top of page
Search
  • BULGAR

Kagandahang loob at katapangan, bitbit ng OFWs sa lahat ng sulok ng mundo

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |Abril 13, 2024



Sa gitna ng napakaraming problemang kailangang bunuin ng bawat mamamayan ngayon, naroroon ang hindi mawala-walang kuwento ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs). 


Sa lahat ng parokyang aking napaglingkuran, napakaraming mga pamilya na binubuhay ng OFW na nanay, tatay, ate o kuya. Matagal na ang istorya ng mga OFWs. Sa aking karanasan, marami nang umalis ng ating bansa makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Mangilan-ngilang mga manggagawa, magsasaka, guro at sari-saring propesyonal ang naghanap ng trabaho sa iba’t ibang bansa sa Asia, Oceania (Australia, New Zealand); Europa; Canada; America, maging sa Hong Kong, Taiwan at China.


Nagsimula ang tuwirang pakikipag-ugnayan natin sa mga OFW noon pang 1983 nang ipinadala tayo ni Cardinal Jaime Sin na mag-aral bilang “student priest” sa Roma, Italya. Doon natin nakilala ang napakaraming mga kababayang galing sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan mula Mindanao hanggang Visayas at sa pinakadulong bahagi ng Hilagang Luzon. Halos lahat ng nakilala ko sa Roma ay mga nagtatrabaho bilang mga domestic helper o kasambahay sa mga tahanan ng mga Italyanong nakatira sa Roma. 


Sa loob ng apat na taon, natanggap ko hindi lang ang diploma ng pagtatapos sa kursong pinag-aralan kundi ang kayamanan na makilala ang sakripisyo at ang kakaibang misyon ng ating mga OFW.


Maraming kuwento tungkol sa mga lumaking mga batang Italyano na natutong magdasal, manginopo, magmano ng kamay ng matatanda, magsimba at maging Kristiyano, salamat kay yaya, isang Pinay na kasambahay, tagalinis, taga-luto, taga-laba.


Makalipas ang dalawampu’t apat na taon, noong 2007 nagsimula naman ang ating pangalawang karanasan sa pakikisalamuha at pakikiisa sa ating mga OFW sa Hong Kong. At doon natin higit na nakita at naunawaan ang napakaraming hamon at problema ng buhay-OFW sa Hong Kong. Mula kabuhayan hanggang pamilya, mga kumplikadong relasyong bunga ng pag-iibang bansa at kalusugan. Tulad ng mga OFW na nakilala natin sa Roma, tuwing araw ng Linggo, hindi nawawala sa maraming OFW ang magsimba at para sa marami ang pagsali sa iba’t ibang samahang pangsimbahan na pinagkukunan nila ng suportang emosyonal at espirituwal. At sa gitna ng aking pagdiriwang ng banal na Misa tuwing araw ng Linggo para sa ilang mga OFW, nagsimula na rin ang partikular na paglilingkod sa mga OFW na nagkasakit ng kanser. 


Noon namin nabuo ang Buhay Ka, ang samahan na nagbibigay suporta sa mga OFW na may kanser. Malinaw na karamihan sa miyembro ay may kanser, ngunit marami rin ang mga miyembro na walang sakit.


Lumipas ang panahon. Marami sa mga may sakit na kanser ang pumanaw na pero marami rin namang gumaling at buhay pa hanggang ngayon. 


Noong nakaraang Lunes, dinala natin ang siyam na staff ng parokya sa tabing dagat sa bandang Norte. Sinamahan at inalalayan kami ng isang kaibigang OFW sa Hong Kong. Tulad ng marami, naging “for good” na siya. Hiwalay na rin siya sa asawa at malaki na ang kanyang kaisa-isang anak na OFW na rin sa isang maunlad na bansa. Nakapagpatayo na siya ng isang paupahan na sumusuporta na sa kanyang pangangailangan sa araw-araw. Malungkot na masaya ang buhay ng aking kaibigang OFW. 


Nang tanungin ko siya kung ano ang sikreto ng kanyang tagumpay, itinaas niya ang kanyang kanang kuyom na kamay, “Tapang padre. Kailangang matapang ka sa pagharap sa buhay. Kung hindi kawawa ka at patuloy kang kakawawain.” Nasabi niya ito sa gitna ng kanyang mapagkalinga at madasaling pagkatao. Para sa pansariling mga suliranin at pasanin, kailangan niyang maging matapang at humugot ng lakas sa Diyos at sa mga tunay na kaibigan. Nakita ko ito sa kanyang buhay at sa buhay ng napakaraming OFW.


Oo, sila’y matulungin ngunit, matapang at sanay ikuyom ang kamao para lumaban.


Naalala ko ang simbolo ng isang miyembro ng Truth and Transparency Trio na sina Gus Lagman, Frank Ysaac at Gen. Eliseo Rio. Kuyom na kamao na may hawak na rosaryo.


Lumalaban pero taimtim na nagdarasal din.


Naisulat ko ang artikulong ito dahil sa napansin kong balita tungkol sa tuluy-tuloy pa ring paglabas (Exodo) ng mga OFW. Sa kabila ng ating pagiging maka-pamilya, patuloy pa rin ang pag-alis ng mga OFW. Titiisin ang kalungkutan at patatatagin ang kalooban sa paghahangad na makatulong sa mga mahal sa buhay.


Hindi inuulat ang bilang ng mga OFW na hindi nagtagumpay at ang ilan ay nasawi pa. Bakit? Dahil hindi talaga sinasaliksik at pinag-aaralan ang bilang ng mga OFW na hindi pinalad at namatay pa sa gitna ng kanilang paghahanapbuhay para sa mga mahal sa buhay. Bakit? Baka mabawasan ang mga magiging OFW na ituturing na “bayani” dahil sa kanilang “remittance” (dolyar na pinadadala sa ating bansa).


Ngunit, nakikipagsapalaran pa rin ang mga karaniwang Pinoy para lang isalba ang kanilang pamilya. At dadalhin pa rin nila ang ating kagandahang loob, pananalig at katapangan sa lahat ng sulok ng daigdig. Sa kanilang simple at matapang na pagtataya, ihahatid pa rin ang mabuting balita ng kapayapaan at pagmamahal sa Diyos, at kapwa sa lahat ng bansang kanilang mararating at mapaglingkuran.


Sayang na sayang lang nga at kailangang-kailangan ng ating sariling bansa ang mga mapayapang mandirigma tulad ng milyun-milyong OFW na nagkalat sa lahat ng bansa. Kailangang-kailangan din kayo, tayong lahat dito ngayon para ipagtanggol at ipaglaban ang ating bansang nanganganib sa loob at sa labas.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page