top of page
Search
  • BULGAR

Kubrador ng ilegal na pasugalan, wa’ paki sa COVID-19, nagbabahay pa!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 9, 2020



PARANG SINABIHAN NI ROQUE ANG PUBLIKO NA “BAHALA NA KAYO SA BUHAY N’YO”—Sa 186 empleyado ng MRT-3 na nagpostibo sa COVID-19, 11 sa mga ito ang ticket sellers. Kasunod nito ay naglabas ng statement sa publiko si Presidential spokesman Harry Roque.


Aniya, “Kung kayo ay sumakay sa MRT, kami ay nananawagan, kung kayo ay nagkaroon ng contact sa ticket sellers, kayo na ang mag-quarantine dahil hindi na natin malalaman kung sino kayo.”


Pambihira, imbes na manawagan ang gobyerno sa mga nagkaroon ng contact sa mga ticket sellers na magtungo sa mga ospital at sagot na ng gobyerno ang gastusin sa rapid o swab test, eh, parang pinalalabas pa ni Roque na “kani-kanya na lang” at “bahala na sila sa buhay nila”, boom!

◘◘◘


MGA KUBRADOR NG PERYA-CON JUETENG, BAKA MAKAHAWA NG VIRUS KASI NAGBABAHAY-BAHAY NA SA PANGASINAN—Dati ay bilang lang sa daliri ang mga tinamaan ng COVID-19 sa Pangasinan, pero ngayon ay umabot na sa 115 katao ang nagka-virus sa lalawigang ito.


Ang nakakapangamba, baka madagdagan pa ang bilang na ito sapagkat walang ginagawang aksiyon sina Pangasinan Gov. Amado Espino III at Police PD Col. Redrico Maranan para ipahuli sina “Tony Ong” at “Fajardo” na mga kubrador na nagbabahay-bahay para kumbisihin ang mga residente na tumaya sa raket nilang perya-con jueteng, boom!


◘◘◘


DUMARAMI ANG MGA PULIS NA NASASANGKOT SA KRIMEN, PNP CHIEF GEN. GAMBOA, MAG-RESIGN NA!—Sunud-sunod ang pagkakasangkot ng pulisya sa mga krimen kung saan suspek si P/Sgt. Daniel Florendo ng Quezon City police sa pamamaril at pagpatay sa isang sundalo na may diprensiya sa pag-iisip na si ex-Army Cpl. Winston Ragos, samantala, siyam na pulis naman ang nangratrat sa apat na sundalo ng Philippne Army (PA) sa Jolo, Sulu at ngayon naman ay suspek sina P/Sgt. Randy Ramos at P/Sgt. Marawi Torda ng San Juan Police Station sa Ilocos Sur sa pagpatay at panggagahasa sa 15-anyos na dalagita.


Kung ganyang hindi kayang mapatino ni PNP chief Gen. Archie Gamboa ang mga pasaway na pulis, aba, mukhang dapat na siyang magbitiw bilang hepe ng PNP, period!


◘◘◘


KUNG ANG MGA SUNDALO AY NATANIMAN NG BARIL BILANG EBIDENSIYA, ANG ORDINARYONG MAMAMAYAN PA KAYA?—Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), tinaniman umano ng baril ni Florendo si Ragos para palabasing nanlaban ito. Samantala, ayon naman sa mga saksi sa Jolo massacre, tinaniman din ng baril ng siyam na pulis ang apat na sundalong kanilang napatay para palabasin ding nanlaban ang mga ito.


Nangyari ang taniman ng mga baril na ‘yan noong hindi pa naisasabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020, at ngayong opisyal na itong batas, nakapapangamba kasi kung ang mga ex-soldier at aktibong sundalo ay nagagawang taniman ng baril nang sa gayun ay mapalabas na “nanlaban”, hindi malayong magawa rin ito sa mga ordinaryong mamamayan? Nakupo!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page