top of page
Search
  • BULGAR

Dagdag-pasahe sa provincial bus, inihirit

ni Lolet Abania | September 27, 2020




Humihirit ang grupo ng mga provincial bus operators na payagan silang itaas ang bayad sa pamasahe, kasabay ng pagbubukas ng 12 ruta sa mga lalawigan simula September 30. Hihilingin ng South Luzon Bus Operators bukas na magdagdag sila ng pasahe sa mga bibiyahe na patungong probinsiya. Gayunman, nag-anunsiyo na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mananatili ang dating pamasahe nito sa pagbubukas ng modified provincial buses papasok at palabas ng Metro Manila at Regions 3 at 4-A sa mga nakatakdang ruta. Dagdag pa rito, 286 bus lamang ang pinapayagan ng LTFRB na magbalik-operasyon simula sa Miyerkules. Ayon sa grupo ng operators at mga drivers, malaki ang magiging kalugihan nila rito sakaling pareho pa rin ang pamasahe dahil ang mga bus ay pinapayagan lamang magsakay ng 50 porsiyentong kapasidad ng mga pasahero. Makikiusap din ang grupo sa LTFRB na payagan silang magdagdag ng mga bibiyaheng bus at magbukas pa ng maraming ruta.


Samantala, ang 12 modified provincial bus routes na magbubukas, ayon sa LTFRB Memorandum Circular No. 2020-051 ay ang mga sumusunod: San Fernando, Pampanga - Araneta Center, Cubao, Quezon City; Batangas City, Batangas - Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx); Lemery, Batangas – PITx; Lipa City, Batangas – PITx; Nasugbu, Batangas – PITx; Indang, Cavite – PITx; Mendez, Cavite – PITx; Tagaytay City, Cavite – PITx; Ternate, Cavite – PITx; Calamba City, Laguna – PITx; Siniloan, Laguna – PITx; Sta. Cruz, Laguna – PITx.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page