top of page
Search
  • Gerard Arce

7-man Boxing Team, kondisyon na sa Asia Olympic Qualifying


Handang-handa na ang 7-man National Boxing Team para sa nalalapit na pagsabak sa Asia-Oceania Continental Olympic Qualifying Tournament sa Marso 3-11 sa Amman, Jordan

Patuloy pa ring dumaraan sa matinding pag-eensayo ang men’s at women’s national pugs sa isang pasilidad malapit sa Bangkok, Thailand na kinabibilangan nina AIBA women’s featherweight world champion Nesthy Petecio at world runner-up winner Felix Eumir Marcial, flyweight Carlo Paalam, bantamweight Ian Clark Bautista, light-welterweight James Palicte, Irish Magno at Riza Pasuit.

Kasama rin sa training camp sina dating world champion Josie Gabuco, 2016 Rio Olympics participant Rogen Ladon, 30th SEA Games silver medalist Marjon Pianar, mga coaches na sina Ronald Chavez, Roel Velasco Australian consultant Don Abett at mga support staff.

Ayon kay Chavez, naging maayos ang preparasyon at paghahanda ng buong koponan na tiyak na nilaanan nila nang husto para sa Olympic Qualifying upang makakuha ng silya sa 2020 Summer Olympics na gaganapin simula Hulyo 26-Agosto 9 sa Tokyo Japan. “Maganda naman lahat ang kinalalabasan ng preparation nila. Maganda na ang kinikilos at ready na po kami sa qualifying,” wika ni Chavez sa panayam ng BULGAR sa messenger. ”Mayroong last three (3) sparring na lang po kami bukas (Sunday), Monday at Tuesday. Bale sa Wednesday balik na kami ng Pilipinas,” dagdag ni Chavez na nakikipaglaro umano ang National Team sa Thai boxers na pawang sasabak din sa Qlympic Qualifying tourney.

Nakatakdang bumalik ng bansa ang mga national boxers sa Miyerkules (Peb. 26), at maghahandang lumipad ang mga ito patungong Middle East sa Biyernes (Peb. 28).

Idinagdag pa ni Chavez na malaking tulong para sa national boxers na makakumpleto ng dalawang training camp sa Thailand, noong una ay nu’ng Enero at sinundan nitong Pebrero. Nakuha na raw ng mga national boxers ang kanilang kondisyon at unti-unti na lamang nag-iingat upang makaiwas sa injury. “Mas maganda ngayon kasi nakadalawang camp kami at maraming nakaka-sparring na mga bata. Sa ngayon fit na sila at iniingatan lang natin na hindi magkaroon ng injury,” pahayag ng 50-anyos na retired boxer na sumabak sa 1992 Barcelona Olympics sa lightweight division kung saan umabot siya sa quarterfinals.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page