top of page
Search
  • BULGAR

‘Pinas, malabong mapabilang sa mga bansang unang makarerekober sa krisis

ni Ka Ambo - @Bistado | August 12, 2020



Lahat ng eksperto ay nagsasabing babagsak nang todo ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2020.


Siyempre, may ibang bansa ba na uunlad?


◘◘◘


Ang usapan ay hindi ang pagbagsak, bagkus ay kung aling bansa ang unang makarerekober.


Sa kaso ng ‘Pinas, patuloy ito sa pagsubsob!


◘◘◘


Malinaw na inaamin ni P-Digong na wala nang available cash ang gobyerno.


Walang maiaayuda sa mga biktima ng lockdown!


◘◘◘


Kung walang cash ang gobyerno ngayon, ano ang kasunod na mensahe sa susunod na mga araw?


Government shutdown?


◘◘◘


Hindi lang sa Pilipinas, dumarami ang nagkaka-COVID-19, nararanasan din ito ng ibang bansa.


‘Yan na mismo ang second wave!


◘◘◘


Iisa lang ang malinaw na solusyon sa lahat ng ito.


Ideklara ang Martial Law sa loob ng 30-araw.


Katumbas ito ng dalawang “15-day quarantine period”.


Tapos ang problema!


◘◘◘


Imposible na may mamatay sa gutom kapag nasa loob ng sariling tahanan ang buong pamilya sa loob ng isang buwan.


Mayroon naman silang kapitbahay at gobyerno na madadaingan!


◘◘◘


Dapat nating maunawaan na ang mga mangingisda na napalaot at nagpapalutang-lutang sa gitna ng dagat matapos mawasak ang bangka—ay nabubuhay nang higit sa 30-araw nang walang pagkain at tubig.


Ang quarantine area ay wala sa gitna ng dagat.


Kayo ay nasa loob ng sariling tahanan at kasama ang mga mahal sa buhay!


◘◘◘


Naalala ko ang kumpare kong si Boy na 64-anyos na ginawa kong katiwala na imbes na manatili sa aming bahay sa Pasay ay nagpumilit umuwi sa gitna ng hard lockdown.


Napilitan akong umarkila ng pribadong sasakyan para ibalik sa Balagtas, Bulacan.


Sabi kasi niya sa akin: “Di bale na akong mamamatay, basta’t kasama ko ang aking mga anak”.


◘◘◘


Para saan ba ang buhay?


At bakit ka ba nabubuhay?


Para ba sa ibang tao, para ba sa gobyernong pinatatakbo ng mga magnanakaw?


O ikaw ay nabubuhay para sa iyong mga minamahal sa buhay?


May hangganan ang buhay, nagkakaiba-iba lang ‘yan kung sino ang kasama mo sa huling yugto ng iyong hininga!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page