top of page
Search
  • BULGAR

Parang walang COVID-19 sa grabeng trapik!

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | July 12, 2020



Noong Miyerkules, nagbigay tayo ng dalawang tanong sa ilang mga parokyano upang pulsuhan ang kanilang isip at damdamin. Ganito ang dalawang tanong: maliban sa sakit na nakahahawa at mapanganib, ano sa tingin ninyo ang nangyayari sa mundo at sa bawat nilalang na nabubuhay dito? Pangalawa, ano sa tingin ninyo ang sinasabi ng Diyos at nais gawin ng Diyos sa mundo at sa bawat nilalang na nabubuhay dito?


Kapag tiningnan natin ang nangyayari sa paligid, maliban sa karamihang nagsusuot ng facemask, tila wala namang nagbago at pilit pa rin ng karamihan ang “dating normal”. Ibinabalik ang iba’t ibang kompetisyon sa sport, lalo na ang paghahanda ng mga atleta para sa nalalapit nang 2021 Olympics sa Tokyo. At kung masusubukan ninyong pumunta sa EDSA, Quezon Ave., E. Rodriguez o Avenida, maliban sa mga dyip na hindi pa lubos na pinahihintulutang magbalik-pasada, punong-puno at nagsisiksikan na naman ang mga pribadong sasakyan — matindi na ulit ang trapik kahit saan na parang walang COVID-19 sa bansa.


Samantala, pagdating naman sa paniningil ng kuryente, tubig o gasolina, parang walang pandemyang nangyari. Napakaraming umaaray sa taas ng electric at water bill. Hindi bale sana kung walang krisis, kahit papaano ay may pambayad pa pero ngayon ay napakaraming nawalan ng pinagkakakitaan — parang wala namang konsiderasyon.


Gayunman, balikan natin ang kasagutan sa dalawang tanong: Ano sa tingin mo ang nangyayari sa mundo, maliban sa pandemya at ano sa tingin mo ang nais ipagawa sa atin ng Diyos?


Ang kasagutan ng ilan, “Sa pangkalahatan, lahat ay nakararanas ng financial crisis dahil sa pandemya. Kinakausap tayo ng Diyos sa gitna ng pang-aabuso ng mga nagkakamal ng salapi at mali ang paggamit ng kapangyarihan. Nais ng Diyos na mabuhay nang simple at sama-sama ang mga pamilya.”


Mayroon ding sumagot ng, “Nagkakainggitan ang mga makapangyarihang bansa.” “Nais ng Diyos na huwag tayong mawalan ng pag-asa.”


Ani naman ng iba, “Nakalimot na ang tao sa kalikasan, nakalimot nang magtanim at naging marumi na ang hangin dahil sa sari-saring usok at duming kumakalat sa kapaligiran na siyang pinagmumulan ng sakit, tulad ng COVID-19.” “Gusto ng Diyos ay magbalik-loob tayo sa Kanya at matuto tayong magkaisa, maglingkod sa simbahan at magdasal.”


Nabanggit ang “financial crisis”, ngunit nabanggit din ang pagkalimot at pagpapabaya ng marami sa kalikasan. Nabanggit din ang labis na pagiging makasarili ng marami sa gitna ng pandemya. Ang nangyayari sa atin ay indikasyon na kailangan ng magbago ng lahat.


Nais ng Diyos na baguhin at maging matino ang lahat, subalit hindi ito ipipilit kaninuman. Sana ay makita natin ang Kanyang tunay na ginagawa sa pamamagitan ng COVID-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page