ni Beth Gelena @Bulgary | February 23, 2026

Photo: Robin Padilla / FB
Usap-usapang tatakbo umanong bise- presidente si Robin Padilla bilang running mate ni Vice-President (VP) Sara Duterte sa 2028 kung may order umano ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni VP Sara.
Sinabi na ni Padilla na sina Sara at Sen. Imee Marcos ang magandang tandem sa 2028 elections.
Pero handa raw siya sakaling may utos si Digong na tumakbo siya sa mas mataas na posisyon.
Ani ng mister ni Mariel Rodriguez, “Eh, ‘pag utos ni Digong, walang puwedeng mag-utos sa akin kahit sino, si Digong lang. Kasi ayaw ko talaga ng pulitika. Alam naman ng pamilya ko ‘yan. Basta sinabi ni Digong, susunod ako. Kasi kaya naman ako nandito, dahil sa kanya.”
Pag-amin pa niya, “Ipinanganak tayong ready. Para sa akin, vice-president, ‘di naman masyadong ano ‘yan, puro advocacy lang ‘yan. Parang spare tire, kayang-kaya ‘yan. Ang Duterte kasi, ideology ‘yan. Pagbabago, ‘yan talaga.”
Ang panayam na ito ay lumabas sa ABS-CBN News.
Wika pa ng aktor-pulitiko, “Sa akin naman, wala na akong katulad kay VP Inday. Wala na rin akong maiisip na ibabato sa akin dahil naibato na lahat. Ex-con, bobo, t*nga, babaero, lahat na. ‘Di naman ako balat-sibuyas. Kung ganyan talaga ang pulitika natin, tatanggapin natin ‘yan. Pero ang usapin d’yan, ayoko talaga.
“Pinagbigyan ko lang si Tatay Digong na maging senador. Pero ‘di dahil sa bashing, nababagalan talaga ako sa takbo ng ating gobyerno. Pero kung utos ni Digong, wala akong magagawa.
“Kung pag-uusapan kung sino dapat ang mauna, dapat mauna si Manang Imee, si Sen. Alan Cayetano, Sen. Bong Go, Sen. Bato dela Rosa, kasi sila ang mga senior.
“Sino naman ang ‘di maliligayahan ‘pag itinutulak ka ng iba? Ganyan din ang ginawa sa akin ni Digong. ‘Di naman ako pulitiko talaga. S’ya ang nagsabi sa akin na pumasok sa pulitika dahil ayaw ko talaga nito.
“Pero ang reyalidad n’yan, may sinusunod na hierarchy. Bago mapunta sa akin, uunahin natin ang mga tunay na pulitiko.
“May sinusundan ang Duterte supporters at loyalists ni Duterte. Para sa akin, ang pinaka-senior d’yan ay si Manang Imee. Noong nanalo si Digong, ang unang sinabi n’ya ay gusto n’yang magkaisa ang mga Pilipino, kaya n’ya ipinalibing si Marcos, Sr. para matapos ang hidwaan. Sumusunod lang ako doon.”
Pag-amin pa niya, “Buong pamilya ko, Duterte talaga. Nangampanya kami kay Digong nang wala kaming hiningi kahit ano. Kami pa ang gumastos. Naniniwala talaga ako kay Inday Sara at kung sino man ang pipiliin ni Digong na maging vice-president n’ya, ako ay 100 percent na tutulong.”
Pero naguguluhan ang mga followers ni Sen. Robin Padilla dahil sa panayam naman ng Inquirer sa kanya, aniya
“I have no plan to run for Vice-President — Robin.”
Ano ba talaga, Binoe? Just asking…
Nagbigay ng babala si Kylie Padilla tungkol sa mga pekeng quotes na iniuugnay sa kanya.
Ayon sa aktres, karamihan sa mga nilalamang ibinabahagi ay hindi tugma sa kanyang mga tunay na karanasan.
Isa na rito ang sinabi umano niyang hindi dapat tawaging “asawa” kapag ‘di kasal na tipong patutsada raw kay AJ Raval na karelasyon ngayon ni Aljur Abrenica.
Hinimok ni Kylie ang mga netizens na beripikahin muna ang mga impormasyon at huwag agad maniwala o magbabahagi ng nilalaman sa social media.
“Mula sa mga larawang AI hanggang sa mga pekeng quotes na ‘di ko talaga sinabi na kumakalat online,” pagdidiin ng Kapuso actress.
Dagdag pa niya, “Medyo nakakatakot, ah. Dami kong nakikita na fake at ‘di naman totoo at never kong sinabi.”
Tinapos niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing “Mag-ingat kayo sa nakikita ninyo online. ‘Di lahat ay totoo. ‘Wag ninyong paniwalaan ang lahat ng inyong nakikita at nababasa.”


