.


Walang napatunayang kilos, pahayag, o anumang ugnayan na magpapakita na merong sabwatan o kasunduang pumatay sa pagitan nina Joker at ka-Vina.


Sa pagsusuri ng depensa na lumitaw noong cross-examination, lumabas din na may mga hindi pagkakatugma sa mga detalye ng nasabing testimonya — mga pagbabago sa pagkakalarawan ng pangyayari at sa posisyon ng mga taong sangkot, na nagdulot ng pagdududa sa katotohanan ng salaysay.


Dahil dito, matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si ka-Vina, sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Atty. Karl Benjamin R. Fajardo, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ng tagausig ay hindi kapani-paniwala, at walang sapat na ebidensya upang patunayan ang pagkakasala o ang ugnayan ni ka-Vina sa krimen.


Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si ka-Vina. Pinag-aralan ng hukuman ang kabuuang ebidensya ng tagausig at napag-alamang nabigo itong patunayan ang conspiracy na siyang buod ng akusasyon. 

Ang simpleng presensya ni ka-Vina sa lugar ng krimen ay hindi sapat upang ipalagay na siya ay kasabwat ni Joker o may iisang layuning pumatay.


Wala ring matibay na ebidensyang nagpapakita ng qualifying circumstances gaya ng treachery o evident premeditation upang maitaguyod ang murder. Dahil dito, hindi rin napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa ang mismong elemento ng nasabing krimen.


Tulad ng pinagtibay sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011], sa panulat ni Mahistrado Antonio M. Abad), “The successful prosecution of a criminal case rests heavily on the clear identification of the offender.”


Sa kasong ito, ang pagkakakilanlan ay nababalot ng alinlangan. Binigyang-diin ng hukuman ang prinsipyo sa Article III, Section 14(2) ng 1987 Konstitusyon: 

“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


At dahil nabigo ang estado na patunayan ang kasalanan nang lampas sa makatuwirang pagdududa, pinili ng hukuman ang landas ng katarungan — ang pagpapawalang-sala.

Ang kasong ito ay isa na namang paalala na ang hustisya ay hindi nasusukat sa sigaw ng paghihiganti o sa tsismis ng paligid, kundi sa bigat ng katibayan sa mata ng batas. Sa gitna ng pag-ibig at paninibugho, nanaig ang katotohanang walang dapat mabilanggo kung ang batayan ay duda. 


Habang nakalaya si ka-Vina mula sa bigat ng paratang, nananatili namang nakabukas ang kaso “without prejudice” sa pag-aresto at paglilitis kay Joker, na hanggang ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.


At sa katahimikan ng gabi sa Purok Mahayag, tila maririnig pa rin ang daing mula sa hukay — isang paalala na sa bawat paglaya ng walang sala, may nanatiling sugat na naghihintay ng hustisyang ganap. Ang hustisyang ganap ang katarungang hanap.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 10, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #372



Noong gabi ng Marso 30, 2017, sa payapang Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, isang sigaw ng kaguluhan ang bumasag sa katahimikan ng gabi.


Si Edgar, hindi niya tunay na pangalan, ay duguang natagpuang nakahandusay matapos umanong saksakin ng isang lalaking kilala lamang bilang alyas “Bogart.” Ngunit sa pagdaan ng mga taon ng paglilitis, isang tanong ang lumutang, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan na si Bogart nga ang salarin?


Sa kasong People of the Philippines v. Sinaya (Crim. Case No. 00236-17-xxx), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Honorable Judge Catherine A. Velasco-Supeda, 24 Hulyo 2023, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ba ng tagausig ay sapat upang magpatunay prima facie ng kasalanan ni Bogart, o kung ang alinlangan ay dapat magbunga ng kanyang pagpapawalang-sala.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.


Ayon sa impormasyon na isinampa noong Abril 28, 2017, bandang alas-10:00 ng gabi ng Marso 30, 2017, sa Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, umano’y sinaksak ni Bogart si Edgar, edad 55, gamit ang patalim, na may intensyong pumatay at sa paraan umano ay may pagtataksil (treachery). Tinamaan ng saksak si Edgar sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.


Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig ang salaysay o Complaint-Affidavit ni Tata Eta, ina ng biktima, ngunit tinanggap ng magkabilang panig na wala siyang personal na kaalaman sa pangyayari bago ang alas-10:00 ng gabing iyon. 


Ang pangunahing testigo ay si Rogelio, pamangkin ng biktima, na tumestigo na nakita umano niya ang aktuwal na pananaksak ni Bogart kay Edgar.


Ngunit nang suriin ng hukuman ang kabuuan ng kanyang salaysay, lumitaw na malalim ang pagkakaiba ng kanyang mga pahayag sa sinumpaang salaysay at sa kanyang testimonya sa hukuman. 


Sa bago niyang pahayag, iginiit ni Rogelio na nasa barangay hall siya noong gabi ng insidente bilang tanod at nakarinig lamang siya ng sigawan. Doon niya umano narinig ang tinig ni Edgar na humihingi ng tulong, at nang tumakbo siya papunta sa pinangyarihan, duguan na ang kanyang tiyuhin. Ngunit sa kanyang affidavit o sinumpaang salaysay, sinabi niya namang kasama niya si Edgar pauwi mula sa barangay hall nang marinig nila ang kaguluhan sa bahay ni Berna, at doon diumano niya mismong nakita na sinaksak ni Bogart ang biktima.


Matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si Bogart, sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Karl Benjamin R. Fajardo ng PAO-Sarangani District Office, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure, na nagtatakda na maaaring ibasura ng hukuman ang kaso kung ang ebidensya ng tagausig ay hindi sapat upang magtaguyod ng prima facie case laban sa akusado.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ay hindi kapani-paniwala at walang ibang independiyenteng patunay na nag-uugnay kay Bogart sa krimen.

Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Bogart.


Ayon sa hukuman, upang mapatunayan ang krimeng murder, kailangan merong: (1) isang taong napatay; (2) ang akusado ang pumatay; (3) ang pagpatay ay may kasamang kuwalipikadong sirkumstansya gaya ng pagtataksil; at (4) ito ay hindi parricide o infanticide. 


Sa kasong ito, bagaman napatunayan ang unang rekisito, nabigo naman ang tagausig sa ikalawa at ikatlong rekisito sapagkat walang moral na katiyakan na si Bogart nga ang pumatay, at hindi rin naitaguyod ang pagtataksil o treachery. 


Ayon sa jurisprudence, ang treachery ay hindi maaaring ipagpalagay kung ang akusado ay hindi nagpakita ng anumang paghahanda upang siguraduhing walang pagkakataon ang biktima na lumaban o tumakas.


Tinukoy ng hukuman na ang pagbabago ng salaysay ni Rogelio tungkol sa lugar, oras, at paraan ng pagpatay ay sumisira sa kabuuan ng kanyang patotoo. Hindi ito maaaring ipalusot bilang pagkalimot; ito ay nagpapatunay ng kawalan ng katiyakan sa pinakamahalagang bahagi ng kaso — ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sa kasong People v. Lumikid (G.R. No. 242695, 23 Hunyo 2020), binigyang-diin ng Korte Suprema na, “Inconsistent statements cannot be dismissed as inconsequential because they go into the very identification of the perpetrator of the crime.” 


Samantala, sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011]), ipinahayag na ang

matagumpay na pag-uusig ay nakasalalay sa tiyak na pagkakakilanlan ng salarin, at ang presumption of innocence ay hindi mawawasak ng isang pagkakakilanlan na puno ng alinlangan.


Binigyang-diin ng hukuman ang probisyon ng ating Saligang Batas, malinaw ang nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 14(2) ng 1987 Konstitusyon:


“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


Kalakip nito, sinipi rin ang Rule 133, Section 2 ng Rules on Evidence, na nagtuturo na ang “proof beyond reasonable doubt does not mean absolute certainty, but moral certainty which produces conviction in an unprejudiced mind.” 


Sa kabiguan ng tagausig na makamit ang antas ng katibayan na ito, ang akusado ay nararapat na mapawalang-sala.


