top of page
Search
  • BULGAR

Makabuluhan ba ang pagpapalit ng pangalan ng NAIA sa gitna ng pandemya?

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | July 4, 2020



Taong 1983 nang una akong lumipad palabas ng bansa. Naalala ko pa ang mga naghatid sa aking mga kamag-anak, ka-parokya, kaibigan at mga kapanalig. Saan nila ako inihatid? Sa lumang paliparang pandaigdigang na noon’y may bagung-bagong pangalan — ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.


Halos isang buwan pa lamang nang paslangin si dating Sen. Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport. Nang paslangin siya noong ika-21 ng Agosto 1983, nakatakda na akong lumipad patungong Roma, Italy sa katapusan ng Setyembre 1983.


Ganon na lang ang sama ng loob natin nang malaman ang balita at tila nagising ang tumahimik, natakot at nakatagong kamalayang Pilipino. Sa dugo ng inosenteng martir ng katotohanan at katarungan nagising ang diwang inusig, dinuro, tinatakot at tinangkang kitlin ng marahas na diktadurang Marcos.


Nagising ang natakot, namanhid at nakalimot na kamalayang Pilipino. Dahil sa matinding takot, tuluyan nang nakalimutan ng marami kung sino sila bilang mga Pilipino. At dahil nakalimutan na nang marami kung sino sila, naging mahina ang pagkilatis at pag-unawa sa mga lihim o garapal na pagtapak sa kanilang dangal at karapatan ng isang mapang-api at mapagsamantalang pamahalaan. Kaya’t ganon na lang kahalaga ang alaala o ang memorya maging ng indibidwal at ng buong bansang binubuo ng lahat ng mamamayang Pilipino.


Sa simula pa lamang ng kasalukuyang administrasyon, mahigpit nang tinutulan ng marami ang paglilibing ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani. Paano mapapayagang ilibing ang isang umabuso, nanakit at hindi nagpakita ng tunay na pagmamahal sa kanyang mga kababayan at bansa? Ngunit sa kabila ng mga pagprotesta, inilibing nang walang sabi-sabi sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktdor. Dahil dito ay nabawasan ng kadakilaan at kabanalan ang mga katagang “Libingan ng mga Bayani”. Sapat nang ilibing kahit isang hindi karapat-dapat at lalabnaw na ang tunay na kabuluhan ng katagang “bayani”. Kaya’t maraming nagsabing palitan na lang ang pangalan ng sementeryo. Gawin na lang itong libingan — tangaling na lang ang bayani, period.


Samantala, ipinipilit mangyari ng isang miyembro ng Kongreso na nagpapanukalang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport at tawagin na lang itong “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.” Ang tanong lamang natin, makabuluhan ba ang pagpapalit ng pangalan ng NAIA sa gitna ng pandemya?


Sa panukalang ito, hindi ang paghahanap ng mas maganda o makabuluhang pangalan ang nais ipalit sa Ninoy Aquino International Airport. Ang simpleng hangarin ng panukala ay burahin ang pangalang “Ninoy Aquino” upang tuluyang makalimutan at ang buong kasaysayan na pumapalibot sa kanya ay makalimutan na rin. At kapag nakalimutan na siya, baka tuluyan nang makalimutan ang dahilan ng kanyang pagbalik mula Estados Unidos na nagtapos sa kanyang pagiging martir ng katotohanan at katarungan.


Nasaan na ang mga tunay na mambabatas na gagamitin ang batas para sa kabutihan at para sa kapakanan ng lahat? Silang gagamitin ang batas upang protektahan at tangkilikin ang kasaysayan at ang katotohanang pumapaloob dito? Silang hindi maglilingkod sa makikitid at pangsariling interes na laban sa pangkalahatang kabutihan?

Sa awa ng Diyos meron pa namang matitinong mambabatas na natitira — pero iilan na lamang sila.


Sa madilim na gubat ng kasinunglingan, sapat nang sindihan kahit isang munting kandila ng katotohanan. Kaya nitong bigyang-liwanang ang madilim na gubat ng kasinungalingan. Magising na tayo sa mga nagtatangkang pumatay ng alaala, ang sisidlan ng banal at dakilang katotohanan. Nais nilang gawin ito upang manaig at lumaganap ang kadiliman nang sa gayun ay maitago ang kanilang kasinungalingan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page