top of page
Search
  • BULGAR

Mga Pinoy sa Sudan, tiyaking ligtas

@Editorial | July 11, 2023


Nagpapatuloy ang giyera sa Sudan at may mga Pilipino pa rin na naroon.


Kaugnay nito, inaayos na umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibleng mass repatriation.


Ito ay sa gitna na rin ng napaulat na looting o nakawan sa mga kabahayan.

Napag-alaman na nasa 110 Pinoy mula sa Khartoum ang tumawag na sa Philippine authorities para humiling ng tulong bagama’t hindi lahat ay nais umuwi sa bansa.

Ilan aniya sa dahilan ay hindi pa naibibigay ng kanilang employer ang kanilang back pay.


May mga napaulat din na 17 Pinoy ang stranded sa pantalan ng Sudan sa nakalipas na dalawang linggo habang naghihintay ng kanilang repatriation flight.

Bumabagsak na umano ang ekonomiya ng Sudan kaya pinapayuhan na rin ang mga Pinoy na umuwi na ng Pilipinas.

Batay sa datos, nasa 748 Pilipino na ang bumalik ng bansa para tumakas mula sa labanan habang nasa 200 pa ang nananatili sa Sudan.

Matatandaang kalagitnaan ng Abril nang sumiklab ang labanan sa Sudan sa pagitan nina Sudanese army chief Abdel Fattah al-Burhan at kanyang dating deputy na si Mohamed Hamdan Daglo, ang commander ng paramilitary Rapid Support Forces (RSF) na ikinasawi ng 3,000 katao habang milyun-milyong mamamayan na rin ang na-displace.


Sa pagkakataong ito, dapat nang mas bilisan ang kilos ng gobyerno para tuluyan nang mapauwi ang iba pang Pinoy na naiipit sa giyera. At sa atin namang mga kababayan na naroon, mas mainam na umuwi na at iligtas ang sarili at pamilya.


Marahil ang iba ay nais lang din makasiguro na magiging maayos ang kanilang pag-uwi, may mapapasukang trabaho o mabibigyan ng kabuhayan.


Kaya ito rin ang masasabing isa sa pinakamagandang maitutulong ng gobyerno, ang masuportahan ang mga Pinoy na nagbabalik-bansa. Hindi lang ang mga naiipit sa giyera kundi maging ang mga inaabuso ng amo o biglang nawalan ng trabaho abroad.


Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ang maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa panahon na wala nang mapipilitang magtrabaho sa ibang bansa.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page