Matapos suriin ang lahat, pinagtibay ng hukuman na walang sapat na ebidensyang nagpapatunay ng kasalanan ni Bogart. 


Ang Demurrer to Evidence ay iginawad, at ang kaso ay ibinasura dahil sa insufficiency of evidence. Iniutos ang kanyang agarang paglaya maliban na lamang kung may iba pang kaso na dahilan ng kanyang pagkakakulong.


Ang kaso ni Bogart ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa batayang alinlangan o pangalawang salaysay. Ang tungkulin ng pagpapatunay ay laging nasa estado at ang akusado ay hindi pinipilit na patunayan ang sariling kawalang-sala.


Sa huli, nanaig ang batayang prinsipyo — “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.” Sa harap ng kawalan ng tiyak na katibayan, ang hukuman ay pinili ang landas ng katarungan — ang landas ng pagdududa na nagbubunga ng kalayaan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 2, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #371



Noong gabi ng Hunyo 22, 2021, sa payapang Brgy. Rio del Pilar sa bayan ng Glan, Sarangani, nabasag ang katahimikan at napalitan ng galit at takot. 


Isang lalaki na itago na lamang natin sa pangalang “Rjay,” ang humarap sa kanyang lasing na kapitbahay, na tawagin natin sa pangalang “Dindo” — at nauwi ito sa kamatayan ng huli. Ngunit sa harap ng batas, ang mahalagang katanungan: ito ba ay isang sinadyang pagpatay, o isang desperadong pagtatanggol sa sarili?


Sa kasong People v. Bantillok (Criminal Case No. 02429-xx, Regional Trial Court, Branch 38, Alabel, Sarangani, 25 Abril 2025, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Precious Aurea L. Pojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Dindo — hindi niya tunay na pangalan, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Rjay,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala sa kasong Homicide, kaugnay ng naturang insidente.

Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang tanong: sapat ba ang ipinakitang ebidensya upang idiin si alyas Rjay sa pagkamatay ni Dindo?


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay ayon sa paglalahad ng hukuman. 


Ayon sa Information na isinampa, dakong alas-9:30 ng gabi noong Hunyo 22, 2021, sa Purok Bilvisma, Brgy. Rio del Pilar, Glan, Sarangani, si alyas Rjay ay kinasuhan ng Homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code. Ayon sa tagausig, armado ng bolo, sinadyang atakihin at tinaga sa batok si Dindo, dahilan ng kanyang agarang kamatayan.


Ngunit ayon sa depensa, hindi iyon isang krimen — kundi isang likas na tugon ng isang taong binantaang papatayin sa mismong tapat ng kanyang pintuan.

Batay sa mga salaysay ng mga saksi, kabilang sina Mariz, mga pulis na rumesponde, at Angel, binuo ng hukuman ang larawan ng gabing iyon.


Ayon sa mga pangyayaring inilahad ng hukuman batay sa mga salaysay ng mga saksi, lasing si Dindo nang dumating sa bahay ni Angel. Nakahubad maliban sa kanyang brief at may hawak na dalawang bolo — isa sa bawat kamay. Malakas siyang sumigaw sa labas ng bahay ni Rjay ng, “Rjay, gawas dira kay patyon taka!” (Rjay, lumabas ka r’yan dahil papatayin kita!)


Lumabas si Rjay at ipinaliwanag na hindi pa niya kayang magbayad ng utang. Ngunit sa halip na makinig, itinapon ni Dindo ang isa sa mga bolo sa kanya at agad siyang sinugod. Dahil sa matinding takot, pinulot ni Rjay ang bolong itinapon at ginamit ito upang ipagtanggol ang sarili. Sa kaguluhan ng pagtatalo, isang taga sa batok ang tumapos sa buhay ni Dindo.


Hindi tumakas si Rjay matapos ang insidente. Sa halip, nanatili siya sa bahay ni Angel at kusa siyang sumuko sa mga pulis nang dumating ang mga otoridad.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan, na si Atty. Janet B. Jamerlan, Public Attorney II, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Rjay.


