ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2025
Photo: Alas Pilipinas via Dominic Santos / Marish Rivera - Bulgar Sports Courtside Report
Nagtala ang Alas Pilipinas ng matinding panalo kontra Jakarta Bhayangkara Presisi upang simulant ng positibo ang Alas Invitationals Martes sa Araneta Coliseum.
Natapos ang hampasan sa 25-23, 27-29, 25-21 at 25-22. Nalampasan ng mga Pinoy ang huling banta ng mga Indones, 19-21, para kunin ang unang set at nagdulot ito ng positibong enerhiya. Kahit ibinigay ang pangalawang set, humabol ang Alas buhat sa 18-21 subalit nanaig ang Jakarta sa unahan lumamang ng dalawang puntos.
Kumapit ng husto para kunin ang huling dalawang set. Muntikan na ang pangatlong set kung saan inaksaya ng mga Pinoy ang 21-14 lamang bago isara ito sa 25-21. Namuno sa buwenamanong panalo si Louie Ramirez na may 25 puntos mula sa 21 atake at tatlong block. Sumuporta si Steven Rotter na may 14 at Michaelo Buddin na may 11.
Nagtala ng 20 para sa Jakarta si outside hitter Agil Angga Anggara. Nag-ambag ng 15 si Mahendra Arjuna habang 12 si Rendy Febriant Tamamilang. Susunod para sa Alas ang Hyundai Capital Skywalkers ng Timog Korea. Galing ang mga Koreano sa 22-25, 26-24, 19-25 at 21-25 talo sa pambansang koponan ng Thailand.










