@Editorial | May 4, 2024
Muling nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga unconsolidated PUVs partikular na sa mga driver at operator na huwag nang ipilit ang pagpasada.
Ang pakiusap ay kasunod ng pagtatapos ng deadline para sa konsolidasyon ng PUVs sa bansa noong Abril 30, sa ilalim pa rin ng PUV Modernization Program ng gobyerno.
Bagama’t ituturing nang kolorum ang mga pampublikong sasakyan na hindi nag-consolidate, hindi pa rin naman daw sila huhulihin subalit bibigyan sila ng show cause order para magpaliwanag. Kapag hindi sumunod, saka lamang ire-revoke ang kanilang prangkisa.
Masasabing naging mahaba, kontrobersyal at masalimuot ang pagpapatupad ng PUVMP. Maraming nangyaring pagpalag at pag-uusap pero hanggang sa kasalukuyan ay may mga hindi pa rin napagkasunduan.
Sa kabila ng mas maraming sumunod o nagpa-consolidate, meron pa ring nagmamatigas, pumapasada at bahala na kung pagmultahin at ma-impound. Napag-alaman na nasa 10,000 jeep sa buong bansa ang ituturing bilang kolorum dahil sa hindi pagtalima sa consolidation deadline.
Kung naging mas malinaw sana ang pagpapaliwanag at nabigyan ng katiyakan ang mga tsuper at operator na hindi madedehado sa programa, ‘di na aabot sa kalituhan at gulo.
Sa ngayon, patuloy ang deliberasyon ng Korte Suprema sa petisyong temporary restraining order (TRO) ng ilang transport groups. Una nang pinagkokomento ng SC ang mga respondent kabilang ang DOTr at LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) na maghain ng kanilang tugon.
Sakali man na ‘di paboran ng Kataas-taasang Hukuman ang hirit na pigilan ang implementasyon ng PUVMP, sana ay mabigyan pa rin ng pagkakataon ang mga tsuper na magkaroon ng hanapbuhay.
Comments