top of page
Search

ni Ambet Nabus @Let's See | August 10, 2025



Photo: Atasha at Jacob - Circulated / FB



Napanood namin ang pagbabalik-Eat… Bulaga! (EB!) ng baby naming si Atasha Muhlach last Saturday.


Sa portion ng The Clones (TC), masayang nakipagkulitan ang magandang dilag na finally nga ay natapos na sa pagsu-shoot ng kauna-unahan niyang pagbibidahang series sa Viva One, ang Bad Genius (BG).


Mas makulit, mas matabil at mas kuwela ang mga hirit ni Tash na halatang na-miss ang Dabarkads at ang live audience.


Kasabay ng pagbabalik nito ay umugong at lumabas din ang mga photo ng dinner ng pamilya niya kasama ang nali-link ditong anak ni SMB top brass Ramon Ang na si Jacob Ang.


Although medyo last 2 months na namin itong nababalitaan, hindi naman conclusive na magdyowa na sila.


Good friendship daw ang foundation ng lahat dahil may mga common friends silang nakasama nila during their schooling days sa London.


Bongga nga lang dahil pormal at talagang kasali ang mga respective families nila sa kanilang bonding moments, gaya nga ng dinner time.


Ultimo ang big boss na si Sir Ramon ay nagpahayag din ng pagkatuwa sa kaibigan ng anak na inilarawan pa niyang maganda, mabait at responsable.


Bunsong anak ni Sir Ramon si Jacob. Actually, dalawa lang naman ang anak niya at dahil namatay na nga ‘yung panganay, lumalabas na nag-iisa na si Jacob kaya marami ang naiinggit kay Tash, if ever man daw na mag-level-up into something more romantic ang friendship nila.



MALUNGKOT ang ‘Tondo Boys’ ng Batang Quiapo (BQ) series na kinabibilangan ng mga character actors, na sa loob ng halos tatlong taon nga ay nagturingan na bilang magkakapatid.


Nang magpaalam nga ang karakter ni Ping Medina, marami rin ang nalungkot kahit aware naman daw silang lahat na anytime soon ay magbaba-bye rin ang bawat karakter.


“Lahat kami ay nagpapasalamat kay Direk Coco (Martin). S’ya talaga ang nagpasimula ng lahat kung bakit mas lumaki ang pamilya namin. Ito nga ‘yung show na malungkot akong aalis,” sey pa ng character actor na anak ng pamosong si Pen Medina na parte rin ng BQ.


Ang bongga nga raw sa naturang extended families nila ay ‘yung suportang ibinibigay ni Coco. Mapa-personal at negosyo, lagi raw nakaalalay ang aktor-direktor sa kanilang lahat.



“KAHIT sa mga usaping pulitika o programa para sa nakararami, suportahan kami. ‘Yung tatay-tatayan naming si Pinuno, Sen. Lito Lapid, lagi ring kaming may bukas na komunikasyon,” pakli pa ng tropang Batang Quiapo (BQ).


Sa katunayan nga raw ay madalas din silang nagtatalu-talo sa mga isyu ng bayan.

“Naku! Ibang klase ang diskusyon. May kani-kanyang opinyon talaga, nagbabanggaan, pero hindi kami nagtatapos na magkaaway dahil nandu’n ‘yung pagrespeto,” dagdag pa nila.

Nasentro nga ang topic sa pagboto ng “YES” ni Sen. Lito kamakailan sa usaping pag-archive ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.


Sobra raw ang respetong nanatili sa bawat isa kahit pa raw may mga katropa silang taliwas sa naging boto ng tatay-tatayan nila.


“But at the end of the day, nagkakaisa kami sa pagsuporta at paggalang sa naging boto n’ya at inunawa ang kanyang posisyon sa naging desisyon ng Supreme Court at ng buong Senado na nakuha nga ang majority vote. Ganu’n ang demokrasya dapat,” paliwanag pa nila. 


