Search
  • BULGAR

Mag-move on na sa isyu ng prangkisa ng Dos, magpokus na lang sa namemesteng COVID-19!

ni Ka Ambo - @Bistado | July 13, 2020



Nagwakas na ang masalimuot at balitaktakan sa prangkisa ng ABS-CBN.

Sa botong 70-11, napurnada ang prangkisa.


‘Pag inalis ang “zero”—katunog ang numero ng boto ng trademark ng isang convenience store!


◘◘◘


Pinakatampok na isyu ang foreign citizenship ni ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez at ang pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa mga dayuhan.


Ibig sabihin, ang mga “dayuhan” ang aktuwal na nakikinabang sa “net income” ng TV network na tinatanghuran ng mga Pinoy!


◘◘◘


Lumutang din ang hindi pagbabayad ng tamang buwis at pekeng block-time deal sa pagitan ng ABS-CBN at AMCARA.


Lumabas na gumagamit sila ng “dummy account” at tumatakas sa pagbabayad ng tamang buwis!


◘◘◘


Nabisto rin ang talamak na iskema ng contractualization kung saan pinagkaitan ng regular status ng employment ang ilang nagtatrabaho na sa istasyon sa loob ng maraming taon.


‘Yan ang pinakamasaklap na katotohanan!


◘◘◘


Sala-salabat ang komento sa social media account kung saan lumutang ang “Magnificent 7” at “Patriotic 70” na nagpaguho sa dambuhalang TV network sa mahabang deliberasyon sa Kamara.


Ang pakiramdam ng mamamayan ay nakamit nila ang hustisya laban sa olagarkiya!


◘◘◘


Sinikap ng mga kongresista na sumali sa diskusyon sa kabila ng pandemic at hindi natakot na mahawa ng COVID-19.


Ang iba ay gumamit ng modernong “apps” tulad ng “zoom” upang marinig ang kanilang opinion sa isyu!


◘◘◘


Nagkaroon ng mahigit na 10 pagdinig upang bigyan ng pagkakataon ang mga ehekutibo ng TV network na madinig ang kanilang panig.


Kabilang sa Magnificent 7 sina Speaker Alan Peter Cayetano, Deputy Speaker Jesus Crispin Remulla, Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Committee on Legislative Franchises Chair Rep. Franz Alvarez, Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Rep. Mike Defensor at Rep. Elpidio Barzaga.


Madugo ang balitaktakan at lumutang ang katotohanan sa likod ng maselang isyu ng prangkisa!


◘◘◘


Paulit-ulit naman ipino-post sa social media ang pangalan ng 70 kongresista na kumontra sa prangkisa at pangalan ng 11 pumapabor sa ABS-CBN.


Sana’y matapos na ang isyung ito kung saan marami pa rin ang nasakmal ng emosyon dahil aktuwal silang naapektuhan ng pagsasarado at maselang isyu ng malayang pamamahayag!

◘◘◘


Sa gitna ng pandemic, dapat nang mag-move on ang lahat at magkaisa na labanan ang virus na namemeste ng buhay ng mga mamamayan.


Kumbaga, ‘yung ibang ayaw magpaawat, maghintay na lang ng 2022 kung gusto man nilang rumesbak sa kanilang mga kalaban!

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.