ni Thea Janica Teh | August 2, 2020
Para mas mapaganda ang pagbiyahe sa Metro Manila, nagdagdag ang Light Rail manila Corp. (LRMC), isang private operator at maintenance provider ng LRT-1, ng feature sa kanilang ikotMNL mobile app.
Ang ikotMNL ang kauna-unahang railway at tourism app sa bansa na inilunsad noong Nobyembre noong isang taon ay mayroon na ring contact tracing at Sakay.ph navigation. Ayon sa LRMC, magagamit na ang bagong features ng app na ito simula ngayong buwan ng Agosto.
Gamit ang ikotMNL mobile app, maaaring i-activate ng pasahero ang contact tracing gamit ang Bluetooth LE technology na kayang ma-detect ang iba pang kasabay na pasahero.
Kaya naman kung nagkaroon ng closed contact sa isang pasahero na nagpositibo sa COVID-19 ay agad na mano-notify ang mga nakasabay nito sa pagsakay ng tren.
Isa ito sa layunin ng LRMC na siguraduhin ang kaligtasan ng mga pasaherong sasakay sa LRT at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Bukod pa rito, nakipagtulungan din ang LRMC sa Sakay.ph para sa mas pinadaling trip planning, mas mabilis na navigation at pinakamagandang ruta sa pagbiyahe sa Metro Manila.