top of page
Search
  • BULGAR

Play safe sa franchise renewal ng ABS-CBN… CONG. ALFRED, TINAWAG NA WALANG 'BALLS'

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 13, 2020




Maraming nagulat sa hindi pagboto o pag-inhibit ni QC District 5 Representative Alfred Vargas sa franchise renewal ng ABS-CBN nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 10, dahil bukod sa isa siyang mambabatas ay isa rin siyang aktor at producer.


Inamin ni Congressman Alfred na ang ABS-CBN ang nakadiskubre sa kanya, partikular si Mr. Johnny Manahan. Kasama siya sa Star Circle Batch 10 noon at isinama siya sa programang Pangako sa ‘Yo bilang love triangle nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa.


Mas nakilala nang husto si Alfred nang lumipat siya sa GMA-7 at mapasama sa Encantadia (2005).


Ang katwiran ng kongresista, conflict of interest ang dahilan ng hindi niya pagboto.

“My heart goes to ABS-CBN, its employees, and other workers whose livelihood depends on the network.


“This representation, as an actor or producer, has been engaged for projects with the network. Thus, out of propriety and as dictated by law, I am duty bound to inhibit myself from voting on the application for franchise renewal,” pahayag ni Cong. Alfred.


Ang katwiran sa amin ng mga nakausap naming sumubaybay sa franchise hearings ng ABS-CBN sa Kamara, “Ano'ng katwiran ‘yun? Wala siyang paninindigan. Mas okay pa sana na bumoto siya ng YES, at least may stand siya kung ayaw niyang pumabor sa bagong prangkisa. Mas papalakpakan ko pa ‘yung 70 na hindi pumabor sa ABS kesa sa kanya (Alfred).”


Pahabol pa, “Huling termino na pala niya bilang kongresista. Sana man lang, nag-iwan siya ng impresyon sa kapwa niya artista o nakasama niya sa industriya.”


Nabanggit pa na isang producer si Congressman Alfred at sana, naisip niya na hindi pa naman ito ang katapusan ng ABS-CBN dahil darating ang araw na baka kunin niya ang serbisyo ng mga artista ng Kapamilya Network sa mga pelikulang gagawin niya.


Bigla tuloy namin naalala ang pelikulang Tagpuan na entry sa 2020 Metro Manila Summer Film Festival na hindi lang natuloy dahil sa Covid-19 pandemic. Makakasama ni Alfred sina Iza Calzado at Shaina Magdayao na idinirek ni Mac Alejandre at si Ricky Lee ang sumulat ng script at produced ng Alternative Vision na pag-aari ng kongresista.


Tanda namin nu’ng huling makausap namin si Congressman Alfred Vargas sa mediacon ng Tagpuan sa Tipsy Pig Resto Bar sa Timog nu'ng March 9 ay sinabi niyang pabor siya sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN. Ano'ng nangyari? Bakit nabago ang desisyon niya?


Bukas ang pahinang ito para kay Quezon City 5th District Representative Alfred Vargas.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page