ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 27, 2024
Isang karangalang matanggap ang Special Kabalikat Award na iginawad sa atin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kamakailan, bilang pagkilala sa ating adbokasiya na patatagin ang Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa bansa. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, tuluy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa TESDA ukol sa pagpapaigting ng mga hakbang upang mapataas ang kahandaan sa trabaho ng ating senior high school (SHS) graduates.
Isinulong natin noon ang pagpopondo at pagpapatupad sa Free National Certification Assessment Program ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget. Mayroong P438 milyon na nakalaan sa ilalim ng TESDA para sa pagsasagawa ng mga libreng competency assessments at pag-isyu ng national certifications sa mga senior high school student sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track. Dahil dito, inaasahan natin na 420,967 bilang ng mga mag-aaral sa SHS sa ilalim ng TVL track ang makikinabang sa nasabing pondo.
Itinulak din ng inyong lingkod noon ang P50 milyong pondo para madagdagan ang mga assessor ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget. Kailangan ito para tiyaking may sapat na kakayahan ang ahensya na magpatupad ng programa.
Dahil libre na nga ang assessment at certification, hindi na kailangang magbayad pa ang mga mag-aaral para sa assessment na umaabot sa humigit-kumulang P1,008.29 kada mag-aaral. Ang gastusin kasi para sa assessment ang isa mga dahilan kung bakit mababa ang certification rate sa SHS graduates sa ilalim ng TVL track.
Noon ngang School Year (SY) 2019-2020, nasa 127,796 (26.3 porsyento) lang sa 486,278 na SHS-TVL graduates ang kumuha ng assessment. Samantala, umabot naman sa 124,970 o 98 porsyento ng mga kumuha ng assessment ang pumasa at nakakuha ng national certification. Pero bumaba sa 6.8 porsyento ang overall certification rate noong SY 2020-2021.
Sa ngayon, 50 porsyento ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na pumasok sa trabaho ay nasa elementary occupations tulad ng mga cleaners, vendors, at mga domestic helpers, batay sa pagsusuri ng ating komite sa Senado sa datos ng Labor Force Survey.
Kaya naman, umaasa tayo na labis na makakatulong ang programa na itaas ang certification rate ng mga mag-aaral sa SHS-TVL para tumaas din ang tsansa nilang makakuha ng mas maganda, stable, at naaakmang trabaho. Â
Nagpapasalamat tayo sa TESDA na katuwang natin sa adhikaing ito. Patuloy pa nating isusulong ang mga reporma upang lalong mapatatag ang TVET at matiyak na handa ang ating graduates na magtagumpay sa mga tatahakin nilang larangan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com