top of page
Search
  • BULGAR

Tawa, pananampalataya at pag-asa sa gitna ng mapait na trahedya

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 20, 2024





MAHIRAP makilala agad ang lahat ng mga parokyano sa isang parokya. 


Maski sa daan lang ang dami ng parokyano, panahon din ang kailangan upang makilala nang husto ang lahat ng parokyano. Malungkot lang na hindi ko pa nakikilala ang mga parokyano at meron nang mga kaso ng naghihingalo o nag-aagaw-buhay at malapit nang sumakabilang buhay. 


Mag-iisang buwan nang dalawin ko si Tita Vicky sa ospital na hindi na maganda ang kanyang kalagayan. Hirap nang huminga kaya’t tinubuhan (intubate) ang matanda.


Naroroon sa ospital ang pamangkin ni Tita Vicky na anak ng kanyang kapatid na babae, na nagpakilala sa akin na si Ron. 


Noon pa ay ikinuwento na ni Ron ang mabigat na karanasan niya nang siya’y binatilyo pa. Paakyat ng Baguio ang buong pamilya ni Ron, sa bandang Pozorrubio, La Union, sa zigzag ng Kenon Road, nagkabanggaan ang dalawang sasakyan at halos lahat ng sakay sa kotse nina Ron ang namatay. 


Namatay ang kanyang tatay, nanay at dalawang kapatid. Buhay si Ron, ngunit nagkabali-bali ang kanyang mga kasu-kasuan. Habang nagpapagaling si Ron, naiburol at nailibing na ang kanyang buong pamilya.


Nang mag-aapatnapung araw na makaraan ang trahedya ng pagkawala ng buong pamilya ni Ron, naatasan ng buong angkan ni Ron ang kanyang Tita Vicky na sabihin sa binatilyo ang mapait na katotohanan. Hindi nakayang sabihan ni Tita Vicky ang kanyang pamangkin, kaya ibang kamag-anak ang nagsabi kay Ron na wala na ang kanyang buong pamilya, at siya lang ang natira.


Walang ibang naisagot si Ron kundi, “Bad trip naman!” Umiyak ang binatilyo at mula noon nagsimula na ang mapait na kalbaryo na pagharap at pagtanggap sa trahedya.


Doon, unti-unting nadiskubre ni Ron ang kakaibang pamamaraan ng paghihilom sa mapait na trahedya. Tawa, panalangin at ang bunga nitong pag-asa ang natuklasan ni Ron na tatlong pamamaraan ng paghihilom ng kanyang mga sugat. At habang unti-unting natututunan ni Ron na harapin at tanggapin ang mapait na trahedya, natuklasan din niya ang kagandahan ng pagsusulat.


Natapos ang pagpapagaling ni Ron. Lumipas ang halos dalawang dekada. Lumaki si Ron sa kanyang Tita Vicky hanggang sa naisipan nitong kausapin ang kanyang tiyuhing si Jose Mario Bautista Maximiano. Ipinakita rin ni Ron sa kanyang tiyuhin ang manuskrito ng kanyang isinulat. Nagulat na lang ang tiyuhin ng bata at nasabing, “This will be a good book. I will help you to write it.”


Ganoon nga ang nangyari at noong bandang 2022, nailimbag ang aklat ni Ron Magsakay na “I Got Humor.”


Mahigit isang buwan makaraan kong dalawin at basbasan ang nag-aagaw-buhay na Tita Vicky, namayapa na rin ito. Noong nakaraang Miyerkules, napakiusapan ako ng pamilya ni Tita Vicky na mag-alay ng misa para sa kanyang kaluluwa. At doon sa misa ko pinagbahagi si Ron tungkol sa kanyang Tita Vicky. Ito ang kanyang ibinahagi: “Salamat sa dalawang kapatid ng aking ina, na sina Tita Lydia, lalo na si Tita Vicky, nakaahon ako sa mapait na kumunoy ng pagkawala. At mula noon natutunan ko ring tumulong sa napakaraming dumaraan sa mapait na pagkawala ng mahal sa buhay. At mula sa libro, nabuo ko ang limang minutong “stand up comedy” tungkol sa tawa, luha, pananampalataya at pag-asa ng buhay. At naikot ko na sa maraming mga paaralan upang ibahagi sa mga kabataan ang mabuting balita ng pag-asa.”


Hindi malungkot at mabigat ang misa para kay Tita Vicky. Napakaganda ng mga ibinahagi ng mga kamag-anak at kaibigan ni Tita Vicky. At ang pinakatampok sa lahat ng nagbahagi ay si Ron na larawan ng naging buhay ni Job sa Lumang Tipan. Nawala ang lahat-lahat kay Job, kalusugan, bahay, libong baka at tupa, pera, reputasyon. Sinabi ni Job nang nawala na ang lahat maliban sa kanyang buhay ang ganito: “Nagbibigay at bumabawi ang Diyos. Hubad akong dumating sa mundo, hubad naman akong babalik sa Ama.” -- Job 1:21. 


Sa sobrang lapit ni Job sa kanyang Panginoon, hindi nalunod sa kapighatian ang buhay nito. Ito ang istorya ng sinumang nasawi at nawalan ngunit natuklasan ang tunay na buhay. Ito ang istorya ni Ron, ang istorya ng nawalan ngunit humarap at tumanggap sa mapait na pagkawala. 


Sa iba’t ibang paraan, basta’t matutunan nating buong tapang at tiwalang pumasok sa pait at dilim ng kawalan, ating matutuklasan ang walang hanggang mayroon, ang Diyos ng buhay, paghihilom at pag-asa.


1 comment

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page