ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 9, 2025
Photo: Darryl Yap VinCentiments - FB
Matagal nang namayapa ang dating sexy star na si Pepsi Paloma. Isa siya sa mga Softdrink Beauties na alaga noon ng yumaong si Dr. Rey Dela Cruz.
Ginawang isyu noon ang diumano’y iskandalo ni Pepsi Paloma na idinadawit ang mga sikat na TV hosts/comedians na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Ganunpaman, wala namang napatunayan at walang ebidensiya na totoo ang mga akusasyon sa TVJ.
Kaya marami ang labis na nagtataka kung bakit muling binuhay ang isyu at isinapelikula pa ang buhay ni Pepsi, na ang nagdirek nga ay si Darryl Yap.
Bakit ayaw patahimikin si Pepsi? Ano ang motibo ng producer-direktor at bakit nag-iingay para pag-usapan ang pelikula?
Mismong si Coca Nicolas — isa sa mga Softdrinks Beauties at BFF ni Pepsi Paloma — na ang nagsabi na hindi totoo ang rape issue kay Pepsi.
Sa interbyu ni Coca kay Julius Babao, sinabi niyang gawa-gawa at gimmick lang ng kanilang manager na si Rey dela Cruz (SLN) ang tungkol sa rape issue ni Pepsi. Personal daw niyang tinanong si Pepsi noon tungkol dito, at itinanggi ng yumaong sexy star na siya ay ni-rape.
For sure, mga detractors ng TVJ ang may pakana sa paninirang ito sa mga Eat… Bulaga! hosts. At hindi basta-basta maniniwala ang mga fans at supporters ng TVJ sa paninirang ito.
20-anyos na raw…
JILLIAN, PINAYAGAN NANG MAG-SOLO SA CONDO
Naging emosyonal si Jillian Ward sa recent interview sa kanya ni Nelson Canlas sa segment ng 24-Oras.
Napag-usapan kasi sa nasabing interbyu ang tungkol sa pamilya, at dito na inamin ni Jillian na naghiwalay ang kanyang parents noong nakaraang taon, 2024.
Hindi nagdetalye si Jillian sa dahilan ng hiwalayan, pero sinabi niyang mahal na mahal niya ang kanyang mom dahil nakita niya ang mga sakripisyo nito noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
Ang pinagdaraanang personal na problema ng kanilang pamilya ang naging motivation ni Jillian kaya nakaya niya ang mabibigat niyang eksena noon sa seryeng Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP).
Ngayon, may bagong serye si Jillian sa GMA-7, ang My Ilongga Girl (MIG). Bagong challenge ito kay Jillian Ward kung paano niya gagampanan.
Samantala, nabanggit din ni Jillian sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) na pinayagan na siyang tumira sa sarili niyang condo. Mae-experience na rin niya ang maging independent ngayon.
Twenty yrs. old na siya. Malaki ang tiwala kay Jillian ng kanyang mom. Alam niyang strong ang personalidad nito at hindi magpapagamit sa mga taong bad influence sa kanya.
After thirteen years, sa wakas ay biniyayaan na rin sina Megan Young at Mikael Daez ng kanilang idinadasal na “little angel” na kukumpleto sa kanilang pamilya.
Pagkatapos nilang magpakasal, hindi nagmadali sina Megan at Mikael na magkaroon agad ng baby. Nag-enjoy muna sila sa kanilang pagta-travel abroad.
Pareho silang mahilig sa adventure at pinaka-bonding na nila ang maglakbay sa mga lugar na nasa kanilang bucket list. Sinulit nila ang mga panahon na lagi silang magkasama.
May ilang nagtanong noon kay Megan kung wala pa siyang balak maging mommy tulad ng ibang kasabayan niya sa showbiz.
At minsan, inamin ni Megan na takot siyang magbuntis at hindi niya alam kung kakayanin niya ang hirap na daranasin sa panganganak.
Pero ngayon, preggy na si Megan at baby boy ang kanilang magiging panganay. Mukhang na-overcome na ni Megan ang kanyang takot sa pagbubuntis, excited na
siyang makita ang kanyang baby.
Marami na rin ang nag-aabang kung sino sa kanila ni Mikael ang kamukha ng kanilang baby. Marami na ring pinamiling toys si Mikael para sa kanilang “little Mikael”.
MASAYANG-MASAYA ang mga fans ni Julie Anne San Jose dahil sa natanggap nitong pagkilala mula sa Aliw Awards bilang Entertainer of the Year.
Deserving daw sa nasabing award si Julie Anne dahil matagumpay ang kanyang mga concerts at shows. Bagay sa kanya ang titulong “Limitless Star”.
Well, hindi lang sa pagkanta at pagpe-perform magaling si Julie Anne, marunong din siyang tumugtog ng musical instruments tulad ng guitar, piano, at drums.
Hindi lang sa isang genre ng awitin siya nag-e-excel. Sumasabay si Julie Anne sa musika ng mga Gen Z.
Marami rin ang nagkagusto sa ginawa nilang collab ni Stell ng SB19.
Malawak pa ang kaalaman na makakamit ni Julie sa larangan ng musika. Malayo pa ang kanyang mararating.
Nagsisimula pa lang siyang humakot ng awards bilang singer/performer. Nagsisilbing inspirasyon ni Julie Anne San Jose ang nobyong si Rayver Cruz na supportive sa kanyang career.