Kaya nga raw sa BQ series ay may subplot ng pulitika para naman daw mai-present ng show ang iba’t ibang realidad sa gobyerno kahit fictional and yet intriguing ang mga karakter.


“Naku! ‘Yung karakter ni Mayor (Albert Martinez) na nabuking nang bading, bongga ang peg n’ya ru’n. Itanong natin kay Direk Joel Lamangan (na bongga ang karakter bilang si Roda) kung s’ya nga ang nag-suggest na gayahin si… (name ng pulitiko),” hirit pa ng makukulit na BQ boys.


Hahaha! Sino’ng may sabi na puro barilan at suntukan lang ang meron ang Batang Quiapo? Usung-uso rin daw ang Maritesan sa kanila. Hahaha!

 
 

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | August 9, 2025



Photo: Zanjoe Marudo at Ria - IG



Hindi talaga maipagkakaila na anak ng aktor na si Zanjoe Marudo si Baby Sabino. Marami ang nagsabi na kamukha raw ng aktor ang panganay na anak nila ng aktres na si Ria Atayde.


At pati raw balat (birthmark) na nasa parteng braso ng mag-ama ay pareho.

Sa Facebook (FB) page post ng multi-awarded actress na si Sylvia Sanchez ay nagbahagi siya ng larawan ng kanyang son-in-law na si Zanjoe, karga ang anak nito.

Sabi ni Sylvia sa post niya, “Hindi lang magkamukha! Magka-birthmark pa!!! Love you both (kissing emoji).”


Nakakabilib naman ang mother dearest ni Ria Atayde sa pagmamahal na ipinakikita niya sa kanyang son-in-law na si Zanjoe at sa baby nila na si Sabino.


Anyway, hindi pa nakikita sa social media ang mukha ng anak nina Zanjoe at Ria dahil sabi nga ng aktor ay ang anak lang nila ang magdedesisyon kung kailan niya gustong magpakita ng mukha.


Sabi pa niya, “‘Pag may kaibigan akong nakita o fans or ano, ‘Uy, kumusta baby mo? Patingin naman.’ Ipinapakita ko sa kanila. Hindi ko s’ya itinatago.”


Well, super lucky naman ni Baby Sabino sa pagkakaroon ng mga magulang tulad nina Zanjoe Marudo at Ria Atayde.



SAMANTALA, eksklusibong mapapanood na ng team bahay at team live ang kanilang paboritong Pinoy Big Brother (PBB) Collab Kapamilya at Kapuso housemates sa inaabangang reunion ng taon hatid ng PBB Collove ngayong Linggo (Agosto 10) sa iWant.


Tampok sa PBB Collove ang gabing puno ng pasabog performances, kulitan, at OA na pagmamahal ng housemates para sa kanilang mga fans worldwide.

Mapapanood sa iWantTickets ang star-studded na concert sa Pilipinas, USA, Canada, UK, Australia, Japan, Hong Kong, Singapore, UAE, Saudi Arabia, New Zealand, Taiwan, Germany, at Italy.

Bida sa concert ang 


PBB Collab Big Winner na BREKA (Brent Manalo at Mika Salamanca), kasama ang 2nd Big Placer na RAWI (Ralph De Leon at Will Ashley), 3rd Big Placer na CHARES (Charlie Fleming at Esnyr Ranollo), at 4th Big Placer na AZVER (AZ Martinez at River Joseph), hatid ang kilig, kantahan, at fun moments.


Kasama rin sa lineup ang mga celebrity housemates at performers mula sa parehong network gaya nina Dustin Yu, Bianca de Vera, Klarisse de Guzman, Shuvee Etrata, Vince Maristela, Xyriel Manabat, Emilio Daez, Michael Sager, Kira Balinger, Josh Ford, AC Bonifacio, Ashley Ortega, at iba pang surprise guests.



