top of page
Search
  • BULGAR

Pitong taon, pitong buhay, pitong pangako

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 25, 2024


Pitong taon na nitong Sabado mula nang arestuhin si dating Senadora Leila De Lima sa Senado. Hindi malilimutan ng butihing senadora ang araw ng Pebrero 24, 2017. Naroroon na tayo bago pa mag-alas-4 ng umaga. Ito ang pakiusap ng senadora sa akin, kung maaari ko siyang samahan sa Kampo Crame sa kanyang unang araw ng pagiging person deprived of liberty o PDL. Mula noon hanggang ngayon, nagpatuloy ang pagsuporta at pagsubaybay natin sa senadora sampu ng ibang taong simbahan dahil malinaw na higit sa pagiging pulitikal ng isyu ng pag-aresto at pagkulong kay Leila, napakalinaw na isa rin itong malalim na usaping moral.


Sa loob ng mahigit na anim na taon at siyam na buwan ng pagkakakulong, naka-ilang dalaw na din kay Leila sina Obispo Soc Villegas at Obispo Ambo David. Ngunit, halos linggo-linggo kumpleto ang tatlong paring kaibigan at “spiritual advisers” sa pag-alay ng misa at panalangin para kay Leila. Salamat, Padre Albert Alejo Sj at Padre Flavie Villanueva SVD sa linggo- linggong pakikiisa sa mga misang naialay sa parokya ni Leila.


Sa loob ng halos pitong taon, pitong mahahalagang bahagi ng buhay ng senadora ang sinakripisyo niya.


Una, ang pag-alaga sa kanyang mahal na ina. Pangalawa, ang pag-uwi sa kanyang mga mahal na anak, kapatid at kamag-anak. Pangatlo, ang kanyang propesyon bilang abogado.


Pang-apat, ang kanyang malayang pagtupad ng tungkulin bilang nahalal na senadora.


Pang-lima, ang regular na pag-uwi sa kanyang mahal na bayan ng Iriga, lalo na tuwing Mahal na Araw at Pasko. Pang- anim, ang malayang pagtupad ng kanyang paninindigang ipagtanggol at itaguyod ang katarungan at ang dangal at karapatan ng bawat Pilipino.


Pampito, ang kanyang kalayaan bilang tao, mamamayan, mananampalataya, abogado lider ng oposisyon.


Hindi lang mahahalagang bahagi ng buhay sa loob ng pito taon ang nawala kay Leila, kundi mga mahahalagang sangkap ng kanyang dangal at kalayaan.


Sa kabila nito, kapansin-pansin ang walang sawang pagtupad at pagsasabuhay niya ng pitong paninindigan at pangako.


Una, ang pamamahayag ng katotohanan. Madalas sabihin ni Leila, na walang katotohanan ang mga paratang sa kanya at alam at tiyak niya na palalayain siya ng katotohanan.


Pangalawa, sa araw-araw na pagpatak ng dilim ay nag-iisa siya at natutunan niya ang magdasal lagi at makinig sa Diyos. Sinasabi ni Leila, na ang kanyang pananampalataya sa Diyos ang naging tunay niyang lakas. Pangatlo, ang pagtupad ng kanyang mandato bilang nahalal na senadora. Sa kabila ng rehas na bakal at mga guwardiya, tuluy-tuloy ang kanyang paglikha ng mga panukalang batas at mga naaangkop na katugunan sa mga maiinit na talakayan sa Senado.


Pang-apat, walang hupa o sawa at buong tapang ang kanyang pagbatikos, pagtugis sa taong dahilan ng libu-libong biktima ng extra-judicial killings (EJK). Panglima, sa kabila ng malinaw na panggigipit at panganib, hindi niya pinabayaang masira at manghina ang kanyang kamalayan, kalooban, diwa, pag-iisip at espiritu na lahat ay bahagi ng malusog na konsensya. Bagkus, lalo pa niya itong pinatalas,

pinalakas at inihanda sa mahaba pang pakikibaka laban sa katiwalian. Pang-anim, nanatiling buo, masaya, positibo at laging bukas sa paglago ang kanyang pagkatao.


Madalas kong marinig ito kay Leila: “Hindi nila ako madudurog. They cannot destroy or crush me. I will survive.” Pampito, naaalala ko pa ang kuwento ni Leila noong siya ay na-hostage. Pagkaraan ng mahigit isang oras na nakaumang sa kanyang dibdib ang matalas na bakal na hawak ng kanyang “hostage taker” naabot na ni Leila ang punto ng pagsuko ng lahat sa Diyos. Naabot niya ang tunay

na kahandaang ialay ang kanyang buhay.


Naalala ko ang sinabi ng matapang na mamamahayag na Russo na lumaban kay Russian Pres. Vladimir Putin na namatay kamakailan. Ayon kay Alexei Navalny, ‘hindi niya nais isuko ang kanyang bansa o ang kanyang paniniwala. Hindi niya kayang pagtaksilan ang una, ni ang pangalawa’.


Ngayon ang ika-tatlumpu’t walong taong anibersaryo ng EDSA Uno na bunga ng pagkamatay ni Ninoy Aquino na nagsabing, “The Filipino is worth dying for.” Para sa yumaong senador karapat-dapat ialay ang kanyang buhay para sa mga mahal na kababayan.


Bagama’t buhay at malaya na si Leila ngayon, hindi nalalayo ang kanyang buhay kina Ninoy o Navalny. Hindi madaling gawin ito lalo na kung totoo ang panganib o banta sa iyong buhay. Subalit, malinaw kung saan nanggaling ang lakas at tapang ng desisyon at kahandaang ialay ang buhay para sa nagdurusang bayan at mga kababayan.


Totoong mahal nina Ninoy at Navalny ang kanilang bayan, ganu’n din si Leila.


Hindi lang sila ang inagawan ng kalayaan at ng normal na buhay. Dahil sa pagbawi sa mga karapatan at kalayaan, lalo namang luminaw, lumakas ang pananagutan, paninindigan at pangakong ibigay ang lahat-lahat sa mga kababayan at mahal na Inang Bayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page