MARAHIL, ito na ang pinakakarumal-dumal na ‘propaganda’ ng mga dilawan laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinakop daw ng China ang teritoryo natin at kinukuha raw ng mga Chinese ang mga trabaho na para sa mga Pinoy. Ang masama, ibinebenta raw ni Pangulong Duterte ang Pilipinas sa China.
Kasinungalingan ang lahat ng mga ito. Inudyukan ni ex-P-Noy ang mga Chinese nang utusan nito ang barkong pandigma para arestuhin ang mga Chinese na mangingisda sa Scarborough Shoal noong 2012.
Siyempre, lumaban ang mga Chinese kung hindi, magkakarebolusyon doon. Eh, naloko ng mga Amerikano si ex-P-Noy na noon ay Foreign Affairs Secretary nitong si Albert del Rosario na utusang lumabas ang mga barko natin doon, ‘yun, hindi na nakabalik!
Karumal-dumal itong ‘estilong propaganda’ ng mga dilawan laban sa mga Chinese dahil mayroon pa ring natitirang tinatawag na “racism” sa Pinoy laban sa mga Tsino.
Ibig sabihin, ang walang katwirang galit sa mga Tsino: “Basta Tsino, masama!”
May ganitong “racism” dahil sa mga Kastila, matindi ang galit nila kapag may masamang ekonomiya noon ay pinasusunog nila ang lugar ng mga Tsino na ang tawag ay Parian at ipinapatay lahat ng mga Tsino na hindi pa makaalis.
Ang tawag natin sa mga Tsino ay 'Intsik' na may kahulugang hindi maganda. Sa kabataan natin, ang pang-inis ng mga bata, “Intsik beho, tulo-laway.”
Pero, tayo ay lumaki bilang mga indibidwal at bansa na may katuwiran. Masama ang racism, hindi masama ang China tulad lang ito ng lahat ng mga bansa na may sariling interes na pahalagahan ang kalagayan ng kanilang mamamayan.
Pinagagalit tayo sa Tsino ng mga dilawan, dahil kung hindi kay Pangulong Duterte ay malamang, nagkaroon na ng pang-ekonomiyang krisis noong panahon ni ex-P-Noy kung saan maghihirap tayong lahat.
Ito ay dahil si ex-P-Noy ay itinuring na kaaway ang China at gusto talagang kalabanin. Sa tingin nito, tutulungan siya ng mga Amerikano.
Eh, ayaw ng mga Amerikano na mag-umpisa ng pandaigdigang digmaan laban sa China.
Kung tuwiran nating ituring na kaaway ang China, napakasama ang mangyayari sa ekonomiya natin kahit walang digmaan.
Ang China, ang may pinakamalaking ekonomiya sa mundo at tayo ay pang-34 lang.
Kayang-kaya ng China na huwag magkaroon ng anumang relasyon sa Pilipinas, eh, hindi naman 'yun kaya ng Pilipinas.
Pumunta tayo sa grocery, hardware o anumang tindahan, malamang, 80 porsiyento ng mga ibinebenta roon ay galing sa China.
Kung titigilan naman ng Tsina ang pag-iimpok ng mga produkto sa Pilipinas, papalitan lang ng Malaysia, Thailand, Indonesia at iba pang bansa ang mga ito.
Tayo naman, kabaligtaran nang nagkaharapan sa Scarborugh Shoal noong 2012, itinigil ng China ang pag-impok ng mga saging galing sa Mindanao.
‘Yun, kawawa ang mga magsasaka, 70 porsiyento ng mga saging ang ine-export natin papuntang China.
Itinigil ni Pangulong Duterte ang napakasamang polisiya ni ex-P-Noy na kalabanin ang China. Hindi lang naging normal ang relasyon natin sa China.
Napakalaki ang itinutulong nilang pondohan sa mga malalaking proyekto ni Pangulong Duterte.
Nitong mga nakaraang araw, inanunsiyo na mahigit $10 bilyon na capital galing sa mga Tsino ang mapupunta sa atin.
Napakalaking tulong sa ekonomiya natin at sa pagpaparami ng mga trabaho para sa mga Pinoy.
Gayunman, mayroon tayong problema dahil sa relasyon natin sa Tsina, may mga bastos na Chinese tourist at manggagawa sa bansa.
May mga kumpanyang Tsino na nagmimina nang mali. Sa tingin natin, sa atin ang West Philippine Sea (WPS), eh, para sa China, sa kanila raw ito.
Pero, ang mga problemang ito ay mareresolba natin sa mabuti at magandang usapan at hindi sa pagmumura sa mga Tsino at paggrabe ng racism laban sa kanila.