top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 13, 2025



Photo: Malupitan na pag-atake ang binitawan ni Alas Pilipinas Marck Jesus Espejo upang hindi mahadlangan ng katunggaling si Amornthep Khonhan ng Thailand habang nasa kasagsagan ng kanilang huling araw ng aksyon sa Alas Pilipinas Invitationals Men's Volleyball na ginanap sa Araneta Coliseum. (via Reymundo Nillama)



Rumehistro ng isang makasaysayan na panalo ang Alas Pilipinas laban sa bisita Thailand upang tuldukan ang Alas Invitationals Huwebes ng gabi sa Araneta Coliseum.


Nagtapos ang limang makapigil-hiningang set sa 21-25, 25-21, 25-22, 21-25 at 15-12 sa harap ng pinakamaraming manunood sa nakalipas na tatlong araw. Masaya si Coach Angiolino Frigoni sa ipinakita ng mga Pinoy Spikers at malaking hakbang ang panalo sa Thailand, ang tinaguriang hari ng Volleyball sa Timog Silangang Asya.


Subalit inamin ng beteranong Italyanong coach na marami pang ang dapat gawin patungo sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship sa Setyembre. Naglabas ng lakas si kapitan Marck Espejo para sa 30 puntos buhat sa 24 atake, 13 block at anim na alas sa serbisyo.


Sumuporta sina Louie Ramirez na may 15 at Steven Rotter na may 13. Nakagawa pa rin si Thailand Kapitan Amornthep Khonhan ng 25 habang may 17 si Chaiwat Thungkham. Binantayan si 6’8” Kissada Nilsawal pero nag-ambag pa rin ng 13.


Ginawaran ang mga koponan nina Secretary-General Donaldo Caringal at Tonyboy Liao ng PNVF para sa kanilang paglahok. Ang mga laro ay bahagi ng paghahanda para sa pagiging punong-abala ng bansa sa World Championship.


Susunod para sa Alas Pilipinas at Thailand ang 2025 AVC Volleyball Men’s Nations Cup sa Manama, Bahrain mula Hunyo 17 hanggang 24. Nabunot sila sa magkahiwalay na grupo subalit mayroon pa ring posibilidad na magkita muli sa playoffs.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2025



Photo: ALAS PILIPINAS INVITATIONAL VOLLEYBALLS / ALAS PILIPINAS VS KOREA HYUNDAI Gigil na tumodo ng pag atake si Alas Pilipinas center Mark Jesus Espejo na hindi alintana ang depensa ng tatlong katunggaling Korea Hyundai sa kasagsagan ng kanilang aksyong sa ginaganap na Alas Pilipinas Invitational Volleyball sa Araneta Coliseum. via Reymundo Nillama



Humataw ang Alas Pilipinas sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay laban sa bisitang Hyundai Capital Skywalkers ng Timog Korea sa apat na set Miyerkules sa Araneta Coliseum. Dumaan sa apat na set – 25-22, 22-25, 25-21 at 25-20.


Lumutang ang kakaibang husay ni kapitan Marck Espejo na may 20 puntos mula 17 atake. Sa gitna ng dominasyon ni Espejo ay nag-ambag ng siyam si Peng Taguibolos habang tig-pito sina Steven Rotter at Leo Ordiales.


Nagpakitang-gilas din ang bagong tuklas na si Jackson Reed na naglaro sa University of Southern California sa Amerika. Ang kanyang lolo ay tubong Pangasinan.


Si Lee Seung Jun ang nagdala ang laban para sa mga Koreano na may 18 habang 14 si Lee Jae Hyun. May siyam na puntos si Kim Jin Yeong.


Tatapusin ng Alas ang kanilang kalendaryo sa pagharap sa Thailand. Walang kokoronahan na kampeon at ang mga laro ay bilang paghahanda para pagiging punong-abala sa 2025 FIVB Men’s World Championship sa Setyembre.   


Pagkatapos ng Alas Invitationals ay sasabak ang mga Pinoy sa 2025 AVC Men’s Volleyball Nations Cup. Ang torneo ay ngayong Hunyo 17 hanggang 24 sa Manama, Bahrain.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | June 9, 2025



Photo: Sapul ng malakas na sipa sa mukha ni Islay Erika Bomogao si Nerea Rubio ng Spain sa first round ng laban nilang ito sa Thailand. (FB)


Bumira ng matinding kombinasyon si 'Team Bagsik' member Islay Erika Bomogao upang maagang pataubin ang Espanyol na katapat na si Nerea Rubio sa bisa ng first round TKO sa kanilang catchweight 103-pounds women's Muay Thai match sa ONE Friday Fights 111, Biyernes ng gabi sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand.


Masusing pinag-aralan at ginampanan ng miyembro ng Philippine Muay Thai team ang katapat upang maitarak ang ikatlong sunod na panalo sa muling pagbabalik ng mga upakan sa Thailand matapos makansela ang  unang paghaharap dulot ng lindol doon.


Muling nagpasikat ang 2021 SEA Games  gold medalist ng impresibong panalo nang tapusin ang Spanish fighter sa 1:05 ng first round dulot ng malupit na body shot.


Maagang bumitaw ng malulutong na upak ang 24-anyos na Igorota fighter mula Baguio City na sinundan ng pagtuhod sa sikmura, subalit natigil matapos silang matumba.

Ginulantang ni Bomogao ng isang matinding front kick sa mukha ang Espanyola at sinundan ng malupit na kanang straight sa tagiliran at left kick sa katawan na senyales ng pagtupi mula sa tinamong suntok.


Nagawang bilangan ni referee Watcharaphorn “Pao Fan” Pachumchai ang napaupong si Rubio, subalit hindi na nagawa pang bumangon upang tuluyang itigil ang laban na nagresulta sa first round stoppage upang lumapit sa kanyang inaasam na kontrata sa ONE Championship.


It feels fantastic. I trained for so long for this, all my hard work paid off,” pahayag ni Bomogao sa post-fight interview. “Definitely the body shot, was something that me and my team have been really working on and honestly I didn’t really expecting that fast, but I’m really thankful It did,” dagdag ng Pinay fighter na tatanggap rin ng bonus na 350,000 Thai baht o halos P600,000 sa Philippine peso.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page