Sa kasong ito, aminado si Rjay na siya ang nakapatay, ngunit iginiit niyang ito ay bunga ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Hinggil dito, ang naging pangunahing tanong sa korte, naitaguyod ba ni Rjay ang tatlong rekisito ng self-defense?


Ayon sa hukuman, ang tatlong rekisito ng self-defense ay ang mga sumusunod:

  • Merong unlawful aggression sa panig ng biktima

  • Merong reasonable necessity sa ginamit na paraan ng depensa

  • Walang sapat na provocation mula sa akusado


Una, ayon sa korte ay merong Unlawful Aggression. Dito, walang alinlangan na si Dindo, lasing, armado, at galit ay nagsagawa ng aktuwal at kasalukuyang agresyon. 


Batay sa kasong People v. Endaya (G.R. No. 225745, 28 Pebrero 2018), ang unlawful aggression ay kailangang tunay at kasalukuyang nagbabanta sa buhay. 


Sa kasong ito, nakita ng hukuman na ang pananakot ni Dindo habang may hawak na dalawang bolo ay hindi maituturing na kathang-isip sapagkat ito’y tunay at agarang panganib.


Pangalawa, merong reasonable necessity sa ginamit na paraan. Tinukoy ng korte na makatuwiran ang ginamit na paraan ni Rjay. Siya ay walang armas nang una siyang harapin ni Dindo, at sa gitna ng biglang pag-atake ay pinulot lamang niya ang bolo na itinapon sa kanya.


Sa mga salita ng Korte Suprema sa People v. Lara at People v. Camillo (G.R. No. 260353, 08 Pebrero 2023), “ang taong kaharap ang agarang panganib ay hindi inaasahang mag-isip nang kalmado at magtimbang ng eksaktong proporsyon ng depensa.” Hinggil dito, hindi maaaring sabihing sobra ang ginawa ni Rjay, sapagkat kung hindi niya ginawa iyon, maaaring siya ang naging bangkay kinabukasan.


At panghuli, walang sapat na probokasyon. Ayon sa hukuman, walang ebidensya na si Rjay ang unang nanghamon. Sa katunayan, malinaw na si Dindo ang nagtungo sa bahay ni Angel at siya ang unang nagbanta.Alinsunod sa People v. Naborra (binanggit sa People v. Pableo, G.R. No. 229349, 29 January 2020), ang provocation ay dapat malinaw at sapat upang udyukan ang paggawa ng krimen. Dito, malinaw na kabaligtaran ang nangyari, si Dindo ang nag-umpisa ng gulo, habang si Rjay ay tahimik na nagtatanggol ng sarili.


Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat ng ebidensya, malinaw sa hukuman na napatunayan ni Rjay ang tatlong rekisito ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Kaya naman ayon sa hatol ng korte:


“Self-defense is a justifying circumstance that relieves the accused of criminal and civil liabilities… Hence, although Rjay killed Dindo, his act did not violate the law.”


Bunsod nito, pinawalang-sala si Rjay sa kasong Homicide sa bisa ng justifying circumstance na self-defense.


Sa likod ng kasong ito, muling ipinapaalala ng batas ang kanyang kahalagahan — na sa kabila ng dugo at trahedya, nananatili ang prinsipyo ng presumption of innocence at karapatang ipagtanggol ang sarili.Sa madaling salita, hindi lahat ng pagpatay ay bunga ng kasamaan; may mga pagkakataon na ito ay bunga ng likas na hangaring ipagtanggol ang sarili at mabuhay.


Tulad ng sinabi ng hukuman, hindi makatarungang asahan ang kalmadong pag-iisip mula sa isang taong nilalapitan ng kamatayan.


Tulad ng madalas nating banggitin, habang ipinagdarasal natin ang kaluluwa ni Dindo at ang paghilom ng sugat ng kalooban ng kanyang pamilya, nawa’y magsilbi itong paalala na sa bawat kasong dinidinig ay may kuwento ng takot, pagtatanggol, at paghahanap ng hustisya.


Sa ilalim ng batas, may puwang pa rin para sa makatuwirang pagtatanggol — at sa pagkakataong ito, ang batas mismo ang naging sandigan ng isang inosenteng nagtanggol ng kanyang buhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page