SA social media post ng singer at TV host na si Ice Seguerra ay nagbahagi siya ng video clip na nagpapakita na nag-duet sila ng kanyang namayapang ina na si Caridad Yamson Seguerra (RIP) o mas kilala sa showbiz bilang si Mommy Caring.


Bakas pa rin ang lungkot at pangungulila ng magaling na singer sa pagpanaw ng kanyang ina, lalo na noong sumapit ang ika-40th day nito.


Saad ni Ice sa post niya, “This was last year, 2024, during Liza’s birthday. Mahilig sila ni Erpats sa standards at marami sa mga kantang kinakanta ko, sa kanila ko unang narinig. I’m glad I was able to spend time with you that night, Mama. Masaya akong nakakanta tayong magkasama. Miss na miss na kita.


“40th day mo ngayon. Habang pinaghahandaan ko ‘tong concert, ikaw ang laman ng puso ko. ‘Di ko na maririnig ang boses mo. Pero sana maramdaman mo ako, sa bawat kantang aawitin ko.

“First time kong mag-concert nang wala si mama kaya sana, samahan n’yo ‘ko sa espesyal na araw na ‘to.”


Dagdag pa ni Ice, “The 40th day since I last saw you. Minsan, hindi pa rin ako makapaniwala na wala ka na, na hindi na kita makikita. Nagigising ako na wala na akong nanay.


“Naaalala ko pa ‘yung huling araw na kasama kita, ni hindi dumapo sa isip ko na ‘yun na pala ang huli. Huling araw na makikitang naglalakad, huling araw na mahahawakan, huling araw na mayayakap. Hindi pa rin ako makapaniwala na ganu’n lang kabilis.


“Ang sakit pa rin, Mama. Ang hirap pa rin tanggapin. Kahit may mga araw na parang normal, bigla akong sasampalin ng katotohanan. Katotohanang kahit gusto kitang makita, wala nang pag-asang mangyayari pa ‘yun. Sana sa panaginip, kahit saglit, makasama kita ulit. Miss na miss ko na ang lambing mo.”


Matatandaan na pumanaw ang ina ni Ice noong June 27, 2025.


Don’t worry Ice, mayroon kang magandang anghel sa langit, walang iba kundi ang iyong pinakamamahal na ina.


‘Yun lang and I thank you.



 
 

ni Ambet Nabus @Let's See | August 9, 2025



Photo: Manny Pacquiao at Jinkee - IG



Pinag-uusapan sa socmed (social media) ang arrival ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao sa NAIA kamakailan.


Nag-stay pa nga sa USA ang mag-asawa immediately after ng draw result sa huling laban ni Pacman.


Siyempre nga naman, milyones na dolyar ang kinita nila roon kaya siyempre, isusubi muna ‘yun sa tamang lalagyan kumbaga.


Anyway, naging isyu nga ang tila pandededma raw ni Jinkee sa mga sumalubong sa kanila sa pangunguna ni Dyan Castillejo na may TV coverage pa.


Nakunan nga ng TV camera ang tila pandededma ni Jinkee sa taong sumalubong at nag-abot ng kamay sa asawa para bumati.


“Grabe, ha! Pero ‘yung reaksiyon n’ya na parang hindi masaya, very suplada ang aura,” komento ng netizen.


“Baka naman napagod lang sa biyahe,” depensa ng ilan. 


Ani ng isang netizen, “Eh, bakit naman si Manny, super-ngiti at tawa pa at marespetong inabot pa ang kamay sa mga bumati? May dialogue pa nga ito kay Dyan, ‘Uy, may TV coverage pa talaga?’”


Hello, iba naman si Manny Pacquiao kay Jinkee, ‘noh! Hahahaha!



“HINDI mo talaga maaasahan na makakuha ng respeto kay Vice Ganda. He or she is her own boss at kapag hindi mag-align ang opinyon mo sa saloobin n’ya, basher ka n’ya. 


