@Editorial | December 4, 2023
Hindi bababa sa apat katao ang nasawi habang mahigit 40 naman ang sugatan sa naganap na pagsabog sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Lungsod ng Marawi, kahapon.
Naganap ang pagsabog habang isinasagawa ang misa sa gymnasium ng unibersidad.
Inaalam pa ang posibleng motibo ng pagsabog at kung anong uri ng pampasabog ang ginamit.
Ito umano ang pinakamarahas na pag-atake na naitala sa lugar matapos ang Marawi siege.
Samantala, kaliwa’t kanan na ang pagkondena sa madugong insidente, kasabay ang panawagan sa mga otoridad na imbestigahan ang pangyayari at panagutin ang utak at mga sangkot dito.
Nakapanlulumo lalo na para sa pamilya ng mga biktima na sa isang iglap ay may mga buhay na nawala at nalagay sa alanganin ang iba.
Ang panawagang mas mahigpit na pagbabantay laban sa anumang banta ng karahasan ay hindi lang para sa Mindanao kundi sa buong bansa. Huwag nating hayaan na mamayagpag ang mga kriminal at makalusot ang mga terorista.
Kung kailangang mas higpitan ang mga lugar lalo na ang mga matatao, gawin na. Tyao namang mamamayan, mag-ingat, maging alerto at sumunod sa ipatutupad na utos na para rin sa kaligtasan ng lahat.
Umaasa tayo na hindi na mauulit ang nangyari sa Marawi.
Comentários