ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 21, 2025

Child development center (CDC) sa bawat barangay. Ito ang pinatitiyak natin sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong nagkaroon tayo ng pagdinig sa kanilang panukalang budget para sa taong 2026.
Mahalaga ang pagkakaroon ng CDC upang maparami pa natin ang bilang ng mga batang naka-enroll sa mga programa at serbisyo para sa Early Childhood Care and Development (ECCD). Saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education, social services development programs, at iba pang mga programa at serbisyo para sa mga batang wala pang limang taong gulang upang magkaroon sila ng matatag na pundasyon.
Batay sa nakalap nating datos, 3,810 barangay sa bansa ang wala pang CDC. Lumalabas din sa datos na 30% lamang ng 4.5 milyong batang may edad tatlo at apat ang kasalukuyang naka-enroll sa mga programa at serbisyo ng ECCD.
Mahalaga ang papel ng DILG sa pagkamit natin ng layuning makapagpatayo ng CDC sa bawat barangay. Kung babalikan natin ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na isinulong ng inyong lingkod, nakasaad doon na ang secretary ng DILG ang magsisilbing ex-officio co-chairperson for Local Government Mobilization and Overall Implementation.
Itinakda ng batas ang mandatong ito sa DILG dahil ang ating mga local government units (LGUs) ang magiging responsable sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa ECCD.
Kabilang sa mga magiging tungkulin ng mga LGUs ang probisyon ng mga pasilidad at mga resources para sa epektibong paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD. Magiging mandato rin sa mga LGUs ang paglikha ng plantilla positions para sa mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs), pati ang pagtiyak na may isang CDC sa bawat barangay.
May mga hakbang na tayong nasimulan upang matiyak na magkakaroon ng CDC ang bawat barangay. Matatandaan na noong nakaraang Mayo, P1 bilyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ang binigay sa 328 na mga low-income LGUs upang magkaroon ng mga CDC ang kanilang mga barangay. Ikinagalak natin ang hakbang na ito lalo na’t naaayon ito sa ating panukalang probisyon na naging bahagi rin ng Republic Act No. 12199: na pahintulutan ang paggamit ng LGSF sa pagpapatayo ng mga CDCs sa mga fourth at fifth-class municipalities.
Bagama’t malaking hakbang ang paglalaan ng pondo para sa mga munisipalidad na ito, kailangang ipagpatuloy natin ang ating pagsisikap hanggang magkaroon ang bawat barangay ng CDC. Kung magagawa natin ito, maaabot natin ang bawat batang wala pang limang taong gulang at mabibigyan natin sila ng mas matatag na pundasyon upang magtagumpay.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