“Ipagsisigawan pa niyang ‘demonyo ka’ o wala kang silbi sa mundo,” ito ang sigaw ng mga defenders ng Villar family.


Sa isang parte raw kasi ng It’s Showtime (IS) kamakailan ay ginawa nga raw ‘subject’ ng humiliation ang isyu sa mga Villar, lalo na ang usapin sa tubig na isa sa mga negosyo ng naturang pamilya.


“We understand the woes of those that are affected by the operation of the said business. Ginagawan naman ng paraan na ma-address at nasa tamang mga ahensiya na dahil hindi lang naman ang pamilya Villar ang dapat na managot sa mga palpak na serbisyo. 


“Pero ‘yung i-ridicule mo pa on national TV at pagtawanan pa ng mga kasamahan n’ya ay napaghahalata ang malice. Sana ay magkaroon na lang s’ya ng ibang show kung ang hilig-hilig n’yang kumuda sa mga isyu ng bayan. A big part of their variety show is for entertainment at hindi isang public service program. Puwede naman s’yang kumuda o mamintas pero dapat i-present niya ang both sides. 


“Nagmamagaling s’yang matalino at maraming alam sa isyu ng bayan pero ‘yung style n’ya ng pagbibigay ng opinyon ay masyadong bastos na nagtatago sa ngalan ng komedya. Walang respeto.  Remember, ‘yung online sugal na ine-endorse n’ya ay pinagkaperahan din niya, so nasaan ang pagiging righteous niya?” ang litanya pa ng mga nagtatanggol sa pamilyang Villar.


Sa naturang IS portion nga kung saan may trivia question sila sa mga kalahok, ang simpleng salitang ‘BILYAR’ ay pinaglaruan nga at iniugnay na sa mga Villar sa Senado at mga Villar na may negosyo sa tubig na inirereklamo nga ng mga consumers at subscribers nito.


“At ‘yung mga co-hosts n’yang maririnig mong malisyosong tumatawa sa kuda n’ya ay nakakapikon ding makita. Para namang hindi nila pinagkakitaan at one point sa mga raket o shows nila ang pamilya Villar,” hirit pa ng mga defenders.


Aguy, sinu-sino kaya ang mga ‘yun?


Pamilya Villar, pinaglaruan sa It's Showtime…

VICE, FEELING MATALINO AT LAGING NASA TAMA, PINAGKAKITAAN NAMAN ANG SUGAL


MEANWHILE, may mga nakausap din naman kaming nagsasabi na ganu’n talaga ang istilo ni Vice Ganda.


“You either love him or hate her,” sey nila. 


May payo pa ngang hindi raw talaga para sa mga madaling mapikon o mainis ang style ni Vice.


Naturalesa rin daw ni Meme Vice ang magpasimula ng isyu in guise of comedy and humor, pero kapag sa kanya na ibinabalik o ibinabato ang isyu, nagngangalit na nga ito.


Bongga nga ang ginawang analogy ng isang kilalang ehekutibo na nakausap namin na nagsasabing dapat daw kay Vice, kung totoong matapang at matalino ay magkaroon ng isang public service o political show dahil valid naman daw ang mga observation nito sa mga isyu ng bayan. ‘Yung mga pitik niya, totoo naman. ‘Yung delivery nga lang talaga niya ay pang-political show, hindi pang-entertainment.


Inihalimbawa nga ito ng naturang executive sa isang ‘baboy sa kural’.


Pag-analisa nito, “Ang usapin sa pulitika at negosyo ay babuyan talaga. Kung ayaw mong maputikan, ‘wag na ‘wag kang makipagrambulan at makipagkulapulan ng putik at dumi. “Gustung-gusto ‘yun ng baboy dahil ‘yun ang tirahan n’ya at mga tira-tira ang kinakain n’ya.

‘Yun ang mundo n’ya at literal na, ‘Bwak, bwak, bwak,’ ang lagi n’yang isinisigaw.”


Ay, grabeng aguy, uy!!!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page