top of page
Search
  • BULGAR

Hirit ni Sen. Bato, “Mga empleyado ng Dos, maghanap na lang ng ibang trabaho!”

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 11, 2020



MALI NA BUSKAHIN NI SEN. DELA ROSA ANG MGA EMPLEYADO NG ABS-CBN NA NANGANGAMBANG MAWALAN NG WORK—Batikos ang inabot sa publiko ni Sen. Roland “Bato” dela Rosa dahil habang nananawagan ang mga manggagawa ng ABS-CBN na pagkalooban sila ng prangkisa para hindi sila mawalan ng trabaho ay sinabihan ng senador ang mga ito na maghanap na lang daw ng ibang trabaho.


Mantakin n’yo, imbes na makisimpatiya sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho, mistulang binuska pa ni Sen. Dela Rosa ang mga ABS-CBN employees.


Sa galit ng iba’t ibang sektor sa tinuran ng senador ay niresbekan nila ito at sinabihang maghanap na rin daw siya ng ibang trabaho dahil sa uri ng asal niya ay hindi siyang karapat-dapat na lingkod-bayan, period!

◘◘◘


SEN. DELA ROSA, NAGAWANG IPAGMALAKI ANG US VISA SA GITNA NG KRISIS—Last month, sa isinagawang teleconference session sa Senado ay sinabi ni Sen. Dela Rosa na “sarap daw buhay” niya, at kamakalawa lamang ay tuwang-tuwa nitong ibinida na ibabalik na raw ang kanyang US visa.


Pambihira, sa panahon ng krisis dahil sa COVID-19 kung saan maraming naghihirap na mga Pinoy ay mistulang ipinamumukha pa niya sa mamamayan na “sarap-buhay” lang siya bilang senador, pwe!


◘◘◘


PILIPINAS, PANG-34 NA ANG RANKING SA MAY PINAKAMARAMING NAGKA-VIRUS SA MUNDO—Last week, base sa data ng Worldometers Information Statistics ay nasa rank no. 40 ang Pilipinas sa may pinakamaraming tinamaan ng virus sa buong mundo, hanggang sa mag-rank no. 37 at dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso, kahapon ay nag-rank no. 34 na ang bansa.


Hindi kataka-takang tumaas ang ranking ng Pilipinas kasi imbes na health problem ang pagtuunan nang pansin, ang pokus ng Duterte gov’t. ay ang mga isyung may kinalaman sa ABS-CBN, Anti-Terrorism Act of 2020 at pagpapalit pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), pwe!


◘◘◘


KABABALIK LANG SA PAMAMASADA NG MGA TRICYCLE DRIVERS, KINOTONGAN AGAD NG 2 SCALAWAG COPS—Dalawang pulis na sina P/Sgt. Vic Lajom at Pat. Jay Mark Tuazon ng Malolos City police ang inaresto ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) nang mahuli sa aktong nangongotong sa mga tricycle drivers sa lungsod.


Dapat tanggalin na agad sa serbisyo ang dalawang parak na ‘yan, imagine, kababalik pa lang sa pamamasada ang mga tricycle drivers mula nang mag-lockdown, tapos kokotongan na agad nila? Mga buwisit!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page